"BAKIT hindi mo sinabi sa akin?" pabulong na sita ni Walter habang kausap sa cell phone si Jed. Tinawagan niya ito kahit abala ito sa laban nito. Kailangan niyang malaman kung paano at bakit kilala ito ni Billie Anne na ngayon ay nasa resort.
Narinig niya ang tawa nito sa kabilang linya na lalo niyang ikinainis. Mukhang hindi sineseryoso ng kapatid niya ang sinasabi niya.
"What? Hindi ko naman akalain na si Billie Anne 'yong babaeng sinasabi ni Lola. Ang sabi lang niya, may ipapakilala siya sa akin. And she wanted me to accommodate her. Kaya pinapunta niya sa resort," paliwanag nito na muling tumawa. "Bro, hindi ba't maganda nga ang nangyari? That's Billie Anne, for Christ sake!"
"Yeah. You said it," naiinis na sabi niya.
Tuwing iisipin niya iyon ay umaahon ang galit at inis sa dibdib niya. Ang totoo ay hindi niya alam kung matutuwa sa biglang pagdating ni Billie Anne sa resort. Kagabi lamang ay iniisip niya kung paano makakakuha ng interview rito. Lahat ng paraan ay ginawa na ng team niya upang makapanayam ito ngunit walang nangyari.
"You freak. Come on, bro. Nasa harap mo na ang chance mo. You can get the interview that will save your ass. Ano, sasayangin mo na lang? 'Di ba dapat, nagpapasalamat ka pa sa akin?" tanong nito sa kanya.
Tinanaw niya ang dalaga na kanina pa nakaupo sa buhanginan at tila malalim ang iniisip. Ang akala niya ay maglalangoy ito ngunit hindi. Kanina pa lang pagdating nito ay tila mabigat na ang pakiramdam nito.
"This is not right. Kailangan pa ring sa agency dumaan ang lahat. It should be formal," giit ni Walter.
"And just like that? You have it, Walter. Kaibiganin mo. Make her feel comfortable around you. Saka mo sabihin ang alok mo. Ngayon ka pa ba ganyan kung kailan nasa harap mo na ang pagkakataon?" panenermon ni Jed.
"May problema, actually."
"Ano?"
"Sinabi kong ako ikaw."
"What? Anak ng—! Bakit?"
Napabuntong-hininga siya. "Dahil kailangan kong gawin."
"Hay naku, Walter. Okay, ganito. Talk to her now. Sabihin mo sa kanya ang nangyaring misunderstanding kanina."
"Really? Gano'n lang kadali? We had a situation. Nagkita na kami sa airport sa ambush interview niya. Nakita niya ako ro'n. At parang hindi niya nagustuhan ang pagtatanong ko. At kanina nang dumating siya, nakilala niya ako."
"So?"
"Nagsinungaling ako. Baka kasi umalis siya kapag sinabi kong ako 'yon. Kailangan ko siya."
"Malaki nga ang problema mo. Bakit mo ba kasi ginawa 'yon?"
Wala sa sariling napailing si Walter. Mabuti na lang at malayo si Billie Anne sa kanya. Tila lalo pang nadagdagan ang problema niya. "Ikaw ang hinanap niya, eh. Baka kapag malaman niyang wala ka, bigla siyang umalis."
"It's not too late. Puwede mo pang itama ang nangyari."
"Paano ko sasabihin na kamukha ko lang ang taong pinuntahan niya rito? And I'm here just to ask her for an interview?"
"You are ridiculous. Bahala ka na nga." Pagkatapos ay pinutol na ni Jed ang tawag.
Tinitigan ni Walter ang screen hanggang sa mamatay ang backlight niyon. Saka niya nilingon ang red wine na nakapatong sa mesa na gawa sa rattan. Dinampot niya iyon kasama ng dalawang kopita saka bumuntong-hininga. Pagkatapos ay lumapit siya kay Billie Anne. Alam niyang kailangan na niyang panindigan ang kasinungalingan. He only hoped for the best.