"KUYA, paano kung pagpunta ko do'n, wala na pala akong babalikan?" naguguluhang tanong ni Luchi.
"Paano kung meron pala?" balik ni Kuya Agusto.
Nasa balkonahe sila ng lumang mansiyon, ang eksaktong lugar kung saan nagtali ng kumot si Luchi noon. Kung paanong nakumbinsi ng kanyang kapatid ang mga guard na naka-duty, hindi niya alam. Pero ganoon nga siguro kapag abogado, magaling humanap ng lusot.
Napag-alaman din ni Luchi na wala na pala roon sina Jacobo. Tapos na ang pag-i-inspect ng grupo nito. At sarado na ang planong gawing museum ang lumang mansiyon.
Pero bago iyon, kailangan muna niyang ulitin ang nangyari noon. Kailangan uli niyang tumalon at magpatihulog doon... alang-alang sa pag-ibig.
Dalawang araw ring pinag-isipan nang mabuti ni Luchi kung gagawin ba niya o hindi. Pero mukhang iyon nga yata ang nakatakda dahil kahit anong pilit niyang limutin si Trey—hayun siya, nakahanda na namang tumalon.
Tumalon sa isang walang katiyakan.
"Chi, kung may alinlangan ka man, ang isipin mo na lang, buo na ang desisyong ito. Tadhana na ang nagpasya. Ang gagawin mo na lang ay sumunod sa pangyayari na naaayon sa nakatadhana para sa 'yo. Para sa gano'n, hindi mo magulo ang puwedeng maging takbo ng buhay mo sa hinaharap," payo ni Kuya Agusto.
"Pero hindi mo ba naitanong kung paano kaya nangyari ang lahat ng 'to, Kuya? I mean, paano akong napadpad sa nakaraan?"
"Puwede kasing nang mahulog ka, do'n nagkaroon ng pagkakataon ang tadhana na hilahin ka sa ibang panahon—sa panahon kung saan ka mas nababagay."
Nagsalubong ang kanyang mga kilay. "Ibig sabihin, hindi ako bagay rito?"
"Ang sabi ko, kung saan ka mas nababagay." Iniabot sa kanya ni Kuya Agusto ang lumang litrato. Dinutdot nito ang babaeng nakatalikod doon—na siya pala. "Kung iisipin kasing mabuti, kung babalik ka sa nakaraan, puwedeng ang hinaharap mo ay dedepende sa magiging takbo ng pangyayari sa nakaraan. Kuha ang litratong ito ng sarili mo sa nakaraan—na mangyayari sa hinaharap."
Napahawak si Luchi sa kanyang ilong. May pakiramdam kasi siyang magno-nosebleed siya anumang sandali dahil sa pinagsasabi ni Kuya Agusto. Sa sobrang talino nito, parang hindi na niya masakyan ang deduction nito.
"Umalis ka na, Chi. May pag-ibig ka pang kailangang bawiin," nakangiting udyok ng kanyang kapatid.
Sunod-sunod na napatango si Luchi. Naiiyak na natatawa ring yumakap siya sa kapatid. "Mami-miss kita, Kuya," sinserong sabi niya.
"'Wag kang malungkot. Malay natin, magkita tayo do'n," biro ni Kuya Agusto. Kumindat pa ito bago siya niyakap din nang mahigpit.
"Susunod ka sa 'kin doon?"
Tumawa ito. "Kapag makahanap ako ng paraan, bakit hindi?"
"Ihahanap kita ng magandang babae roon."
Lalong natawa ang kuya niya. "Oo na. Sige na. Umalis ka na. Kailangan mong habulin ang oras, Chi. Hindi puwedeng mahuli ka. Magbabago ang takbo ng buhay mo."
"At hindi ako magiging masaya," dagdag niya.
Dahil kahit baligtarin niya ang mundo, kahit saang panahon siya mapadpad—kay Trey lang siya sasaya. At hindi siya ganoon kapasensiyosang babae para maghintay ng susunod na pagkakataon—o hintayin ang kanyang next lifetime para makasama ang lalaking minamahal.
Kung may chance siya sa sandaling iyon, bakit pa niya palalampasin? Bakit pa siya maghihintay?
Isa pa, naniniwala si Luchi na minsan lang sa buhay makakahanap ng true love. Iyon nga lang, iyong sa kanya—may twist. Nahanap niya ang tamang tao para sa kanya sa tamang lugar—hindi nga lang sa tamang panahon.
Kung maling panahon pala, di gawing tama.
Ganoon naman talaga ang pag-ibig, hindi ba? Hahamakin ang lahat, masunod lang. Hahamakin ang lahat, mabalikan lang.
Pikit-matang tumalon si Luchi.
;margin-bo,��]�>
BINABASA MO ANG
Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)
RomanceOld Photos And Crinkled Love Letters By Chelsea Parker "Noong una kitang makita... ang unang naisip ko, sa wakas, nakabalik ka na." Ang balak lang naman ni Luchi ay isauli ang mga gamit na ipinuslit niya ten years ago nang mag-field trip silang mag...