Chapter 5

21.8K 254 0
                                    

MASAKIT ang ulo ni Walter kinabukasan. Napasarap ang inuman nila ni Jed nang nagdaang gabi. Pero nag-enjoy naman siya. Kahit paano ay na-relax siya. Ngunit mukhang naparami ang inom niya kaya ngayon ay may hangover siya.

"Manang, kape," malakas ang tinig na utos niya.

Sa resort na nakatira si Manang Tessie—ang katiwala roon—at ang pamilya nito mula nang itayo iyon ng kanyang ama.

Ang unang plano ng kanyang ama ay gawing private vacation house ang resort. Naging bukas lamang iyon sa publiko nang makita ang potensiyal sa negosyo. Subalit mabilis na dumami ang resort sa paligid ng bayang kinatatayuan niyon kaya humigpit ang kompetisyon. Napabayaan pa iyon dahil walang namamahala roon. Hindi iyon na-develop mula nang maipatayo.

Nabawasan ang mga pumupunta roon hanggang sa ipamana na iyon ng kanyang ama kay Jed upang itigil na nito ang paglalaro ng extreme sports at maging negosyante na lang.

"Naku! Ang batang ire. Aba'y parang sirang bao 'yang mukha mo, eh. Patricia!" wika ni Manang Tessie.

"Po? Bakit ga?" sagot ng humahangos na dalagita sa ina nito.

"Ikuha mo nga si Sir Walter ng kape. Iyong matapang nang mawala ang amats."

"Maaga yatang umalis si Jed," sabi ni Walter.

Iniayos ni Manang Tessie ang eyeglasses saka tiningnan siya. "Oo. Nagpahatid nga kay Miyo. Ay ikaw ba? Kailan ang luwas mo pa-Maynila?"

Humikab muna siya bago tumugon. "Hindi ko pa alam. Bakit, ayaw mo bang nandito ako?"

Nakangiting umismid ito. "Hindi naman. Gustong-gusto nga naming naririto kayo. Aba'y matagal nang hindi nadadalaw ang mga magulang mo rito."

"Busy lang kasi sila. Hayaan mo, sasabihin ko sa kanila na bumisita rito." Nanggigigil na pinisil niya ang mga pisngi nito.

Hinampas siya nito nang malakas. "Ikaw bata ka. Aba, para ka kambal mo, eh. Hindi kayo nauubusan ng kakulitan. Umalis ka nga riyan at inumin mo ang kape mo. Baka mamaya ay may dumating na guest, eh, maamoy ka pang amoy-alak. Hala, alis."

Nilapitan siya ni Patricia at inabutan ng tasa ng kape.

Kinuha niya iyon at nilanghap ang usok na nagmumula roon. Tila nabawasan ang sakit ng ulo niya dahil sa bango ng aroma ng kapeng barako. Bagay na bagay iyon sa umaga. Humigop siya roon at naglakad patungo sa upuan na gawa sa rattan.

"Good morning," anang isang malambing na tinig na ikinalingon niya.

Napatda siya nang makita ang babaeng palapit sa reception area.

"Hi, Ma'am. Good morning! Welcome to Villa Carmen Resort," nakangiting bati ni Manang Tessie. Pagkatapos ay patakbong lumapit si Patricia mula sa kung saan. Mabilis itong nakapasok sa loob ng reception corner at tumabi sa ina nito. Maluwang din ang pagkakangiti nito.

Bumalik sa babae ang tingin ni Walter. Tila biglang nawala ang sakit ng ulo niya. Standing a few steps away from him was Billie Anne. Napakaganda nito sa suot nito mahabang loose dress. Naka-flip-flops lang ito at may nakasukbit na may-kalakihang tite bag sa balikat.

"Hi, I'm looking for Mr. Jed Ongpauco. I was invited here by Mrs. Miranda Ongpauco. And she said Jed was here."

Naalarma si Walter sa narinig. Ang lola niya ang tinutukoy nito. Mabilis na gumana ang isip niya. "Ouch!" angal niya nang matapunan ng kape ang kamay niya.

Napalingon sa kanya si Billie Anne pati na ang mag-ina. Ngumiti siya. Napatitig sa kanya si Billie Anne. Pagkatapos ay kumunot ang noo nito. Kahit na kumikirot ay ipinahid niya sa suot na kuldoroy na shorts ang kamay saka lumapit dito.

"Hi, I'm Jed. Good morning," sabi niya at agad na inabot ang kamay nito.

"Ikaw?" tila napapantastikuhang wika ni Billie Anne habang nakatitig sa kanya.

"Ako?" Natandaan kaya siya nito? Kinabahan siya. Base sa naaalala niya ay hindi nito nagustuhan ang ginawa niya sa airport.

"Yeah. The guy at the airport?"

"Ahm, that wasn't me. Wala akong natatandaang nagkita na tayo. Well, I know you Billie Anne but..." pagsisinungaling niya.

Bumuka ang mga labi nito na tila may gusto pang sabihin ngunit tila naumid. Tila malalim na nag-iisip hanggang sa umiling na lang ito. "My grandmother Soledad is a friend of your grandmother. I was told about your resort. So, I'm here."

"Welcome. I'm sorry for the inconvenience. Renovation," pagdadahilan niya kung sakali mang hindi natutuwa si Billie Anne sa dinatnan.

Tumango ito. Noon niya hinarap ang kaninang natutulalang si Manang Tessie. "Pakibigay sa kanya ang pinakamalaking cottage, Manang."

Hindi agad ito nakatugon. She still seemed shocked so he snapped his fingers in front of her. Tila naman nagising na ito ganoon din si Patricia.

"Ah, okay, cottage. Patricia! Susi."

Lumabas si Patricia dala ang susi at lumapit kay Billie Anne. "Sasamahan ko na po kayo," nakangiting sabi nito.

"Well, she said—"

"Don't worry. Naintindihan ko ang sinabi niya," agap ni Billie Anne sa kanya.

"Ako na'ng sasama sa kanya, Patricia," prisinta niya na hindi na hinintay na makasagot ang dalagita. Kinuha na niya rito ang susi at hinarap si Billie Anne. "Shall we?" nakangiting yaya niya rito.

"All right. Pero may mga gamit pa ako sa labas. I think I need to—"

"No. Si Pat na ang bahala do'n. 'Di ba, Pat?"

"Ah, opo Sir Wa—este, Sir Jed."

Iginiya na niya si Billie Anne sa cottage nito.

lign:none;T=P

My Gossip Girl COMPLETED(Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon