Part 25: When I'm With You...

6.7K 200 8
                                    

ISANG buong linggo na tahimik ang buhay ni Lemuella sa condo. Isang beses lang kasi umuwi ng condo si Marrio.

Nang sumunod na linggo naman, Lunes pa lang ay umalis na ng alas kuwatro si Marrio. May bitbit na namang mga gamit. May shooting daw ng TV commercial. Umuwi ito pagkalipas ng dalawang araw, halatang pagod. Natuwa siyang walang kasamang babae. Natulog lang ng buong araw kinabukasan.

Umalis na naman nang sumunod na araw. Walang sinabi kung saan pupunta. Madaling-araw na umuwi. Kasama na naman si Sammy, ang nag-iisang gusto niya sa mga babaeng dinala nito sa condo. Lasing na naman ang babae. Nag-pass out na bago pa man nakapasok kaya buhat buhat na ni Marrio, dinala sa kuwarto.

Pinipilit ni Lemuella ang sariling matulog sa sofa nang maramdaman niyang lumabas ng kuwarto si Marrio. Nagpanggap siyang tulog na para hindi na mag-utos ang bruho. Pigil niya ang hininga nang maramdaman ang paglapit nito.

"El?"

Deadma si Lemuella. Tulog siya hindi ba? Hindi sumasagot o tumitinag ang tulog.

"El?" ulit ni Marrio, naramdaman niya ang hawak nito sa braso niya. Hinaplos ang braso niya. "Tulog ka na?" umakyat ang haplos sa balikat niya at huminto sa kanyang buhok.

Nagkunwari siyang nagigising. May ungol pang kasama. "Bakit na naman ba?"

"Amoy alak sa room ko," sabi nito, itinulak siya pasiksik sa sofa. Magpoprotesta sana si Lemuella pero naramdamanan niyang humiga rin si Marrio sa sofa—literal na isiniksik ang sarili sa kanya! Sino'ng hindi mate-tempt na sumiksik sa warmth ng katawan nito?

"Hindi tayo kasya..." kunwari ay paungol niyang sabi. Inarte pa more, Ellah! Sige, pabebe pa, teh! Itinaboy niya agad ang kontrabidang bahagi ng isip. Bakit ba? Porque thirty years old na, wala nang karapatan mag-inarte?

"Kasya tayo," ungol din ni Marrio, "'Harap ka kasi sa akin," dugtong nito, kinabig siya para humarap. Pigil na pigil ngumiti sa kilig na humarap si Lemuella. Sinadya niyang chest level lang ang mukha. Ayaw niyang tumingin kay Marrio. Baka matawa siya o kaya ay mang-asar na naman ang pasaway—basag na naman ang moment na iyon.

Pinigil niyang mapa-exhale nang mahaba nang naririnig na niya ang heartbeat ni Marrio. Buhay na buhay ang pintig ng puso nito. At na-realize niya, ang sweet ng posisyon na iyon.

Ang haba nang sandaling gising na gising si Lemuella. Pinakikinggan lang niya ang heartbeat ni Marrio. Pinakikiramdaman din ang maliliit na kilos nito. Tahimik na tahimik na ang lalaki.

"Marrio?"

Wala siyang natanggap na reaksiyon.

"Debil?"

Paghinga lang nito ang sumagot sa kanya.

Dahan-dahang nag-angat ng mukha si Lemuella—nag-init na naman ang dibdib niya nang makitang tulog na si Marrio. Hindi niya napigilan ang pagngiti habang nakatitig sa mukha ng lalaki.

Bakit ba ang bilis mong makatulog?

Sa maingat na kilos ay isiniksik niya ang sarili sa katawan nito. Kasya naman pala sila sa sofa. Kailangan lang talagang parang isang tao na lang sila sa higpit ng yakap sa isa't isa. Pero hindi sigurado ni Lemuella kung nasa sofa pa rin silang dalawa bukas. Baka nahulog na sa sahig si Marrio.


Marrio (The Playful Heart) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon