Chapter 13

426 8 0
                                    

MATAPOS iwan ni Abella si Nathan sa kotse nito, hindi na siya nag-abalang pumasok sa trabaho dahil sa gulo ng isip niya. Sigurado siyang mawawala lang ang pokus niya roon. Gusto niya munang mag-isip. Malinawan.

Masyado ng nagiging komplikado ang lahat dahil sa kaduwagan niya. Siya lang naman ang nagpapahiram sa sitwasyon. Alam niyang mahal niya si Nathan pero dahil sa takot hindi niya mabigyan ang sarili ng pagkakataong para ipahayag ang damdamin para sa binata.

Saglit siyang naglalad-lakad sa parkeng nadaanan niya. Gusto niyang maramdaman ang sariwang hangin at madama ang saglit na katahimikan. Kailangan niyang ikondisyon ang sarili para sa gagawing desisyon.

Matapos makalma ang sarili, nagpasiya na siyang umuwi at magpahinga. Doon na lang niya ite-text si Neith na hindi muna siya papasok.

"Oh! Bakit umuwi ka agad, 'nak? Wala ka bang trabaho?" nagtatakang salubong ng kaniyang ina.

Hindi siya rito makatingin dahil kilala niya si Marla, nababasa nito ang nararamdaman niya.

"Ah, o-opo, 'Ma," pagsisinungalin niya.

Sinuri siya ng ina. Pilit hinuhuli ang kaniyang tingin. "Hmm! Kilala kita, 'anak. Ina mo ako at alam ko kung okay ka o hindi. Ano'ng nangyari?" anito sa malumanay na tono.

Wala na siyang dahilan para itago sa ina ang nangyayari sa kaniya. Wala na rin siyang maisip na alibi na maaaring paniwalaan nito.

Daglian niyang niyakap ang ina na ikinagulat nito. Kusang nagbagsakan ang mga luha sa kaniyang mga mata.

"A-ang hirap, 'Ma. A-ang hirap maipit sa pagmamahal at takot. Hindi ko po alam ang gagawin ko," parang batang pagsumbong niya habang humihikbi. Akala niya'y tapos na ang mga luhang iyon.

Iginiya siya ni Marla sa sofa. Mababakas rito ang pagtataka at pag-aalala sa kaniya.

"Sabihin mo sa akin, 'nak ano bang nangyari? Tungkol ba ito sa iyo at kay Nathan?"

Marahan siyang tumango para ikumpirma iyon. Napapikit ng marahan ang kaniyang ina.

"Hindi na ako nagtataka na nangyayari ito. Inasahan ko na ito pero hindi sa ganitong sitwasyon. Sinaktan ka ba niya ulit?"

Tila ba kapag sinabi niyang oo ay hindi ito mag-aatubiling sugurin si Nathan.

Umiling siya. "A-ako po ulit ang nanakit sa kaniya, 'Ma."

Kumunot lang ang noo ni Marla. Nagtataka sa mga sinabi niya.

"H-humihingi po siya ng pagkakataon para sa pagmamahalan namin pero hindi ko maibigay, 'Ma. Hindi ko maibigay kahit alam kong mahal ko rin siya. Ang hirap!" umiiyak niyang tugon.

Hinaplos nito ang kaniyang likod habang hawak ng isa nitong kamay ang kaniyang palad at bahagya iyong pinipisil.

"'Ma, ano'ng gagawin ko? Nahihirapan na ako. Naiipit ako sa takot at pagmamahal sa kaniya at hindi ko alam kung saan ako papanig. Mahal ko siya pero natatakot ako, 'Ma na baka...na baka maulit lang ulit kami sa dati. Nagkasakitan." Pinahid niya ang mga luha at pilit iyong pinigilan para makapagsalita siya ng maayos. "'Ma, anong gagawin ko? Nahihirapan ako, 'Ma."

Bumuntong-hininga ang kaniyang ina, saka malamalam ang mga matang tiningnan siya. "Naiintindihan ko, 'nak kung bakit natatakot kang sundin ang puso mo. Pero kung iyon ang dahilan kung bakit nahihirapan ka, labanan mo ang takot para sa huli puso mo pa rin ang masunod. Alam ko 'yong sakit na dinanas mo noon kaya ka nahihirapan ngayon pero iba ang noon at ngayon, anak. Hindi mo na pwedeng balikan pa ang nakaraan kung sakit at takot lang ang pinaparamdam nito sa 'yo." Bahagya pa itong lumapit sa kaniya at hinawakan ang nga kamay niya na nakapatong sa kaniyang kandungan.

A Man in Her Past [Published Under IMMAC]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon