Diyosa

26.4K 219 6
                                    


ITINIGIL ni Beevan ang nilalaro sa cellphone at isinara ang binder na ginawa niyang pantakip dito. Isinukbit niya ang pink body bag sa katawan at mabilis na tumayo.  Kapag ganitong uwian na ay buhay na buhay na ang dugo niya. 

   Sa wakas, isang araw na naman ang nabawas sa bubunuin niya sa kolehiyo.  At sa awa ng mga santo at santa ay magtatapos na rin siya sa susunod na taon sa kursong AB Communication Arts.

   “Samahan mo naman ako sa NBS, Kim.  Natapos ko na 'yong huling book na binili natin. Wala na akong babasahin mamaya.”

   Nilingon niya ang kaibigan na busy sa kadudutdot sa cellphone nito at malamang ay wala namang narinig sa sinabi niya.  “Hoy, madapa ka, Inday! Kung maka-tutok ka sa cellphone parang ngayon ka lang nakahawak niyan.” 

“Palibhasa wala kang lovelife, kaya 'yang cellphone mo ay ginagawa mo lang radyo, alarm clock, tv at laruan.  You don’t have a life at all, sister.  Bahay-eskuwela, libro, movie marathon, gosh nakakabuwang 'yan.  Kung tinitigil-tigilan mo na ba ‘yang kapapantasya mo sa mga lalaki sa libro at sine, sana’y may jowa ka na rin ngayon.”  Pinalobo pa ni Kimberly ang bubblegum na dalawang subjects na nitong nginunguya.

   “Alin ba ang ipinagmamalaki mo?  Iyong mga naging boyfriends mo?  Eeew, hindi ko nga maisip kung paano mo nasisikmura ang mga mukhang sangganong 'yon.”  Bakas ang pagka-umay sa mukha niya.

   “Aba, mga macho at mayayaman naman ang mga nagiging bf ko.  Kung gusto mong maghintay forever diyan sa dreamboy mo, good luck sa ‘yo.  Baka sumalangit ka na, hindi ka man lang nakakatikim ng grasya!”

  Sinabayan pa ni Kimberly ng pang-asar na tawa iyon na ikinainis niya.  Lagi na lang siyang ginigisa nito dahil kahit minsan ay hindi pa siya nagka-boyfriend.

   “Kasalanan ko ba kung ipinanganak akong diyosa?  At ang diyosa ay hindi basta-basta pumapatol sa mga ‘puwede na’,”  mataray na sagot niya sa kaibigan.

  “Diyosa?  Oy, bakla! Puro mythology at fairy tales kasi iyang nasa utak mo.  Kung sinabi mo pang little version ka ni Anne Curtis ay maniniwala pa ako.”

  Huminto si Kim sa paglalakad nang tumunog ang cellphone nito. Kinikilig itong humabol sa kanya pagkatapos basahin ang natanggap na text, para lang magpaalam.

  “Ganda, may date kami ni Richard. Pakopya ng assignment bukas, ha?”  Iyon lang at mabilis pa sa bullet train na naglaho ito sa paningin niya.

  Nagpunta siya sa mall mag-isa.  Tinext niya ang pinsang si Joyce na branch manager sa isang fastfood chain doon.  Nagkasundo sila na magkita na lang paglabas nito ng alas-singko. 

  Pumasok siya sa book store at nagsimulang pumili ng mga English novels. Nang mapadpad siya sa may magazine section ay halos lumuwa ang mata niya sa nakita.  Kung hindi nga lang nasa public place siya at maraming klase ng nilalang ang lilingon sa kanya, at mapagkakamalan siyang sinusumpong ng nervous breakdown, malamang ay nagtitili na siya sa nakita. 

  Ilang segundo na wala siyang kakurap-kurap sa pagtitig dito.  “Oh, dear...” mahinang bulong niya sa sarili habang dahan-dahang lumalapit dito.  At nang abot kamay na niya ito ay mabilis niya itong dinaklot. 

  “Why are you so amazingly handsome?  It’s so unfair.  Ano kaya ang pakiramdam ng nakakulong sa iyong mga yakap?  At ang iyong mga halik...” 

   Hayz! Wake up, Beevan!

   Naudlot ang imagination niya nang biglang maputol ang eye contact nila ng kausap.  Ang sumunod na namalayan niya ay nakahandusay na ito sa sahig... ang kanyang dreamboy, kasama ng mga librong kipkip niya sa kili-kili kanina, ay tumilapon sa paanan niya.

Josh! 

   On impulse ay inabot niya ito. Huli na niya na-realized na kamuntik nang magkakalas-kalas ang mga buto niya, dahil sa malakas na impact na iyon sa likod niya na gawa ng kung sinong impaktong bumangga sa kanya.

  Mananagot sa akin ang kutong-lupang iyan!  Ngitngit na bulong niya sa sarili. 

   Inuna niya syempre ang magazine. Tapos, isa-isa niyang pinulot ang mga libro.  Sa ikatlong libro na dinampot niya ay napansin niyang may kaagaw siya dito.  Hawak din ng kung sino ang kabilang dulo ng maliit na libro.  Nang mag-angat siya ng ulo para paulanan ito ng katakut-takot na pagtatalak ay biglang umurong ang matalas niyang dila. Nanatili lang siyang nakanganga at nakatitig sa mukha ng kaharap. Wala sa loob na nabitawan niya ang libro. 

   Kung hindi siya nagkakamali ay nakatitig din ang lalaki sa kanya. Nagagandahan ba ito sa kanya o dahil lang mukha siyang istupida na nakatanga dito? 

   Dahan-dahang tumayo ang lalaki, hawak pa rin ang isinuko niyang libro. Para namang hinatak ng magnet na kusa siyang napasunod dito.

   Ito na ba si Adonis? 

 

Here In My Heart (Modified Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon