NAPAPIKIT si Abella nang tumama sa kaniyang mga mata ang sikat ng araw na tumatagos sa kurtinang nasa bintana. Tanghali na at hindi niya 'yon namalayan. Umiwas siyang nang tingin doon, saka nagmulat ng mga mata.
Walang gana siyang umupo sa gilid ng kama at hinanap ang tsinelas niya. Tumayo siya at lumabas ng silid.
"Good morning, 'Ma," mahina niyang bati. Dumeretso siya sa refrigerator at kumuha ng tubig doon. Napapikit pa siya ng maramdaman ang pagguhit ng malamig na tubig sa kaniyang lalamunan.
"Kumusta 'yong party?"
Napahinto si Abella. Dahan-dahan siyang humarap sa ina na kasalukuyang naglilinis. Naalala niya ang nangyari nang nagdaang gabi. Bumalik ang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag. Parang binuhusan ng malamig na tubig ang sikmura niya. May kirot.
"O-okay naman po, 'Ma," sabi niya kahit ang totoo ay hindi naman naging okay ang pagpunta niya roon.
Maaga siyang nagpahatid kay Neith nang nagdaang gabi. Sinabi niya rito na nakita niya si Nathan. At ang koneksyon ni Koki rito. Nag-alala pa sa kaniya ang binata. Pero sinabi niyang okay na siya at mas gusto na lang umuwi. Sinabi pa nito na huwag na muna siyang pumasok ngayong araw.
Napailing siya nang biglang mag-sink in sa isip niya ang pangyayari nang nagdaang gabi. Hindi niya alam kung ano ang tunay niyang naramdaman nang makita ang binata. Ang alam lang niya ay hindi pa siya handa para makita ito. Halo-halong damdamin ang nagsulputan sa kaniya. Pero sa 'di maipaliwanag na dahilan, may pananabik siyang nakapa ng masilayaan ito.
-
"T-TALAGA? Anong naging reaksiyon niya?" bulalas ni Julio nang maikwento ni Abella ang nangyari nang nagdaang gabi.
Nag-aya si Julio na magkape silang dalawa sa coffee shop, malapit sa bahay ni Abella. Wala kasing pasok ang bakla.
"Hindi ko mabasa ang reaksiyon niya. Ang alam ko lang nagulat siya nang makita ako," sagot niya. Humigop siya sa tasa at naramdaman ang init sa kaniyang sikmura.
"Eh, ikaw anong naramdaman mo? Isang taon kayong 'di nagkita, imposible namang wala lang." May pagdududa sa tinig nito.
"Wala. Wala naman akong dapat maramdaman," agad niyang depensa.
"Aysus! E, bakit tumakbo ka palayo kung talagang wala na? Saka isa pa, kung wala na talaga eh, 'di sana kaya mo na siyang harapin," giit ni Julio.
"W-wala na nga. Hindi pa lang talaga ako handang harapin siya. Alam mo naman kung anong ginawa ko sa kaniya, 'di ba? At 'yong masasakit na salitang ibinato niya sa akin."
"Isang taon na ang nakalipas, Abella. Saka, 'di ba, hindi mo naman kasalanan ang mga nangyari noon. Kasalanan 'yon ng mga matapobre niyang magulang."
Sumimangot siya. Kahit na totoo lahat ng sinabi ni Julio, hindi pa rin niya maiwasang hindi ma-guilty at masaktan sa mga nangyari noon.
Tumahimik na lang siya dahil sa punto ng kaibigan. Humigop siya ng kape at sumimangot.
"Girl, payong kaibigan lang huh. Alam mo mas mabuting harapin mo si Nathan. Hindi naman pwede na lagi ka na lang tatakbo kapag nakikita mo siya. Linisin mo ang pangalan mo. Magpaliwanag ka. Hindi ka tuluyang makakatakas sa nakaraan kung hindi mo haharapin ang mga naging parte niyon. Palayain mo ang sarili mo sa galit, sakit, at pagsisisi. At pagkatapos, siguradong gagaan ang loob mo at mawawala lahat ng bigat sa iyong damdamin."
Napatitig siya rito. Napaisip siya sa sinabi ng kaibigan na talaga namang may malaking punto.
"Alam ko 'yon, pero 'yong magpaliwanag muli sa kaniya...ayaw ko na." Ilang beses na kasi siyang nagpaliwanag sa lalaki at hindi nito maunawaan ang lahat. Kung sabagay, hindi niya masisisi ang lalaki dahil nasaksihan mismo ng mga mata nito ang nangyari.
BINABASA MO ANG
A Man in Her Past [Published Under IMMAC]
RomancePilit kinalimutan ni Abella ang masaklap na kinahantungan ng nakaraan niyang pag-ibig na akala niya'y road to forever na, ngunit nagkamali siya dahil siya mismo ang pumutol sa inakala niyang forever na iyon. Hindi niya 'yon gusto pero iyon ang hinih...