"HINDI ko mapapayagan ang 'yong kagustuhang pasukin ang silid na pinanggalingan ko kanina."
Hindi pinansin ni Luchi ang pagtanggi ng estrangherong lalaki. Nakasunod ito habang tuloy-tuloy ang kanyang lakad. Balak niyang balikan ang kuwarto kung saan siya tumalon. Kung kailangang tumalon uli mapaamin lang ang lalaking ito na pinagloloko lang siya, handa niyang gawin.
Dahil kahit anong isip, imposible talagang mabalik siya sa panahon ng 1928! Siguradong isang malaking biro lang ang lahat.
Tama, biro lang ang mga nangyayari sa kanya. At mas madali iyong tanggapin.
"Binibini, pakiusap. Makinig ka sa akin. Hindi makabubuti sa 'yo ang binabalak mo. Paano kung may makakita sa 'yo sa silid na 'yon?"
Hindi na nakapagtimpi pa si Luchi. Inis na hinarap niya ang lalaki. "Kung ayaw mong samain sa 'kin, tumahimik ka diyan."
"Subalit—"
"Tumahimik ka sabi!" sigaw niya. "Ako pa ba'ng lolokohin mo? Lintik 'yan."
"Hindi ko magagawa ang nais mong pananahimik ko sapagkat pribadong silid ng aking mga magulang ang binabalak mong pasukin. Hindi ka maaaring makita ng kung sino mang nasa silid na 'yon," katwiran ng lalaki. "Lalo pa't ganyan ang 'yong bihis."
Dinuro ito ni Luchi. "Isang lait mo pa sa suot ko, makakatikim ka na talaga sa 'kin."
"N-nagbibiro ka lang..." Para itong namolestiya kung maka-react.
Saka lang niya na-realize ang nasabi. Diyata't mali ang intindi ng lalaki sa huling pangungusap niya. Baka inaakala nitong sarili niya ang ipapatikim dito.
"Hindi ako nagbibiro," pagtataray niya. "Talagang patitikimin kita ng sapak."
Kumurap lang ito.
Narating na nila ang garden na pinanggalingan niya kanina.
"Sa'n ba ang daan papasok? 'Turo mo sa 'kin. 'Yong makakaiwas ako sa maraming tao."
"Wala kang ibang madadaanan maliban sa—"
"Then, fine! Sa harap ako rarampa," deklara ni Luchi. Nagsimula na siyang humakbang sa pathway na sa tingin niya ay papunta sa harap ng bahay. Pero nakasunod kaagad ang lalaki. O mas tamang sabihing nakaharang.
"Binibini, pakiusap..."
Bigla siyang tumigil, saka bumuntong-hininga. "Makinig ka, ha. May kailangan lang akong kunin sa kuwarto na sinasabi mong kuwarto ng mga magulang mo. 'Di ako magtatagal, okay?"
"Ano ang pakay mo kung gano'n?"
"Doon ko naiwan 'yong bag ko kanina."
"Paanong napunta sa silid na 'yon ang sinasabi mong bag?" nagtatakang tanong ng lalaki. "Ibig bang sabihin, nanggaling ka na sa loob?"
"Oo nga. Galing ako sa loob. Doon mismo sa kuwarto kung saan ka nakatayo kanina."
Mahirap i-describe ang reaksiyon ng lalaki. Parang nalilito na hindi makapaniwala.
"Maaari mo bang ipaliwanag nang malinaw?" sabi nito.
Pinakatitigan ito ni Luchi. "Sige, pero mangako ka munang tutulungan mo 'kong makalabas dito?"
Ilang sandali muna ang lumipas bago tumango ang lalaki.
Tumango rin siya. "Ganito kasi 'yon, galing ako rito kaninang umaga dahil may balak akong isauling gamit na kinuha ko ten years ago. Bandang hapon na 'ko nakapasok. Pero nakaidlip ako sa kuwartong pinasukan ko. Paggising ko, madilim na. No'ng palabas na 'ko, may narinig akong mga yabag. Akala ko, 'yong mga nagbabantay ng bahay kaya umakyat ako sa itaas. Nagtago ako sa kuwartong sinasabi ko sa 'yong pinag-iwanan ko ng gamit ko. Nataranta na kasi 'ko. Pero biglang may nagpumilit buksan 'yong kuwarto mula sa labas kaya wala na akong ibang pagpipilian kundi tumalon," mahabang paliwanag ni Luchi. "Pagdilat ko pagkatapos mahulog, iba na ang paligid. Maliwanag na. 'Tapos, parang may party. 'Tapos, 'yon nga. Nakita mo 'ko."
Parang gustong mapailing ng lalaki. "Dumating ka rito kamo bandang hapon? Pa'nong hindi kita nakita? Maghapon akong kasa-kasama ng aking ama sa pagtanggap ng mga paparating na panauhin para sa kanyang kaarawan."
"Alam mo, buko na kita, eh. Artista ka kaya ang galing mong umarte. Kaya please, itigil mo na 'yang pagpapanggap mo."
Kumunot ang noo nito. "Isang artista?"
"Oo. Artista. 'Yon ang trabaho mo, hindi ba?"
Umiling ito. "Nagkakamali ka. Hindi 'yon ang aking propesyon. Isa akong propesor. Nagtuturo ako sa Colegio de San Juan de Letran at karamihan sa mga panauhin sa gabing ito ay mga kasamahan at estudyante ko sa unibersidad."
Si Luchi naman ang napailing. "Hindi. Artista ka nga. Maniwala ka sa 'kin." Baka bini-video na nga siya sa kung saan ngayon. Ayaw niyang bigyan ng satisfaction ang mga nangto-troll sa kanya. Hindi siya padadala.
"Bakit ba ayaw mo akong paniwalaan?" tanong ng lalaki.
"Dahil hindi ako naniniwala na nasa 1928 ako!" nandidilat na bulalas niya. "Ibig sabihin n'on, ninuno na kita?" At talaga namang hindi katanggap-tanggap.
i.Ano ans>
BINABASA MO ANG
Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)
RomanceOld Photos And Crinkled Love Letters By Chelsea Parker "Noong una kitang makita... ang unang naisip ko, sa wakas, nakabalik ka na." Ang balak lang naman ni Luchi ay isauli ang mga gamit na ipinuslit niya ten years ago nang mag-field trip silang mag...