NATIGILAN si Belle nang makita ang pamilyar na pigura na nakatayo sa tabi ng kotse niya. Galing siya sa studio para i-finalize ang listahan ng mga tutugtugin niya. Hindi na siya nagpasama kay Grace dahil saglit lang naman iyon.
"Hi," anang tila pagod na tinig ni Walter nang makalapit siya.
Napalunok siya. Nasasaktan siyang makita ito. Maputla ito, tila pagod. Nais niyang takbuhin ang natitirang distansiya nila at yakapin ito nang mahigpit ngunit pinigilan niya ang sarili. Hindi pa rin nawawala ang galit niya rito.
"Kumusta ka na?" tanong nito.
"I'm fine. Excuse me." Nilagpasan niya ito. Pero pinigilan nito ang kamay niya nang aabutin niya ang pinto ng kotse niya. Pumiksi siya upang palisin ang kamay nito.
"Belle—"
"Please, 'wag na nating paguluhin ang sitwasyon. All right, I read your magazine. Salamat at tinupad mo ang pangako mo. Pero hanggang doon na lang 'yon."
Kitang-kita niyang bumakas ang lungkot sa mga mata ni Walter. At parang guguho ang mundo niya na makitang nasasaktan ito.
"Nahihirapan ako, Belle. Paano ko susundin ang sinasabi mo kung hindi ko kaya? Hindi ko kayang talikuran na lang ang nararamdaman ko para sa 'yo. Hindi ko kayang tanggapin na matatapos na lang tayo. We just started. Pinagsisisihan ko naman lahat, eh. Just don't do this to me. 'Wag mo namang isara ang sarili mo sa akin. I'm willing to do everything," pagsusumamo nito.
She hated it. Naiinis siyang nararamdaman niya ang sakit na nararamdaman nito. Ngunit nasasaktan din siya dahil sinaktan siya nito.
"It is not like that."
"No, Belle." Lumapit ito sa kanya ngunit muli siyang humakbang palayo. Natatakot siyang mahawakan uli nito dahil baka ipagkanulo na siya ng puso niya at yakapin na niya ito.
"Hindi na gano'n 'yon. I have given enough. Ibinigay ko ang tiwala ko sa 'yo dahil ipinaramdam mo sa akin na wala kang panghuhusga. Na gusto mo akong makilala nang ako, bilang si Belle at hindi bilang si Billie Anne. My days on the beach were amazing. Napakasaya ko no'n at dahil 'yon sa 'yo. Naging espesyal ka na sa akin mula no'n. I've missed you so much. Pero parang walang halaga ang lahat ng 'yon dahil hindi mo ipinakilala ang sarili mo. Nagsinungaling ka. Mali pala ang inisip kong ikaw."
Tumingala ito at tila napapagod na bumuga ng hangin. Tila iyon ang kailangan upang pigilan ang pagluha nito. Nag-iwas siya ng tingin.
"Puwede kong ipakilala ang sarili ko ngayon. 'Wag lang ganito. Ang hirap."
Napabuntong-hininga si Belle. "Bigyan na muna natin ang sarili natin ng pagkakataon. Pareho tayong nasasaktan. Hindi ko alam kung galit pa ako sa 'yo. Hindi ko talaga alam. At ayokong maging gano'n ako sa 'yo. Hayaan lang muna nating ganito. Ayokong basta na lang itapon ang lahat, Walter. Pero nasasaktan pa rin ako. Lalo na ngayong nakikita kita. Mahal kita. Pero hindi ko gustong makita ka." sumakay agad siya sa kotse niya at doon pinawalan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilang pumatak.
:12.0pt;foncw<