Magkahawak Kamay Tayong Bibitaw
Hawakan mo ang aking kamay
At tayong dalawa ay maglalakbay
Patungo sa lugar na di alam kung ano ang nag-iintay.
Oo nga pala hindi ka nga pala sanay sapagkat sa iyong nakaraan ika'y napilay.
Halika sa akin ikaw ay sumakay
Naglalakad tayong hahapay-hapay
Sa daan na puro tinik, puro sakit, pero sa iyong isang halik habang nakapikit nawawala nadarama kong sakit, kung kaya't ako'y nagpatuloy, sumasabay sa daloy.
Malayo na pala ang ating narating.
At ako'y humahalinghing, siguro ako'y napapagod na, pero ito sayo'y di ko na winika pa, dahil ayaw ko na ikaw ay mag alala pa, sa kalagayan kong aba, napapagod habang ikaw ay dala, nakarinig ako ng pangungutya, nakaramdam ako ng pagkahiya, pagkahiya sa aking sarili na wala nang ibang ginawa, kundi ang dalhin ka, kundi ang yakapin ka, kundi ang buhatin ka. Pero lahat ng iyo'y hindi alintana sapagkat ako'y masaya sa kung ano ang aking dinadala. Hindi ako tumigil sa pagtakbo habang buhat ka, pero pagsapit ng dilim, sa gitna ng mga sakim, niyakap kita para hindi mo na makita at marinig pa ang mga ginagawa at sinasabi nila, pero nakatulog ka na pala, hindi ko alam kung kaylan pa, muka kang anghel na natulog sa kama, sakit ang aking nadama, nahulog ka sa pagkakatulog, nahulog ako sa mga bubog na hugis puso, tinanggap ko ang bugbog na mula sa mga tuso, naramdaman ng aking mga paa, sakit na dapat ay noon ko pa nadama, pagod na sa akin ay matagal nang tumama.Marami na rin pala ang sugat ng aking mga braso, sinalo ko ang mga salitang ibinato, mga matatalas na kanto ng mga palaso, ay tumama sa aking puso, hindi lang pala ang aking paa, hindi lamang pala ang aking braso, pati pala puso kong aba, mayroon na ring tama. Pero hindi ito gawa nila, sinaksak mo ako ng katotohanang wala lang lahat ng aking ginawa, tumatak, tumarak, humatak, yumurak sa puso kong walang kalaban laban puso ko na hindi na maaaring palitan. Marami na pala akong sugat at mga pasa, mga bagay na hindi ko inalintana, subalit sa iyong ginawa bumalot sa akin ang sakit na nadama, nalunod ako sa kababawan mong magmahal, nasaktan ako sa masarap mong paghimlay, halos mamatay ako sa damdamin mong buhay na buhay, nilalamig ako sa init ng iyong himig, nararamdaman ko ang pagkamanhid mo.
Patawad pero ako'y bibitaw na sa iyong mga kamay, mali, nahulog ka nga pala sa pagkahimlay, hindi mo pala kaylanman humawak sa aking mga kamay, ako lang pala ang naka kapit hanggang sa pagsapit ng umaga na ang mga pipit ay nagsasambit ng mga pag-awit dumulot sa akin ng sakit na ako lang pala ang kumapit. katotohanan na sa akin ay humagupit, na pagsuko ko pala ay nalalapit nang sumapit.
Magkahawak kamay tayong bibitaw.
Nakahawak ako sa iyong kamay nang ikaw ay bumitaw.
BINABASA MO ANG
Thirteen
PoetryThis book doesn't contain any story. Ang libro po na ito ay ginawa ko para sa aking mga naisulat na mga tula at spoken word poetry. I hope you enjoooooy :*