KINABUKASAN, sa harap ng masaganang almusal ay ibinalita kay Angela ng kanyang ina na nasa fruit farm si Marko kasama ang kanyang mga pinsan.
Sumulyap siya sa wall clock. "Napakaaga naman nila," komento pa niya bago humigop ng kape. Hindi pa kasi tapos ang pag-aani ng mga mangga, pakwan, at melon.
"Dumaan din dito si Marko, naghatid ng mga bulaklak para sa 'yo. Sinilip kita sa silid mo pero tulog ka pa. Hayun ang mga bulaklak, o." Itinuro nito ang mga bulaklak na maayos nang nakalagay sa isang vase. Lihim siyang napangiti. Nasisiguro niyang galing sa bakuran ng log cabin ni Brandon ang mga iyon. Alam kaya iyon ng pinsan niya?
"Pupunta ka ba doon ngayon, hija?"
Umiling siya. "Sa clinic po ako pupunta, 'Ma. Ayon sa appointment book na idinaan dito ni Jenny, maraming schedule for vaccination ng mga bata ngayon." Agad niyang tinapos ang almusal at naghanda na siya para sa pagpunta sa clinic niya sa Centro. Tiyak na magiging busy siya ngayong araw.
Isang kilometro na ang itinatakbo ng kabayo niya nang mapagdesisyunan niyang sumilip muna sa fruit farm. May oras pa naman siya para doon at hindi naman siya male-late sa unang appointment niya. Wala pang limang minuto ay tanaw na niya ang taniman.
Abalang-abala na ang mga tauhan nila sa kanya-kanyang trabaho. Agad niyang napansin ang mga pinsan niya na kanya-kanyang buhat din ng kaing ng mga mangga. Maaga pa lang kaya presko pang tingnan ang mga ito. Pero sigurado siyang pagsikat ng araw ay magsisipagtanggalan na ng damit-pang-itaas ang mga ito. Hindi pa nga pala niya naitatanong kanino man sa mga ito kung bakit kailangan pang maghubad ng damit gayong mas mainit ang pakiramdam kapag hubad dahil direktang tumatama ang sinag ng araw sa balat ng mga ito.
Napangiti siya. Sino ang mag-aakala na ang mga pinsan niyang lumaki sa karangyaan ay sanay na sanay sa ganoong trabaho. Hindi lang iyon ang alam ng mga pinsan niya dahil marunong din ang mga ito na pumalaot at mangisda. Napakasuwerte ng mga babaeng makakabihag sa puso ng mga ito.
"Angela!"
Hinanap niya ang pinanggalingan ng tinig. Si Marko iyon na tulad ng mga pinsan niya ay may buhat ding kaing. Tila hindi naman isyu rito kung magbuhat man ito. Agad na ibinaba nito ang sunong na kaing pagkatapos ay dumampot ito ng mga mangga bago tinungo ang kabayo niya.
Nang makalapit na ito sa kanya ay nginitian siya nito nang ubod-tamis. "Magandang umaga, Angela."
"M-magandang umaga rin. Kumusta naman ang unang araw mo rito sa amin? Napasubo ka kaagad sa trabaho."
"Catalina is an amazing place. I especially love the hacienda. Isinama ako kagabi ni Brandon sa burol. Mula ro'n, kitang-kita ko ang kabuuan ng Centro at ng hacienda. The view is spectacular. Kitang-kita rin mula ro'n ang dalampasigan. Sinabi nga ni Dylan na papalaot daw kami minsan." Mababakas sa mukha nito na nasasabi ito nang totoo. "Tungkol naman sa trabaho, wala 'yon. 'Yon nga ang ipinunta ko rito, eh. Nakakahanga ang mga pinsan mo, Angela. Hanga ako sa kababaan ng loob nila sa mga trabahador ninyo."
"'Yan ang tunay na kayamanan ng mga Valencia," nakangiting sabi niya rito. Ang mga taga-Catalina ay walang masasabi pagdating sa kababaang-loob ng mga Valencia. Mula sa mga ninuno nila hanggang sa kasalukuyang henerasyon. "O, pa'no, papasok na 'ko, Marko. Maiwan na kita rito."
"Pasensiya ka na at hindi kita maihahatid ngayon sa Centro, babawi ako bukas. Para nga pala sa 'yo," anito, sabay abot sa kanya ng tatlong manibalang na mangga.
Inabot niya ang tangkay ng mangga. "Wala 'yon. Salamat dito sa mangga." Bago pa uli makapagsalita si Marko ay pinatakbo na niya nang mabilis ang kanyang kabayo. Subalit habang pinatatakbo naman niya ang kabayo ay hindi mawala sa isip niya ang preskong hitsura ni Marko, ang ngiti sa mga labi nito, at ang nangungusap na mga mata.
Sa tingin din niya ay sanay rin si Marko sa mga ganoong klase ng gawain. Na tipong hindi naman isyu rito kung pagbuhatin man ito ng mga pinsan niya. Sa ganoon kaliit na bagay ay makikita na ang kababaan ng loob ng isang tao.
Napailing na lang siya sa tinatakbo ng isip niya.
n,qwF�
BINABASA MO ANG
A Home In His Arms COMPLETED (Published by PHR)
RomanceA Home In His Arms By Aya Myers