Part 16: In Your Arms

7.5K 208 10
                                    

"UNANG linggo ng New Year, inom agad, Debil?" salamat sa bote ng alak na hawak nito, nakaisip agad siya ng pambasag sa katahimikan. Tumingin lang din kasi sa kanya si Marrio, blangko ang mukha. Kung lasing na o hindi pa, hindi matiyak ni Lemuella.

Walang reaksiyon si Marrio. Tahimik lang pero hindi inaalis ang tingin sa kanya. Nakaramdam siya ng kakaiba pero pinilit itaboy iyon. Nagpanggap na komportable at hindi apektado sa katahimikan nito at sa kakaibang tingin.

"May babae ba sa kuwarto mo o puwedeng pumasok?" sobrang kaswal niya. Pang best actress ang acting ni Lemuella na parang lumang news lang ang pambababae nitong nawi-witness ng asawa. Parang wala talaga siyang pakialam. Proteksiyon niya iyon sa sarili. Sinasagip siya ng 'kawalan niya ng pakialam' sa posibleng tawa o panlalait ni Marrio.

Tripleng mas safe ang walang pakialam kaysa magpakitang naaapektuhan o mas malala, nagseselos—baka gumulong sa kakatawa si Marrio. Maging killer pa siya nang wala sa panahon dahil hahambalusin niya talaga ito nang kahit anong mabigat na bagay na mahahawakan niya.

"Mag-isa ako," ang maikling sinabi ni Marrio. Dinala sa bibig ang bote ng alak at uminom.

Tumango lang si Lemuella. Pagkapalit ng tsinelas ay tumuloy na sa kuwarto. Agad niyang inikot ang tingin—malinis ang buong kuwarto. Ang kama lang ang medyo magulo. Mukhang ginamit pero malinis ang bed sheet. Parehong bed sheet iyon na iniwan niyang bagong palit bago siya umalis ng condo. Sa hotel yata at hindi sa unit dinala ni Marrio ang mga date nito. Kung may babae kasing kasama si Marrio, siguradong kung ano-anong dumi ang nasa kama. Alak, honey, chocolates, milk o kung ano ano pang trip ni Marrio at ng babae nito na ibuhos sa isa't isa ang naiiwan sa bed sheet pagkatapos ng harutan ng dalawa.

Inilagay muna niya sa cabinet ang maliit na travel bag na bitbit. Binalikan niya ang kama, niligpit at inayos.

Malinis nga ang bed sheet, sa isip niya. Walang bakas ng babae...

Pagkaayos sa kama, binalikan niya ang gamit para magpalit ng damit. Nakabihis na siya ng pambahay nang bumukas ang pinto at pumasok si Marrio. Parang zombie lang ang lalaki na naglakad papuntang kama at careless na ibinagsak ang sarili. Napansin niyang nakasapatos pa pala ito!

Napailing na lang si Lemuella. Galing yata sa kung saan si Marrio Debil. Pagkarating sa condo, naghubad lang ng pang-itaas at uminom na. Tahimik na lumapit siya, ibinaba ang sarili para hubarin ang mga sapatos nito. Nasa sahig pa ang mga binti nito. Pati paghiga sa kama, ang careless ng dating.

"El?"

Natigilan si Lemuella. El? Siya ba ang tinatawag nito o ibang babae? Ellah, Chubby Girl at Sisa ang natatandaan niyang tawag nito sa kanya. Hindi na lang siya nag-react  para safe. Tahimik na lang niyang inayos sa kama ang mga binti nito. Nahuhulaan na niyang marami siyang liligpitin at lilinisin. Hindi pa siya makakapag-siesta sa sofa kahit gusto niyang matulog rin. Nakakapagod rin talaga ang mahabang biyahe.

Pagkatalikod ni Lemuella para iwan na si Marrio, hinawakan ng lalaki ang braso niya. Mahigpit na hawak kaya napalingon siya. Nakapikit lang ito, walang kakilos-kilos sa kama.

"Magliligpit ako ng kalat mo, Debil—" nanlaki na lang ang mga mata niya nang hinila nito ang braso niya. Muntik na siya masubsob sa dibdib ng bruho—saka umikot ang isang braso nito, hinapit ang baywang niya at isinama siya sa paggulong sa kama. Nalipat siya sa kanan nito, nakakulong sa yakap ng lalaki.

Napalunok na lang si Lemuella nang maamoy niya ang pamilyar na scent nito at ang amoy ng alak. Nakikiagaw sa nagulo na naman niyang pakiramdam ang init ng hubad na itaas nito.

"Marrio—"

"Samahan mo akong matulog," sabi nito, na pagdududahan sana ni Lemuella pero nang wala na siyang maramdamang kilos nito, nakumbinse na siyang matutulog nga ang lalaki.

Gusto rin naman niyang matulog, hindi ba? Binigyan na siya ng chance ni Marrio kaya bakit siya tatanggi?

Pumikit na lang din si Lemuella. Mali ang naisip niyang mahihirapan siyang matulog dahil sa amoy nito at topless pa. Mas pampaantok pa nga yata ang epekto ng scent ni Marrio. Ang yakap naman nito, parang napanatag pa siya.

Ang dali lang niyang nakatulog.

At biglang nagising pagkatapos ng halos dalawang oras dahil may sumundot sa tagiliran niya—si Marrio na bagong ligo at tuwalya lang ang takip sa ibabang bahagi ng katawan ang namulatan ni Lemuella.

"Wake up, slave!" sabi pa ng bruho, ngising unggoy. Nawala na yata ang epekto ng alak kaya balik na sa dating sarili. Hinampas pa siya ng unan sa mukha. Magaan lang naman at halatang hindi ang saktan siya ang intensiyon pero naasar pa rin si Lemuella. "Mag-grocery ka na! Wala tayong food supplies—"

"Hinintay mo pa talaga ako?" balik niya pagkabangon. Inirapan si Marrio. "Sana nag-grocery ka na no'ng wala pa ako—"

"Eh 'di masaya ka no'n," sabi ng Marrio na nakakainis na ngisi pa lang. "Wala ka nang gagawin? Magtsitsismis ka na lang sa kabila? No, Chubby Girl. Ikaw ang slave, ikaw ang mag-grocery. Go!"

Naaasar na umalis na siya sa kama. Hindi puwedeng hindi man lang siya makaganti kay Marrio. Dinampot niya ang unan. Hindi siya lalabas ng kuwarto na hindi man lang nakaganti ng hampas sa bruho.

Pero handa si Marrio. Lahat ng hampas niya ay nasalag nito. Mas nainis si Lemuella. Naikot yata nila ang buong kuwarto sa kakaiwas nito sa hampas niya. Sa huli ay naagaw lang nito ang unan. Hindi man lang niya nasapol sa mukha. Nakasimangot na lumabas siya ng kuwarto. Kung posibleng umabot sa sahig ang nguso niya sa inis, kanina pa niya naramdaman ang sahig. Si Marrio ay parang bata lang na nakaungos sa kaaway—tawa nang tawa, sinusundan ng tingin ang paglabas niya.

"Isip bata!" sigaw niya, asar na asar.

"Pikon!" ganti naman ng bruho. "Chubby-ng pikon!"

Lumingon si Lemuella na naniningkit ang mga mata.

Nag-echo sa buong unit ang halakhak ni Marrio.

Marrio (The Playful Heart) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon