A year ago...
HAH! Dadaan ka muna sa mga bilbil ko bago mo matagpas ang leeg ko, Kamatayan!
Nakasandal sa kinauupuan sa bus si Lemuella 'Ellah' Mahinhinon. Biyaheng Maynila ang bus. Nasa pinakaunang upuan siya nakapuwesto. Hindi puno ang bus nang umalis ng Pugad Agila. Senior citizen na ang katabi ni Lemuella, hindi niya alam kung saan galing at mukhang puyat. Bago siya nagdesisyong umidlip ay kung saan saan bumabagsak ang ulo ng matandang babae na katabi niya. Luma ang mahabang damit ng matanda pero pang donya ang kinis ng balat at kulay ng buhok. Naka-make up din ito. Bakit kaya nasa bus kung donya?
Bumagsak na naman sa harap ang ulo ng matanda—sinalo na iyon ni Lemuella. Maingat niyang isinandal sa kanyang balikat. Naalala niya si Lola Meryan at Lola Enriquetta rito. Kung tama siya ay hindi nalalayo ang edad nito sa dalawang Mahinhinon Lolas. Nasa pagitan ng seventy to eighty. Saan kaya pupunta ang matanda at nagba-biyahe mag-isa? Hindi pamilyar ang mukha nito. Hindi ito taga-Pugad Agila, sigurado siya. Napansin din ni Lemuella ang mga bagong mukha sa bus. May mga lalaki pang mukhang mga bodyguards ang dating. Mga turista yata.
Nang maramdaman ni Lemuella na payapa na ang matanda sa balikat niya, siya naman ang pumikit para umidlip. Pero paano nga naman siyang iidlip kung si Kamatayan na may dalang karit at nagsasayaw ng Trumpets ang nakikita niya sa isip? Pasayaw sayaw ang itim na pigura habang hawak ang karit at hinahabol siya!
Nagpigil lang si Lemuella na umungol nang malakas. Ilang taon na ba niyang bangungot ang eksenang iyon sa isip?
Matagal na. At ang dahilan ang sumpa daw sa mga Mahinhinon—ang mapait na kamatayan ng mga virgin!
At isa siya sa mga virgin sa henerasyong iyon.
Hindi siya ligtas sa karit ni Kamatayan. Nakakaasar lang. Thirty ka na nga at virgin, mamamatay pa? Nasaan naman ang hustisya?
Pero totoo man o hindi ang sumpa, kailangan niyang kumilos na rin. Si Macaria, ang pinsan na isa ring virgin ay naunang umalis ng Pugad Agila. Hindi man inamin, alam ni Lemuella na isa lang ang misyon nito sa pag-alis—ang itapon ang virginity. Ang naiwan lang sa Pugad Agila ay si Diosa, ang isa pang pinsan na virgin din pero hindi naniniwala na totoo ang sumpa. Mas iniisip nitong tsismis lang ang banta sa mga buhay nila.
Sana lang talaga, tama si Diosa na tsismis lang. Kapag nagkataong totoo, mauunang mamamaalam sa mundo ang pinsan. Hindi siya matutuwa kapag nangyari iyon. Parang kapatid na niya si Diosa, ganoon rin si Macaria.
Biglang napadilat si Lemuella nang umungol ng malakas ang matandang nakahilig sa balikat niya. Mahigpit ang naging pagkapit nito sa kanyang braso.
Ilang segundong napanganga muna si Lemuella. Gulat at nalito. Pero nang makitang nakapikit pa rin ang matanda, naisip niyang nananaginip siguro.
"Lola?" hinawakan ni Lemuella ang kamay nito na nakakapit sa braso niya. "Lola?" mas malakas. Sa tingin niya ay hindi maganda ang panaginip ng matanda kaya umuungol. Kailangan niyang gisingin ito.
Hinawakan ni Lemuella ang kamay nito, kasunod ang braso—sa wakas ay kumilos ang matanda, dumilat at tumutok sa kanya ang mga matang katibayan ng panahong lumipas sa buhay nito.
Ngumiti si Lemuella. "Nananaginip po yata kayo," sabi niya. "Umuungol kayo, Lola."
Ilang segundong tumingin lang ang matanda sa mga mata niya. Napaisip din yata. Mayamaya ay tumango.
"Puwede po kayong matulog uli," dugtong ni Lemuella. "Sa balikat ko na lang po ang ulo n'yo para hindi kayo mahirapan."
Kitang kita ni Lemuella ang pagngiti nito. "Salamat, hija," sabi nito. "Lola Josefine o Pinang na lang. Ano ba'ng pangalan mo?"
BINABASA MO ANG
Marrio (The Playful Heart) PREVIEW
HumorMahinhinon Virgins book 2: Lemuella (a.k.a Ellah) Romcom. Unedited. Warning: HINDI PARA SA MGA BATA.