ILANG beses ang ginawang pagkurap ni Luchi.
"Bakit nagpapakita ka pa? Baligtad na ang suot ko."
Nagsalubong ang mga kilay ng lalaki. "Ano ang kinalaman ko sa 'yong kasuotan?"
"Hindi talaga ako naengkanto?" Mas para sa sarili ang katanungang iyon. Kung ganoon, ano ang nangyayari sa kanya? Sino ang lalaking ito? Saan ito nanggaling? At bakit kanina pa niya napapansin na iba ang paraan ng pananalita nito? Masyadong makaluma. Papasang male version ng isang dalagang Pilipina.
At parang nilipasan na ng panahon ang suot ng lalaki—gray pants na mas mukhang slacks, long-sleeved polo na maputla ang pagka-pink, at boots na hanggang kalahati ng binti. Kaninong stylist ito kumonsulta ng outfit?
In short, weird manamit ang lalaki. Wala sa uso. Kung mag-apply kaya siyang fashion consultant nito?
"Ba't ganyan ka magsalita?" bigla niyang naitanong.
"Ano'ng mali sa aking pananalita?"
"Parang ang lalim lang. Parang 'yong sa mga napapanood ko sa TV o kaya sa movies. Nakaka-nosebleed."
"TV? Movies? N-nosebleed? Ano ang mga 'yon?" Napuno ng curiosity ang mukha ng lalaki.
Napakunot-noo siya. "'Di mo alam ang mga 'yon?"
Umiling ito. "Hindi."
"Seryoso ka?"
"Sa tingin mo ba, itatanong ko pa kung alam ko?"
Eksaheradong tawa ang pinakawalan ni Luchi. "Tapatin mo nga 'ko. Naglolokohan ba tayo rito?"
"Bakit naman kita lolokohin?" inosente nitong tanong.
"Eh, ba't ang sabi mo hindi mo alam kung ano ang TV at movies? May tao pa bang hindi nakakaalam kung ano ang mga 'yon? Pati nga nosebleed, hindi mo alam?" bulalas niya.
"Hindi ko nga batid kung ano mga 'yon. Bagay ba 'yon o lugar?"
Laglag ang mga panga ni Luchi. Pero mayamaya, bigla siyang may na-realize. Kung mali man ang unang hinalang naengkanto siya, ibig sabihin, totoo lahat ng nangyayari. Kung ganoon, ang paliwanag na lang sa lahat ng iyon ay napasok siya sa mundo ng—
"May shooting ba rito?" biglang tanong ni Luchi. "Siguro, pinagti-trip-an mo lang ako, 'no? Baka artista ka kaya ang galing mong umakting."
Hindi umimik ang lalaki na nakatitig lang sa kanya at halatang naguguluhan.
Pumitik siya, kasabay ng paghalakhak. "'Kita mo na? 'Di ka makasagot. Kung gano'n, tama ako. Artista ka siguro kaya pala ang pogi mo."
Kaya rin siguro bigla-bigla, nagkaroon ng party sa kabahayan. Kung marami sigurong crew na mag-aayos ng pagdadausan ng shooting, mapapadaling ma-achieve ang setting para sa kuwento.
"Tell me, anong show ba ang gagawin mo? Ba't ganyan ang suot mo? Retro ba? Kaninong panahon? Ni MacArthur?"
Hindi kasi kapanahunan ni Bonifacio ang ayos ng lalaki. Mas papasang estilo ng kasuotan noong American occupation sa bansa. May ideya roon si Luchi dahil minsan na silang nakapanood ng stage plays ng kanyang kapatid. Mahilig kasi sa makaluma si Kuya Agusto.
"Kilala mo si Heneral MacArthur?" tanong ng lalaki.
"Naman. Bakit hindi? Siya kaya ang nagpasikat ng mga salitang 'I Shall Return.' Kaya kahit patay na siya, nakatatak na sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawa niyang pagtulong sa bansa. Binalikan kasi niya ang Pilipinas."
Napatitig sa kanya ang lalaki. "Nawawala ka na ngang talaga sa 'yong katinuan."
"Huh?" naiusal niya.
"Hindi pa patay si Heneral MacArthur."
"Huh?" muli niyang naiusal at lalong napakunot-noo.
"At kung tukuyin mo ang panahon niya ay parang ang layo ng agwat ng panahon mo sa kanya."
"Teka nga." Inawat na ni Luchi ang lalaki. "Eh, sa malayo naman talaga ang agwat namin, 'no. Matagal na siyang patay no'ng ipanganak ako."
Pinakatitigan siya ng lalaki na parang tinubuan ng ibang katawan ang mukha niya.
"Sige nga, sabihin mo sa akin kung anong taon ka isinilang," mayamaya ay sabi nito.
Nagtataka man ay sinagot iyon ni Luchi. "October 4, 1990."
Ganoon na lang ang halakhak ng lalaki.
"Bakit ka tumatawa? May nakakatawa ba sa sagot ko?"
Natatawa pa rin ito nang tumango. "Sadyang katawa-tawa ang sagot mo."
"Huh?" iyon lang ang nasambit niya.
"Paano nangyaring sa hinaharap ka pa isisilang?"
"Hinaharap? Nakaraan na nga, eh. Ilang taon na kaya ang lumipas mula no'ng ipanganak ako. Twenty-five na kaya ako. Ibig sabihin, twenty-five years ago na rin mula no'ng ipanganak ako—" Biglang natigilan si Luchi. Kinabahan kasi siya. Ayaw niyang isipin ang ideyang gustong magsumiksik sa kanyang isip. Dahil... posible kaya?
"Marahil nga'y hindi mabuti ang iyong pakiramdam," sabi ng estranghero, napansin siguro na bigla siyang natigilan.
"Ang sabi mo, sa hinaharap pa ang taong binanggit ko..." Humugot muna siya ng malalim na hininga. "Puwede ko bang malaman kung anong taon ngayon?"
"Hindi mo alam?" ganting-tanong ng lalaki.
Iling lang ang nagawa ni Luchi. Samut-saring posibilidad na ang naglilitawan sa kanyang isip at iba't ibang emosyon ang nag-uunahan niyang maramdaman.
"Ngayon ay ikalabingwalong araw ng Disyembre, 1928."
Parang gusto niyang himatayin sa narinig.
BINABASA MO ANG
Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)
RomanceOld Photos And Crinkled Love Letters By Chelsea Parker "Noong una kitang makita... ang unang naisip ko, sa wakas, nakabalik ka na." Ang balak lang naman ni Luchi ay isauli ang mga gamit na ipinuslit niya ten years ago nang mag-field trip silang mag...