October 31, 2005
WER NA U?
Dahil sa text message na iyon ni Cholo, ang kanilang class president, kulang na lang utusan ni Luchi ang driver na paliparin ang sinasakyang taxi. Paano, late na siya nang ilang minuto.
History field trip nila sa araw na iyon. Pero imbes na sa museum sila dalhin ni Mr. Patag, ang kanilang history professor, sa lumang bahay na pag-aari ng pamilya nito sa Quezon sila balak ipasyal.
Pero naiwan si Luchi. Ipinaalam lang sa kanya ni Cholo ang eksaktong lugar para makasunod siya. Kailangan pa kasi niyang tumakas sa kanila, makasama lang sa field trip. Ayaw siyang payagan ng kanyang Kuya Agusto dahil wala raw History field trip na hindi sa mga museum gaganapin. Malamang daw, gagala lang siya. Sa sobrang istrikto ng kapatid, ayaw na niyang mangatwiran. Lalo pa at wala siyang mapapirmahang parents permit para sa lakad nilang iyon.
Bilang vice president ng kanilang klase, si Luchi ang natokang mamudmod ng mga permit. Pero naubusan siya. Balik kasi nang balik ang ilang kaklase para manghingi ng panibago, kesyo napunit, naiwala, etc. Ang resulta, siya ngayon ang walang parent's permit slip.
Isinulat na lang ni Luchi sa History notebook nila ang nakasulat sa permit. Dahil doon, lalong tumibay ang hinala ng kuya niyang praning. Dumidiskarte lang daw siya makagala lang.
Puwes, diskarte she did.
Hinintay muna ni Luchi ang kapatid na makaalis. Law student ito kaya subsob sa pag-aaral. Alam din niyang gagabihin ito ng uwi kaya kampante siyang makakasama pa rin sa field trip nila. Half-day lang kasi ang lakad nila.
Si Kuya Agusto lang talaga ang hadlang. Mahigpit ang pagbabantay nito sa kanya mula nang sabay na namatay ang kanilang mga magulang sa isang vehicular accident dalawang taon pa lang ang nakalilipas. She was a second year high school student that time.
Hindi rin naman masisisi ni Luchi ang kapatid kung bakit hinihigpitan siya. Silang dalawa na lang ang magkapamilya sa mundo. Hindi naman kasi sila malapit sa mga kamag-anak nila. Pero sana, intindihin din siya ng kapatid. Gusto lang niyang sulitin ang buhay.
Muling nag-vibrate ang hawak niyang cell phone. Si Cholo uli ang nag-text.
Five minutes, Chi. Kapag wala ka pa rin, mark as absent na kita.
Napamura si Luchi sa nabasa.
Magre-reply na sana siya nang mapansing papahinto na ang kanyang sinasakyan. Nang tumingin sa labas, nakita niya ang itaas na bahagi ng isang lumang mansiyon. Natatakpan kasi ng bakod ang ibaba. Nasa labas ng gate ang umpukan ng kanyang mga kaklase.
Hindi na nag-abala pa si Luchi na sagutin ang text message ni Cholo. Bumaba na siya ng taxi pagkatapos magbayad sa driver. Kaagad siyang nakiumpok sa mga kasamahang nagpapalitan ng komento tungkol sa hitsura ng bahay. Mayamaya pa, ini-announce na ni Mr. Patag na papasok na sila sa loob.
Hindi maiwasan ni Luchi na hindi ma-excite.
Pero kakaibang katahimikan ang sumalubong sa kanya pagpasok sa loob ng bakuran. Hindi niya napigil ang sariling mapatitig sa kawalan nang ilang sandali. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman, pero alam niyang may kakaiba talaga.
Kung dahil sa katandaan ng bahay o sa sobrang katahimikan, hindi niya masabi.
Basta ang alam ni Luchi, parang nakahanap siya ng isang bagay na matagal na niyang inaasam na makita. Na parang nanggaling na siya sa bahay na iyon. Na nababagay siya roon.
Weird.
"Luchi!"
Napakurap siya. Si Joaquim ang nalingunan niyang tumawag sa kanya.
BINABASA MO ANG
Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)
Storie d'amoreOld Photos And Crinkled Love Letters By Chelsea Parker "Noong una kitang makita... ang unang naisip ko, sa wakas, nakabalik ka na." Ang balak lang naman ni Luchi ay isauli ang mga gamit na ipinuslit niya ten years ago nang mag-field trip silang mag...