Chapter 32

45.9K 1K 15
                                    

Esmeralda's POV

"Let's get inside, Esmeralda."

Napaigtad ako nang biglang hugutin ni Brent ang aking kamay saka iyon kinintilan nang masuyong halik. Pilit ang ngiting isinukli ko sa kanya kahit naiilang ako sa presensya niya.

Sinabi ko kay Papa kanina ang desisyon kong huwag pakasalan si Brent. Natawa lang ang Papa ko at sinabing magbabago pa raw ang pasya ko dahil hindi ko pa raw masyadong kilala si Brent. Kapag daw nakilala ko ang binata ay mahuhulog daw agad ang loob ko sa kanya.

Ipinagpilitan ko ang pasya ko ngunit hindi siya pumayag. Ang sabi niya'y bigyan ko raw muna nang pagkakataon si Brent. Kapag daw hindi pa rin nahulog ang loob ko sa lalaki matapos ko siyang makilala nang mabuti ay doon lang daw pag-iisipan ni Papa ang desisyon ko. Sa ngayon ay sumunod na lang muna daw ako sa gusto niya dahil nakakahiya sa lalaki.

Wala akong nagawa kundi sumang-ayon. Ayoko rin namang lumabas na bastos at ipahiya ang aking Papa. Ayoko rin munang dagdagan ang isipin ni Papa dahil sa mga nararamdaman niya nitong mga nakaraang araw.

Maano ba at pilitin ko ang sarili na magpaka-civil kay Brent? Maayos  naman ang pakikitungo ng binata sa akin. Napagtiisan ko nga si Dr. Arthur na sukdulan ang kasungitan. Naalala ko na naman si Dr. Arthur. Pinagalitan ko na naman ang sarili ko.

Napilitan akong ngumiti sa harapan ni Brent saka ikinawit ang kamay sa kanyang nakaawang na braso. Sabay kaming pumasok sa loob ng isang function hall kung saan ginaganap ang isang magarbong masquerade ball. Biglang nagbalik sa alalala ko ang dinaluhan naming party ni Dr. Arthur dati.
Napapahugot ako nang malalim na hininga.

Enough, Esmeralda! Mahuhulog ka na naman sa balon ng kalungkutan!

Pero hindi ko magawang ngumiti nang kagaya nang dati. Halos umangat lang ang gilid ng mga labi ko habang sinasalubong ang mga photographers na kumukuha ng larawan namin. Naiilang ako sa maraming tao lalo pa't hindi ko sila kilala. Mabuti sana kung si Dr. Arthur ang kasama ko. Siya lang naman kasi ang tanging tao na nakapag-boost ng confidence ko sa ganoong pagtitipon.

"Hey, don't be so stiffed. Smile," naaaliw na bulong sa akin ni Brent.

Alanganing nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nasalubong ko ang nakangiti niyang mga mata. Halata pala ang emosyon ko sa mga oras na iyon kahit nakatakip ng maskara ang mukha ko? Kahit pala maskara ay hindi kayang pagtakpan ang nararamdaman kong kalungkutan.

Nagpatianod ako kay Brent nang dalhin niya ako sa mesa kung saan nakaupo ang aking mga magulang. Nauna na kasi sila sa amin kanina pa. Natagalan ako dahil mabusisi akong inayusan ng stylist at make-up artist ni Mama kanina. Kung ako ang tatanungin, hindi ko na kailangan nang ganoong kahabang seremonyas sa pagbibihis dahil hindi naman para sa akin ang party.

Ang sabi sa akin ni Mama ay kailangan ko raw nang matinding pag-aayos dahil bigla daw nag-iba ang apperance ko magmula noong bumalik ako galing sa inaakala nilang bakasyon. Paano ba naman kasi, wala na akong oras dati upang magpaganda dahil sa pagiging abala ko sa mansion nina Dr. Arthur.
Hindi ko na napaayos ang buhok at katawan ko.

Agad akong sinalubong nang mga magulang ko nang makarating na kami sa kinaroroonan nila. Kagaya namin ni Brent ay nakasuot din ang aking Mama ng mask pero si Papa ay wala. Napilitan na naman akong ngumiti nang ipakilala ako sa mga bagong business partners ni Papa. Halos hindi ako makahinga sa dami ng mga taong naroon. Ni isa sa kanila ay wala akong kakilala.

Napilitan akong magpaalam saglit sa mga magulang ko upang makaalis sa inuupuan ko.

"Ma, Pa, excuse me. I'll just go to the bathroom."

Head over Heels(Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon