18

6K 177 6
                                    

Bisperas ng Bagong Taon, 1928

"HAPPY New Year, guys," bulong ni Luchi sa hangin.

Nahiling niyang sana ay makaabot man lang iyon sa pandinig nina Kuya Agusto at Khaila. Miss na miss na niya ang kapatid, gayundin ang kaibigan. Ang dalawa na lang ang matatawag niyang pamilya na mayroon siya. Pero sa buhay, kailangang mamili.

At nakapili na si Luchi—ang manatili sa tabi ng lalaking minamahal. Kung sana lang, hindi siya dinala roon ng tadhana para lang mabigo.

Napabuga siya ng hininga. Ilang oras na lang, sasapit na ang Bagong Taon. Ibig sabihin, magbubukas na naman ang panibagong taon. Na parang isang blangkong bond paper kung saan malaya siyang sulatan at lagyan ng magagandang alaala na maya't mayang mababalikan pagtanda niya.

"Luchi?"

Napalingon siya sa boses na tumawag sa kanya. Nakatayo si Trey sa likuran niya.

Nilapitan niya ang binata. "Kumusta ang pagtitipon sa labas?"

"Nagdadatingan na ang mga bisita," sabi ng binata. "Subalit wala sa kanila ang aking isip, kundi nasa magandang dilag na naririto ngayon sa aking silid. Ikaw 'yon."

Napangiti si Luchi. "Ang galing mo talagang mambola, ano? Kung nagkataon sigurong nabuhay ka sa panahon ko, ang dami mo sigurong babaeng mapapaibig."

"Hindi ako mahusay sa aspetong 'yan, binibini. Pawang katotohanan lang ang mga sinabi ko sa iyo." Kumindat pa ang binata.

Napahalakhak si Luchi. Hindi na siya nakapagtimpi pa at buong pagmamahal na yumakap kay Trey. Gumanti naman ito ng mas mahigpit na yakap.

"Trey?" mayamaya ay pabulong niyang tawag.

"Hmmm?"

"Gusto mo ba talaga ako?"

Bahagyang dumistansiya ang binata para tingnan siya sa mga mata. "Hindi kita gusto. Mahal kita, Luchi."

"May kaibahan ba 'yon?"

Masuyong hinaplos ni Trey ang kanyang pisngi. "Ang gusto, idinidikta ng isip. Ang pagmamahal, isinisigaw ng puso. May posibilidad na magbago pa ang una. Pero ang pangalawa, hindi na. Puwera na lang siguro kung mapapalitan mo ang puso. Na hinding-hindi naman mangyayari."

"May heart transplant na kaya sa panahon ko. Puwede nang palitan ang puso."

"Siyanga?" hindi makapaniwalang bulalas nito.

Tumango si Luchi.

"Tunay na kagila-gilalas ang 'yong panahon, kung gano'n," komento ni Trey na may kasama pang pag-iling.

Dumaan muna ang sandaling katahimikan sa pagitan nila.

Si Luchi ang bumasag niyon. "Ngayong gabi na ba ia-announce ang pagpapakasal mo kay Vendalou?"

Bumuntong-hininga si Trey bago tumango. "Pero titiyakin ko sa 'yong walang kasalang magaganap."

"Paano kung hindi pumayag ang mga magulang mo na umatras ka?" Nabahala si Luchi sa isiping iyon. Paano siya sasaya kung magiging pagmamay-ari na ng iba si Trey?

"Nauna nang umatras si Vendalou. Wala nang dahilan upang ipilit pa nila sa akin ang nais nila," matigas na pahayag nito.

Napayuko siya. "Ayokong sumama ang loob ng mga magulang mo sa 'yo nang dahil sa akin."

"Huwag mo 'kong alalahanin, Luchi. Kaya kong harapin ang lahat hanggang alam ko na hindi ka aalis sa tabi ko."

Noon niya tiningala si Trey at matamang tinitigan. "Sigurado ka na ba talaga sa 'kin, Trey? Sa atin?"

Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon