14

5.9K 179 10
                                    


"HINDI ko mapaniwalaan ang mga sinasabi mo, binibini." Manghang-mangha ang hitsura ng lalaki.

Nahilot ni Luchi ang sentido. "Isipin mo na lang ang nararamdaman ko ngayon. Para akong elyen sa sarili kong bansa."

Nasa loob sila ng isang kuwarto—kung saan niya kinuha ang mga lumang litrato at love letters.

Ang sabi ng lalaki, pag-aari daw nito ang kuwartong iyon.

Pagkatapos kasing makita ni Luchi ang paligid sa labas kanina, para siyang biglang nawalan ng lakas. Hindi siya makapaniwala pero may magagawa pa ba siya? Kaya pumayag na siya nang i-suggest ng lalaki na sa kuwarto na lang nito ituloy ang pag-uusap nila. Pareho kasi silang maraming katanungan sa isa't isa.

Patagong dinala siya ng lalaki sa kuwarto. Sa likod-bahay siya nito pinadaan. At sa ikalawang pagkakataon ay naranasan niyang sa bintana dumaan.

"Elyen? Ano ang bagay na 'yon?" curious na tanong ng lalaki. Nakatayo ito at nakasandal sa nakasarang pinto ng kuwarto.

Ikinumpas ni Luchi ang mga kamay. "'Wag mo nang itanong." Inilibot na lang niya ang tingin sa paligid. Gaya ng mga nakita niya sa labas—marami ring nangyaring pagbabago sa loob ng kuwarto nang muli niyang mapasukan.

Puno na ng kagamitan ang kuwarto. Hindi moderno pero halatang mga bago. Mula sa kama na gawa sa matibay na kahoy, sa kubrekama, hanggang sa mga gamit na naka-display sa ibabaw ng tokador—pabango, suklay, pictures na naka-frame, at kung ano-ano pa.

Nasa paanan ng kama ang bagong-bagong baul. Nalalatagan ng pulang kutson ang ibabaw niyon. Doon siya nakaupo nang mga sandaling iyon.

Narinig niya ang pagtikhim ng lalaki. "Kung tunay ngang nanggaling ka sa hinaharap, sa tingin mo bakit napadpad ka sa nakaraan?"

Muling nahilot ni Luchi ang sentido. "'Yan ang hindi ko rin alam."

"Hindi puwedeng hindi mo alam. Tiyak kasing may dahilan ang tadhana upang dalhin ka sa panahong ito."

Wala sa sariling napatingala siya sa lalaki. Tama ito. Lahat ng bagay, may rason. Ang kailangan niyang gawin, alamin kung ano iyon.

Biglang lumuhod si Luchi, saka pinagsalikop ang mga kamay, bago seryosong tiningnan ang lalaki. "Nakikiusap ako sa 'yo, kailangan ko ang tulong mo. Wala akong ibang malalapitan sa panahong ito maliban sa 'yo..." pagmamakaawa niya. "Puwede mo ba akong tulungan?"

Napakurap nang ilang beses ang lalaki. "Sa paanong paraan naman?"

"Hindi ko pa alam pero mag-iisip ako."

Mukhang tinitimbang pa nang mabuti ng lalaki ang isasagot sa kanya. Pero mayamaya lang din ay tumango ito.

"Sige. Asahan mo ang aking pagtulong," pagpayag nito.

Dahil sa tuwa, patakbo niya itong nilapitan at saka niyakap. "Maraming salamat," sinserong sabi niya.

Naramdaman ni Luchi na parang nanigas ang katawan ng lalaki, dahil siguro sa pagkabigla. "Ahm, may hihingin pa sana uli akong pabor."

"Ano 'yon?" Halata sa boses nito na na hindi komportable.

"Puwede bang dito na muna ako sa kuwarto mo magtago pansamantala?"

Bigla itong kumalas mula sa yakap niya. "Hinihingi mong makasama ako sa iisang silid?" Namilog ang mga mata nito.

Nahihiyang ngumiti si Luchi. "Kasi nga, ikaw lang ang nakakaalam ng sekreto ko. Saka mukhang matino ka namang lalaki. Mabait. Harmless."

"Huwag kang pakakasiguro, binibini. Hindi mo pa ako lubusang kilala."

Ngumiti siya nang matamis. "Kaya nga pumayag ka na dito muna ako pansamantala habang iniisip ko pa kung paano makakabalik sa panahon ko. Para mas makilala kita, hindi ba?"

Pinagmasdan siya nang mataman ng lalaki.

Pagkaraan ng ilang sandali, tumango rin ito. "Sige, ngunit may mga kondisyon ako. Una, hindi ka maaaring magpagala-gala dito sa loob ng aking silid na ganyan ang bihis mo. Mahigpit ko 'yong ipinagbabawal. Ikalawa, huwag kang basta na lang mangyayakap."

Napalabi siya. "Bakit naman?"

Naging mailap ang mga mata ng lalaki. "Dahil hindi magandang tingnan para sa isang dilag ang basta na lang nangyayakap ng isang lalaki."

"Hindi 'yon. Ang ibig kong sabihin, bakit kanina mo pa pinag-iinitan 'tong suot ko?"

Sa unang pagkakataon, nakita ni Luchi na tumaas ang gilid ng labi ng lalaki na parang pinipigilang mangiti.

"Because, lady, in this period—in my time, you are considered naked." Pinasadahan nito ng tingin ang kanyang kabuuan. "And it is hard trying to be a gentleman when there's a naked lady lurking inside my room."

Nag-init ang mukha ni Luchi. Oo nga naman. Kung ikokompara sa mahahabang damit ng kababaihan sa panahong iyon, uurong sa hiya ang pekpek shorts niya.

Kaya naman, itinapi na lang niya ang kumot na ginawa niyang balabal kanina.

Noon pumuno sa apat na sulok ng kuwarto ang halakhak ng lalaki.

Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon