Part 4: The Good Looking Debil

11K 262 19
                                    

WOW, ah? Ikaw na kuya! Wagas na ang angas wala pang pakialam sa kapwa. Sinalo lahat ng nega attitude ng isang 'to talaga!

Hindi maawat ni Lemuella ang nagngingitngit na isip. Ang subject ng ngitngit niya ay walang iba kundi ang lalaking nang-agaw ng kama niya sa cottage. Ang apo ni Lola Pinang na parang naglalakad na ilusyon sa pagiging perfect ng hitsura pero prinsipe ng angas—si Marrio Debil. Ah, bagay ang last name sa ugali ng bruho!

Salamat na lang talaga at binigay sa kanya ni Lola Pinang ang sampung libo. Cash. Hindi masisira ng angas ni Marrio ang good mood ni Lemuella. Hindi lang iyon. Ibinigay na rin ng matanda ang sinasabing 'espesyal na gift'. Nagulat pati ang kaluluwa niya. Bakit hindi kung ang sinasabing gift ay isang white gold black diamond solitaire ring!

Nganga at windang kanina si Lemuella. Literal na napamaang lang kay Lola Pinang. Hindi niya maintindihan kung bakit ibibigay sa kanya ang singsing at gusto pa ng matanda na isuot niya.

Kung tama siya ay engagement ring iyon.

Bakit ipinamimigay?

Ang sabi ng matanda, isipin daw niyang simbolo iyon ng tiwala nito sa kanya. Itago daw niya ang singsing. Hindi kasya sa ring finger ni Lemuella kaya ginawa niyang pendant sa stainless chain necklace na kanyang suot.

Ang bilin ni Lola Pinang, kung hindi niya isusuot ay itago nang mabuti ang singsing. Kukunin daw nito ang singsing kapag nakita na ng matanda ang taong hinahanap. Medyo mababaw ang dahilan ni Lola Pinang na 'malilimutin na' kaya siya ang inutusang magtago ng singsing. Kung ang pasaway na apo raw kasi ang magtatago, baka ibenta lang o maiwala. Hari ng mga careless daw ang apo nito. Walang pakialam sa maraming bagay. Ang concern lang daw ni Marrio ay kung paano mas magpapa-guwapo. Mababaw man ang mga binanggit na dahilan ni Lola Pinang, hindi na nagtanong si Lemuella. Ang cash na walang kahirap-hirap niyang nakuha ang nagbibigay ng 'lutang feeling' sa kanya. May pang-gastos siya sa paghahanap ng lalaking mangde-devirginize sa kanya. May papayag kaya sa limang libo? Parang ang desperada lang ng dating—magbabayad siya ng lalaki. Deadma na lang muna sa pride at self respect. Mas mahalaga ang buhay.

Magaan pa rin ang pakiramdam ni Lemuella nang bumalik sa cottage para humilata sana. Balak niyang ubusin ang natitirang oras sa resort—na hindi na nagawa ng dalaga nang maabutan niya sa kama si Marrio, nauna pala na humilata at natulog!

Wala talagang pakialam sa kapwa ang lalaki. Alam nito na siya ang guest na naka-occupy sa cottage, talagang nananadya! Inagawan siya ng kama ng bruho!

Ang nagawa na lang ni Lemuella ay saktan ang lalaki sa isip niya. Ang haba rin ng ngitngit lines niya—sa isip nga lang—habang inaayos ang mga gamit. Sa ugali ng apo ni Lola Pinang, mas okay na umalis na siya ng resort. Baka magkalamat pa ang 'new friendship' nila ng matanda kapag hindi siya nakapagtimpi at sinaktan niya ang maangas nitong apo.

Pigil na pigil ni Lemuella ang sarili. Masarap sanang magwala para magising ang maangas na lalaki pero mukhang mahimbing ang tulog nito. Hindi niya alam kung bakit hindi niya magawang maging malupit. Likas yata siyang mabait o may kung ano sa nakikita niyang kapayapaan sa mukha ni Marrio na pumigil sa kanya. Kung gaano kasi kaangas ang lalaki kapag gising ay ganoon naman kapayapa ang anyo nito sa pagtulog. Parang anghel...na walang kakayahang manakit ng kapwa.

At tinititigan mo talaga ang kaaway, Ellah?

Sumulpot na tanong sa utak ni Lemuella. Bigla niyang binawi ang tingin. Mas binilisan ang pag-aayos ng mga gamit. Kailangan na talaga niyang umalis ng resort bago pa magising ang apo ni Lola Pinang at magkainisan sila. Halata naman kasi na hindi siya 'feel' ng bruho. Okay lang naman. The feeling is mutual. Aba, buhok pa lang nito, hindi na niya gustong maaninag.

Marrio (The Playful Heart) PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon