Aphrodite

6.8K 132 4
                                    

                  CHAPTER TWO

IPINATONG  ni Beevan ang dalawang binti sa ibabaw ng stool habang kausap ang ina sa video call.  Sumubo siya ng maanghang na Nagaraya. 

“Okay nga lang ako dito, Mommy.  Ang tanda ko nang ito ay inaalala pa ninyo ako.  Kayo ni Daddy ang mag-iingat diyan lagi.  Kung madali nga lang ang pagpasok diyan sa Amerika ay matagal na akong lumipad papunta diyan.”

“Basta iyong mga bilin ko sa ’yo, huwag mong kinukunsumi ang Tita mo sa katigasan ng ulo mong bata ka, mahiya ka diyan, anak.”

Napakamot siya ng ulo sa kakulitan ng ina. “Mommy naman, eh.  Paki-sabi nga pala kay Ate Georgie, huwag niyang kalilimutan iyong pinabibili kong bag, ha?”

“O siya, sige na.  Tumulong ka na sa kusina at nang hindi ka maging pabigat diyan,” pagtataboy ng matanda sa kanya.

Noong nakaraang taon ay lumabas ang petition papers ng mga magulang niya.  Kinuha ang mga ito ng panganay na kapatid niya na isang Nurse sa Chicago.  Naiwan siyang mag-isa dito sa Pilipinas. Simula noon ay tumira na siya sa poder ng panganay na kapatid ng Mommy niya dito sa Laguna.

Pagtapos nilang mag-usap ng ina ay tumayo na siya at lumabas ng kuwarto para tumulong sa pagluto.  Sabado ng gabi ngayon kaya mahaba pa ang libreng oras niya para magbasa pagkatapos maghapunan.

Pagbaba niya sa sala ay bigla ang preno niya at napaatras pabalik sa hagdan.  Pero nakita na siya ni Clarence at tinawag nito ang pangalan niya.

“Beevan!”

Kumabog bigla ang dibdib niya.  Should I stay or should I go? Tanong niya sa sarili.  Napayuko siya sa maikling shorts na suot niya.  Nakaramdam siya ng pagkailang dahil sa punggok na binti niya na naka-expose sa mga mata ng binata.

“Oy, nandyan ka pala!  Kanina ka pa?”  alanganin ang pagkakangiti niya nang harapin ang tumayong binata.

“Medyo.  Kumusta na?  Madalas akong dumadalaw dito, pero bakit ngayon lang tayo ulit nagkita?”

Bakit kailangan mo akong makita?  Ako ba ang pinupuntahan mo dito?  Mataray na sagot ng isip niya.

  “May sarili kasi akong mundo.  Alam na ba ni Ate Joyce na nandito ka?”

“Oo, magbibihis lang daw siya sandali.  Niyaya ko kasi siyang mag-dinner sa labas.  Diyaheng makikain dito.”

“Bakit ka naman mahihiya, eh hindi ka na iba dito?”

“Saka na lang, kapag officially on na kami ni Joyce.”

Napamulagat siya ng mga mata doon.  “Hindi ka pa...  You mean, hindi mo pa napapasagot si Ate Joyce?” 

Nagkamot ng batok ang binata saka siya sinenyasang lumapit dito.  “Alam mo bang ilang buwan na akong nanliligaw sa pinsan mo?  Hindi ko alam kung talagang ayaw niya sa akin kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw ang score namin.”

“Hindi na nakapagtataka iyon.”

“What do you mean?”

“Sa dami ba naman ninyong nanliligaw sa kanya, natural lang na mahihirapan siya sa pagpili.”

“Madami?  Talaga?  Sa tingin mo ba...”

Nagkibit siya ng balikat.

Pumihit si Clarence sa kinauupuan nito.  Para itong may ipo-ipo sa puwet na hindi mapalagay sa kinalalagyan.  “Tulungan mo naman ako sa pinsan mo.” 

Ayoko nga! 

  Pero sa nakikita niyang helplessness sa mukha ng binata ay lumambot ang puso niya.  Ano ba ang magagawa niya, eh sa in love ito kay Joyce?  Isa pa, una naman talagang nagkakilala ang dalawa.

Here In My Heart (Modified Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon