22

6K 159 4
                                    

KINABUKASAN, kaharap ni Luchi ang mga dating kaklase na sina Ayu at Joaquim.

Napag-alaman niya mula kay Khaila na noon pa palang Pasko siya hinahanap ng dalawa. May importanteng sadya raw sina Ayu at Joaquim kaya nakipag-set ito ng appointment sa kanya. Sa isang restaurant sa Makati nila napagkasunduang magkita.

"'Tagal naman ni Joaquim. Baka abutin na tayo ng paghuhukom dito," angal ni Luchi.

Natatawang umiling lang si Ayu. "Intindihin mo na. Galing Quezon pa 'yon. Baka na-traffic."

"Quezon City?"

"Nope. Quezon Province."

Hindi ipinahalata ni Luchi ang pagkurap-kurap niya nang marinig ang lugar na iyon. Bakit ba palagi na lang-kung hindi man niya nababasa sa kung saan-naririnig niya ang pangalan ng bayang iyon?

Dahil doon mo naiwan ang puso mo.

"Ano'ng ginagawa ni Joaquim sa Quezon?" usisa ni Luchi.

"Hindi mo nga pala alam. Do'n na siya nakatira. Nakabili raw siya ng bahay do'n."

Nakapagkuwentuhan pa sina Luchi at Ayu ng tungkol sa ibang bagay bago dumating si Joaquim. Halos inabot nang ilang minuto ang batian at kumustahan nila bago tinanong ni Luchi kung ano ang pakay ng mga ito sa kanya.

"Ilang araw n'yo na raw ako hina-hunting? Bakit?" pagbubukas niya ng topic. "May atraso ba 'ko sa inyo noon?"

Natawa si Ayu. Kanina pa napapansin ni Luchi na mukhang King of the HIL ito—as in Happy In Love.

"May mga itatanong lang kami sa 'yo." Si Joaquim ang sumagot, seryosong-seryoso. Mukhang kabaligtaran naman ito ni Ayu. Parang pasan ni Joaquim ang daigdig kung pagbabasehan ang hitsura.

"Tungkol saan?"

Umayos ng upo si Ayu. "Chi, gusto lang naming malaman kung may nangyari bang kakaiba sa iyo nitong mga nakaraang linggo?"

"Nawala ka, hindi ba? Hindi ka namin mahagilap. Saan ka nanggaling?" tanong naman ni Joaquim.

"Alam mo, ganyang-ganyan din ang tanong ni Jacobo sa 'kin. Kung saan ako galing. Bakit interesado yata kayo?"

"Jacobo?" ulit ni Ayu . "Jacobo Leyson?"

Tumango si Luchi. "Oo. 'Yong super-tisoy na classmate natin dati."

"Nagkita kayo?" tanong naman ni Joaquim. "Nagpunta ka sa Quezon?"

Nagulat siya. "Bakit mo alam?"

"Nasa Quezon si Jaco, eh. May project yata do'n. Noon pang Pasko siya dumating doon. Nagkita kami sa simbahan no'ng um-attend ako ng mass," paliwanag ni Joaquim. "Pero ang tanong, ano'ng ginagawa mo sa Quezon?"

"May pinuntahan lang."

Mataman siyang tinitigan ni Joaquim. "'Yong totoo, Chi."

"Bakit ba?" Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang dating kaklase. "Tungkol saan ba talaga ang pag-uusap na 'to?"

Hindi nagkomento si Ayu na tumingin lang kay Joaquim. Nakita ni Luchi na may kinuha si Joaquim mula sa dalang backpack. Inilapag nito sa ibabaw ng mesa ang isang sobre.

"Ano 'yan?"

"Basahin mo."

Dinampot ni Luchi ang sobre. May laman iyong card. Binasa niya ang nakasulat doon.

January 8, 1930

Hindi ka ba talaga darating sa ating tagpuan? Sa tuwina'y maghihintay na lang ba ako sa wala?

Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon