Chapter 11

473 10 0
                                    

NAPAPIKIT si Abella nang tumama sa kaniyang mga mata ang sikat ng araw na nagmumula sa bintana. Kinusot niya ang mata, saka tumayo na sa kama. Halos hindi siya nakatulog nang nagdaang gabi dahil sa kaiisip kay Nathan at sa mga sinabi nito. Hanggang sa panaginip nga ay ginulo siya nang binata. Pasalamat siya dahil wala siyang pasok sa restaurant kung 'di, tiyak na late na siya.

Nagpasiya siyang maligo na para tuluyang layuan ng antok. Gusto pa nga sana niyang umidlip kaya lang, mataas na ang sikat ng araw indikasyon na tanghali na.

Matapos niya maligo, lumabas siya nang bathroom at tumungo sa kusina para uminom ng tubig. Tiningnan na rin niya ang almusal na inihanda ng ina.

Lumabas siya ng kusina at tumungo sa sala dahil alam niyang naroon ang ina na malamang ay naglilinis doon. Pero ganoon na lang ang gulat niya nang iba ang madatnan doon.

Nagsimula na namang maging abnormal ang tibok ng puso niya. May tila mainit na tubig ang ibinuhos sa sikmura niya.

Bukas, I'll pick you up Abella. I'll change your perspective sa dating tayo.

Gusto niyang talikuran si Nathan. Hindi pa siya handang harapin ulit ito. Hindi malinaw ang lahat sa kaniya. Naguguluhan pa rin siya sa mga sitwasyon.

"A-anong ginawa mo rito, Nathan?" tanong niya kahit alam naman niya ang dahilan.

"Oh, anak gising kana pala. Ikaw na muna ang mag-asikaso kay, Nathan may bibilhan lang ako diyan sa labas," sabi ni Marla sa kaniya, bago lumabas na nang bahay.

Kapwa napatingin sila ni Nathan sa umalis na ina.

Nabuo agad ang kakaibang tensyon sa pagitan nila ni Nathan nang tuluyang makaalis si Marla. Awkwardness.

"Abella, I'm here to ask your permission," masuyong anito makalipas ang ilang minutong katahimikan.

Umupo si Abella sa isahang sofa. Iwas ang mga tingin kay Nathan.

"Give me another chance...chance para maipakita ko sa 'yo ang nararamdaman ko," diretsong sabi nito na animo'y walang nangyari kagabi.

Hindi siya nakaimik. Lalong nagwala ang nakakulong niyang puso. Humihingi si Nathan ng pagkakataon para sa nararamdaman nito? Mahal siya nito? Walang mapagsidlan ang sayang nadarama niya. Pero sa tuwing naiisip niya ang mga posibilidad, natatakot siya. Natatakot siya dahil alam niyang mahal niya rin ito.

"Nathan, nag-usap na tayo tungkol dito, 'di ba? Kuntento na ako sa meron tayo ngayon. Tama na iyon," kunot noo niyang paliwanag.

"Pero ako hindi, Abella. I want more that what we have now. I want you, Abella."

Parang ganoon lang kadali para kay Nathan na sabihin ang mga katagang iyon. Walang pasubali. Pero takot ang hatid niyon sa kaniya.

Napapikit siya. Isinasantabi ang nagwawalang puso. Ang saya. "Sa tingin mo sa kabila ng mga nangyari sa atin noon, gugustuhin ko pang bumalik sa mundo mo? Nathan, hindi iyon ganoon kadali. Mahirap."

Yumuko si Nathan. Magkasalikop ang mga kamay nito.

"Para sa 'yo madali lang ang lahat, pero sa akin hindi. Tahimik na ang buhay ko at ayaw kong pumasok sa magulong sitwasyon. Sa magulo mong mundo na para lang sa katulad mo."

Iyon ang ipinaintindi ni Irene sa kaniya noon. Na hindi siya nababagay sa mundo ni Nathan dahil hindi siya mayaman katulad mg mga ito.

Nagsusumamo ang mga mata ni Nathan nang mag-angat ito ng tingin. "Give me another chance, Abella at ipapakita ko sa 'yo ang mundong para sa atin. Walang gulo. Walang iba kung 'di tayo lang. Ikaw at ako."

Gusto niyang matawa. "Walang mundo para sa atin, Nathan. Ito lang ang meron tayo at hanggang dito lang 'yon. Nathan, please huwag mo naman akong pahirapan. Huwag mo ng guluhin ang nararamdamam ko. Ang mundo ko," pagmamakaawa niya. Pero iba ang binubulong ng naghuhurumentado niyang damdamin. Binubulong nitong bigyan ng pagkakataon ang binata.

A Man in Her Past [Published Under IMMAC]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon