Chapter 4

24K 283 1
                                    

"SABI ko na nga ba, hindi mo ako matitiis, eh."

"Nasaan ang tropa?" sa halip ay tanong ni Walter kay Jed nang salubungin siya nito. Ngiting-ngiti pa ito at bahagyang sinuntok ang balikat niya. Umupo siya sa isa sa mga upuan doon na yari sa rattan.

Hindi rin siya nakatanggi na puntahan ito sa resort. Kilala niya ang kambal niya. Hindi siya titigilan nito hanggang sa magtampo na ito.

Mas matanda ito nang tatlong minuto kaysa sa kanya kaya ito ang itinuturing na panganay sa kanilang pamilya. Ang bunso nila ay si Naureen na kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo.

Isang professional skateboarder si Jed. Ilang beses na itong nagpabalik-balik sa China at sa ilang bansa sa Europa upang lumahok sa mga paligsahan. Ilang beses na rin itong nanalo.

Umupo si Jed sa tabi niya. "Umuwi na kanina. Bukas na kasi ang simula ng camp para sa mga bata," sagot nito. Nagsalin ito ng alak sa isang kopita at iniabot sa kanya.

Isang training camp ang sinimulan ni Jed upang mailapit sa mas maraming sports enthusiast ang larong skateboarding.

Kumunot ang noo ni Walter. "Bakit pinapunta mo pa ako dito? I rushed through traffic, 'tapos wala naman pala akong madadatnan."

"'Wag kang magalit. Gusto talaga kitang kausapin. Saka masyado kang seryoso sa problema mo. Unwind."

"Kailan ka aalis?" sa halip ay tanong niya kay Jed.

Alam niyang hindi nito maiintindihan ang pinagdadaanan ng magazine. Wala kasi itong kahilig-hilig sa pagsusulat. Mas gusto nitong lumayas at pumunta sa kung saan-saan. Mas pinili nga nitong mag-resign sa trabaho bilang art director sa isang advertising agency at tutukan na lang ang paglalaro.

"Bukas na. Na-move ang schedule ng game, eh. Kumain ka kaya muna."

"Busog ako," walang ganang wika niya.

Tumawa ito nang mahina. "Wala pa rin kayong concept sa next issue n'yo, 'no?"

"This is my last chance. Kapag hindi pumatok ang issue ay ipu-pull out na ni Mr. West ang magazine." Napabuntong-hininga siya.

"Feature Sarah Geronimo," suhestiyon ni Jed.

"The last time I checked, apat na beses na siyang naging cover ng magazine. At isa pa, ano'ng babasahin nila tungkol sa kanya? She's getting older but she's still wholesome. At hindi rin ako nagko-concept kung walang depth ang istorya."

Tumawa ito. "Pero 'yon ang bumebenta. Gossip feeds your industry. 'Yon ang istorya mo. MuNt is a magazine not a fictional book."

"Damn. This is hard. I need a story." Sinabunutan ni Walter ang sarili.

Tinapik ni Jed ang balikat niya. "Kaya mo 'yan."

Nilingon niya ito. "Kung magsalita ka, parang wala kang problema. Paano ang resort mo?"

Natigilan ito na tila noon lamang nito naalala ang binanggit niya. Saka ito ngumiwi. "Saka ko na iisipin 'yan."

Ipinama ng kanilang ama kay Jed ang resort nila sa Batangas dahil ito ang panganay. Subalit hindi alam ni Jed kung tatanggapin iyon. Papalugi na kasi ang resort at malaking halaga ang kakailanganin upang makabawi iyon.

"Wait, why don't you try Billie Anne?" pagbasag ni Jed sa katahimikan nilang dalawa.

Nakakunot ang noong nilingon niya ito kasabay ng pag-iiba ng tibok ng puso niya.

"Sigurado ako na may bibili na ng issue mo. Si Naureen," tumatawang sabi nito.

Natawa na rin siya. "She really likes that violinist."

My Gossip Girl COMPLETED(Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon