"BAKIT nandito ka pa?" nagtatakang tanong ni Walter nang pagdating niya sa opisina ay nadatnan niya roon si Dalia. Ito ang inatasan niyang pumunta sa NAIA upang abangan ang pagdating ni Billie Anne sa bansa.
"Sir, sumama ang tiyan ko, eh. LBM," nakangiwing sagot nito na nakahawak pa sa tiyan.
Napailing siya saka sinipat ang relong-pambisig. Alas-onse na ng umaga. Ala-una ang dating ng eroplanong sinasakyan ng violinist. Napabuntong-hininga siya. "What now? Paano si Billie Anne? Dalia—"
"Ako na lang," sabad ni Anton na palapit sa kanila. Senior writer niya ito.
Mabilis siyang umiling. Hindi maaaring iwan ni Anton ang revision para sa bagong issue ng magazine nila.
Apat na taon na ang MuNt Magazine. Isa iyong music magazine kung saan nagpi-feature sila ng mga current event tungkol sa mga music artist, events at lahat ng tungkol sa music industry. Siya ang editor in chief niyon. Isa ang magazine sa unit ng West Publication, ang kasalukuyang namamayagpag na publication sa bansa.
Naging maayos ang unang tatlong taon ng MuNt. Subalit nang magkaroon sila ng mga kakompetensiya ay nahirapan na sila ng team niya na humanap ng cover buwan-buwan. Ang MuNt tuloy ngayon ang nasa huling puwesto pagdating sa sales ng West Publication. At may posibilidad na i-pull out sila kung hindi magiging hot peak ang issue sa susunod na buwan. At malaki ang maitutulong ng biglaang pag-uwi ni Billie Anne sa bansa upang maiangat uli ang magazine.
"I have it," sabi ni Kirby na pumasok sa opisina at iniangat ang dala nitong draft. Layout artist nila ito.
"Mamaya ko na lang titingnan 'yan," ani Anton. Lumapit ito sa mesa at kinuha ang bag nito.
"Hindi na, Anton. Ako na lang ang pupunta do'n. You need to see the layout. Mag-meeting na kayo," pigil ni Walter nang lalabas na si Anton.
"Pero kailangan mo rin makita ito," sabi naman ni Kirby.
"Mas kailangan ni Anton 'yan. Aalis na ako," aniya at nilingon si Dalia. Nanghihingi ng paumanhing nakatingin lang ito sa kanya. Nagbuntong-hininga na lang siya at nagmamadali nang lumabas ng opisina.
MABUTI na lang at hindi gaanong traffic kaya mabilis na narating ni Walter ang airport. Pagdating niya ay naroon na ang ibang miyembro ng media na nag-aabang din kay Billie Anne. Dala ang kanyang recorder ay naupo siya sa gang chair at tahimik na inihanda ang nakalaang tanong para sa violinist.
Nang makarating sa kanila ang balitang uuwi si Billie Anne ay agad na silang nakipag-ugnayan sa agency nito upang mai-cover ito ngunit bigo sila. Bakasyon lang daw ang dahilan ng pag-uwi ng dalaga. Wala rin itong engagements sa bansa kundi isang concert sa Cebu.
"Nandiyan na siya!"
Napalingon si Walter. Dumating na ang violinist. Agad siyang tumayo at nakihalo sa ibang reporter na nakaabang sa ibaba ng escalator kung saan manggagaling si Billie Anne.
Hindi nagtagal ay lumitaw na ang violinist at agad na nagsipagkislapan ang mga camera habang mabagal na bumababa ang escalator. Nakasuot ito ng shades na halos natatakpan na ang buong mukha nito.
"Welcome to the Philippines," bati ng isang attendant sa airport at iniabot ang isang malaking tumpok ng bulaklak.
"Thank you," mahinang tugon ng dalaga at nagsimula na itong maglakad.
Sinundan ito ng mga reporter, kabilang na siya.
"Billie Anne, hi, welcome home. How does it feel to be home at last?" anang isang reporter na nasa harap niya.
"It feels good, thank you," maiksing sagot ni Billie Anne na tuloy pa rin sa paglalakad. Kumibot ang mga labi nito tanda ng pagngiti.
"What are your plans now that you're home? Do you have any engagements?" agad na tanong ng isa pa.
Siya ay nakasunod din lamang at pinipilit na makapasok sa kumpol ng mga mga reporter ngunit nahihirapan siya. Mabilis kasing maglakad si Billie Anne. Iniumang na lang niya ang dalang recorder.
"Just a simple vacation. I only wanted to visit my grandmother here," tugon ng dalaga.
"Why is it that your mother is not with you? Is it true that you haven't been on speaking terms since the incident?" tanong mula sa kung saan.
Hindi tumugon si Billie Anne at nagpatuloy lamang sa paglalakad. May ilang tanong pang sumunod subalit hindi na ito tumugon.
Nakarating na sila sa sasakyan nito. Naalarma si Walter. Hindi sapat ang mga sagot nito.
Kailangan niyang gumawa ng paraan. Pinilit niyang pumagitna sa dalawang reporter na malapit kay Billie Anne. Bahagya pang nagulat ang isa at tiningnan siya nang masama. Humingi siya ng paumanhin dito.
"How's Ron, by the way?" mabilis na tanong niya. Hindi dapat iyon ang itatanong niya subalit kailangan niyang makuha ang atensiyon ni Billie Anne. Papasok na kasi ito sa sasakyan.
Natigilan ito at dahan-dahang lumingon sa kanya. Tinanggal nito ang suot na shades at tinitigan siya. Siya naman ang natigilan.
May kung anong naantig ito sa kanyang kalooban. Hindi iyon ang unang beses niya itong nakita. Nakita na niya ito sa telebisyon, sa mga magazine, sa billboard at sa mga poster sa kuwarto ng kapatid niyang si Naureen na avid fan nito.
Alam niyang maganda si Billie Anne ngunit ngayong malapit ito sa kanya at kaharap niya ay parang may kakaibang damdaming humihila sa kanya upang titigan ito. Malaporselana ang kutis nito at brown ang alon-along buhok. Bilugan ang mga mata nito ngunit naniningkit dahil sa mga pilikmata nito. Maliliit at maninipis ang labi nito.
"I don't know," simpleng sagot ni Billie Anne ngunit ang boses nito ay tila sibat na nagpatigil sa kanilang lahat. Pagkatapos ay tuluyan na itong sumakay sa sasakyan.
Nagkagulo uli ang lahat. Isinara nito ang pinto ng kotse at habang tumataas ang salamin ng sasakyan nito ay muli pa silang nagkatinginan.
Hanggang sa umusad ang sasakyan palayo ay naroon pa rin ang mahiwagang kislap na sumagi sa kanya nang matitigan niya si Billie Anne.
i niya ma3=։4P