Chapter 16

479 13 0
                                    

"ANAK, hindi ko kayang makita kang nasasaktan, nasasaktan din ako," malungkot na sabi ng ina ni Abella na si Marla habang hinahagod ang likod niya.

Gusto man niyang itago sa ina ang nangyari, pero 'di na niya nagawa dahil sa namumugto niyang mga mata. Magsinungalin man siya rito, alam niyang hindi iyon paniniwalaan ng ina at hindi ito titigil hanggat hindi nalalaman ang nangyayari. Kaya wala na siyang nagawa kung 'di ang ikwento ang nangyari. Idagdag pa si Julio na nangangati ng ipaalam sa kay Marla ang mga nangyari.

"Hindi ko nga po maintindihan ang anak ninyo, tita. Pinagpipilitan pa ang sarili sa taong itinataboy na siya palayo at tahasang sinasabing hindi na siya mahal," hagas na komento ni Julio na nakahalukikip sa gilid ng sofa. "Hay naku, ito naman kasing si Nathan hindi ko rin maintindihan. Parang kahapon lang ay hahabol-habol siya kay Abella tapos ngayon halos sipain na niya si Abella lumayo lang sa kaniya," dagdag pa nito.

Nakayuko lang siya habang prinoproseso ang lahat ng mga nangyari. Hindi niya rin inakala na kaya niya palang humabol sa isang lalaki at magpaka-martyr. Pero wala siyang pakialam dahil isa lang ang alam niya kung bakit humantong siya sa ganoon–iyon ay dahil mahal niya si Nathan at ayaw niya itong mawala.

"Anak, alam kong mahal mo si Nathan pero hindi mo kailangang saktan ang sarili mo." Bumuntong-hininga ito. "Hindi kita masisisi kung bakit pinagpipilitan mo ang sarili mo kay Nathan dahil alam kong mahal mo siya. Pero nagmamakaawa ako, anak huwag mo namang saktan ang sarili mo dahil nahihirapan akong makita kang ganiyan. Nadudurog ang puso ko."

Ramdam ni Abella ang sakit at lungkot na nadarama ni Marla para sa kaniya pero buo pa rin ang determinasyon niyang makuhang muli si Nathan. Wala pa sa isip niya ang sumuko dahil lamang sa nangyari.

Nang halikan niya si Nathan, naramdaman niya ang pananabik nito. Ang pagmamahal. Kaya bakit siya susuko kung patuloy niyang nadarama iyon?

Nag-angat siya nang tingin sa Ina habang mababakas ang sakit at lungkot sa kaniyang mukha. "I'm so sorry, 'Ma kung pati kayo nahihirapan at nasasaktan sa sitwasyon ko pero buo pa po ang loob ko na hilahin pabalik si Nathan dahil naniniwala po akong mahal pa niya ako," puno ng determinasyon niyang tugon.

Iumamlam ang mga mata ni Marla. Makikita ang awa sa mukha nito. "Anak, hindi lahat ng pinaniniwalaan natin ay totoo. Minsan naniniwala lamang tayo sa isang bagay dahil choice natin iyon, dahil sa udyok ng damdamin natin. Na alam nating hindi totoo pero patuloy nating pinaniniwalaan."

Umiling si Abella. Ayaw niyang paniwalaan na baka ang bagay na pinaniniwalaan niya ay hindi na pala totoo. Na baka nga talagang wala ng damdamin si Nathan sa kaniya.

"Hindi ko po susukuan si Nathan, 'Ma. Ayaw ko na pong sumuko. Ayaw ko ng magpatalong muli, gusto kong lumaban para kahit ano mang hantungan nito, wala akong pagsisisihan dahil lumaban ako," buong tapang niyang sabi.

Wala nang makakapigil sa kagustuhan niyang lumaban para mabawi si Nathan. Hindi na siya maaaring maging duwag sa pagkakataong ito dahil kapag naduwag muli siya, baka mawala na ng tuluyan si Nathan sa kaniya at baka hindi niya iyon kayanin.

"IF YOU'RE not feeling well, Abella just rest," pigil ni Neith kay Abella nang papunta siya sa counter para kausapin si Carla.

Hinarap niya ito, saka ngumiti sa abot ng makakaya niya dahil alam niya sa sarili na hindi siya okay. Na may mabigat sa loob niya. Na may masakit sa puso niya.

"H-hindi na kailangan, Sir Neith okay lang po ako," tugon niya rito.

Wala naman siyang choice kung 'di ang pilitin ang sarili na maging okay sa harap ng ibang tao kahit nadudurog siya sa loob. Hindi niya inisip na idamay ang trabaho sa mga nangyayari sa kanila ni Nathan. Kailangan niyang magtrabaho para sa kanilang mag-ina.

A Man in Her Past [Published Under IMMAC]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon