Chapter 21

17.8K 282 1
                                    

"GOOD morning."

Napasinghap si Angela nang makita niya si Marko na nag-aabang na sa kanya sa labas ng bahay nila. Mag-iisang linggo na ito sa Catalina. Katulad ng pangako nito ay nanliligaw nga ito sa kanya.

Sinasamahan siya nito sa clinic niya at tumatayo ring assistant niya—pinagbakasyon na rin kasi niya ang assistant nila ni Jenny. Lagi rin itong may iniaabot sa kanyang bulaklak o kaya ay chocolates na nagpapakilig sa kanya. Aminado siya na napapasok na talaga nito ang puso niya at sa loob ng isang linggo ay wala pa siyang nakikita rito na puwede niyang ika-turn off. Nagugustuhan niya ang lahat dito, mula sa ngiti nito hanggang sa mga pasimpleng paglalambing nito.

"G-good morning din," ganting-bati niya rito bago pasimpleng pinasadahan ng tingin ang hitsura nito. Tulad ng dati ay napakaguwapo na naman nito at nakapaskil na naman sa mga labi nito ang isang nakapanlalambot ng mga tuhod na ngiti.

Agad na kinuha nito ang bag niya at isinukbit iyon sa balikat nito. Lihim siyang napangiti sa hitsura nito. With her bag on his shoulder, he was a lovable sight. Tinungo niya ang kuwadra at inilabas ang kabayo niya. Napansin niya na malawak ang pagkakangiti ni Marko. Binalingan niya ito.

"Bakit ganyan na lang ang pagkakangiti mo?"

"Wala si Brandon, eh. Ibig sabihin sa kabayo mo ako aangkas papunta sa clinic mo," nangingislap ang mga mata na sabi nito.

Hindi niya napigilan ang sariling mapahagikgik. Nauunawaan na niya kung bakit ganoon na lang ang katuwaan ni Marko. Tuwing umaga kasi ay si Brandon ang nag-aangkas dito papunta sa clinic niya. Kapag pauwi naman ay lagi ring naroon si Brandon na animo misyon na nito na huwag silang magdikit ni Marko. Masyadong mahigpit ang kanilang bantay. Hindi siya sigurado kung ginagawa ni Brandon ang mga iyon dahil nag-iisa siyang babae sa kanilang henerasyon o dahil nararamdaman na ng mga ito na may pagtingin din siya kay Marko.

"At akala mo naman ay papayag ako?" kunwa ay pagtataray niya rito. Pero tila kinikiliti na siya sa ideyang aangkas sa kabayo niya si Marko at masasandalan niya ang malapad na dibdib nito.

Biglang nawala ang ngiti nito. "Why not? Sige na naman, o. Pumayag ka na. Minsan lang akong makawala sa paningin ng mga pinsan mo," tila nagpapaawang sabi nito.

Napailing siya. Delikado yata kung magsasama sila nito sa iisang kabayo. Baka mapasagot siya nito nang wala sa oras, lalo na at alam niyang mapangahas din ito tuwing nakakakita ito ng pagkakataon. Tuwing malilingat kasi si Brandon ay ninanakawan siya ni Marko ng halik sa pisngi o kaya naman ay pasimpleng hahawakan ang kanyang kamay. Aaminin niya na nakakadama rin siya ng excitement sa pagiging mapangahas nito.

"May isa pang kabayo sa kuwadra. You can use it," aniya rito.

"Ang lupit mo naman," gusot ang mukha na wika nito. Hindi na niya napigilan ang mapahalakhak. Kahit sino yatang pintor ay hindi magagawang iguhit ang pagkakalukot ng mukha nito.

"Baka mabalian pa 'ko ng tadyang sa kabayo na 'yan," dagdag pa nito.

Pilit niyang itinigil ang pagtawa at tinaasan ito ng isang kilay. "Markopolo, huwag mong sabihin na hindi ka pa rin marunong sumakay at magpatakbo ng kabayo nang mag-isa? Hindi ba effective na teacher si Dylan?" Isang linggo na rin kasi itong nagpapaturo kay Dylan na sumakay at magpatakbo ng kabayo dahil bawal nga ang sasakyan sa hacienda. Tandang-tanda pa niya kung paano ito nahulog mula sa kabayo at nakangiwing bumangon para sumubok uling magpatakbo.

Kumamot ito sa ulo at saka sumimangot. "Paano mo 'ko natitiis, Angela?"

Napangiti siya sa hitsura nito. "Masyado kang madrama, Markopolo. Sige na, kunin mo na 'yong kabayo, baka tanghaliin na tayo," aniya bago tinangkang sumampa sa kanyang kabayo. Pero bago pa siya tuluyang makasampa roon ay nasa likuran na niya si Marko. She grew tense when both of his hands landed firmly on her waist. Maagang pumunta sa Centro ang mama niya at marahil ay alam iyon ni Marko kaya nagiging mapangahas na naman ito.

"M-Marko..."

He drew her closer. Nanayo ang mga balahibo niya sa katawan nang hawiin nito ang buhok niya at pagkatapos ay naramdaman na lang niya ang pagdampi ng mga labi nito sa kanyang batok. She closed her eyes when she felt the sensation rush all throughout her system. Pagkatapos ay naging sunod-sunuran na lang siya rito nang igiya siya nito paharap dito. Noon lang niya napagtanto na nakakabingi pala talaga ang pagtambol ng dibdib. Dahil iyon ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

"My sweet Angela..." bulong nito bago marahang dinampian ng halik ang noo niya. Pagkatapos ay bumalik na sa baywang niya ang mga kamay nito at sa isang iglap ay umangat sa lupa ang mga paa niya. Saka lang niya napagtanto na isinakay na pala siya nito sa kabayo niya.

And then he got the other horse from the barn. Matikas na sumakay ito roon. Nang makasakay ito ay inilahad nito ang isang palad nito sa kanya na agad niyang tinanggap. Tuloy ay magkahawak-kamay sila ni Marko habang marahan nilang pinatatakbo ang kanilang mga kabayo. Marko smiled at her and she couldn't help but smile back at him.

Her feelings were soaring high when suddenly Brandon appeared from nowhere on his stallion. Mabilis na nagbitiw sila ni Marko ng mga kamay. Malawak ang ngiti ni Marko habang si Brandon naman ay nakakunot ang noo na tila ba nagtataka sa kanila ni Marko.

",ser-vw@�;?

A Home In His Arms COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon