9 • Pagpikit at Pagdilat

15 0 0
                                    

Pagpikit at Pagdilat

MAHAL. Umaga na naman dito kung nasaan ako. Mukha mo ang muling unang pumasok sa isipan ko.

Tinititigan ko ang kawalan at sa aking pag dilat ay naaalala kong marahil ngayon nakapikit pa ang yong mga mata.

Sumasayaw na naman ang mga silak ng araw sa bintana ng kabina ko at muling bumalik ang alaala ng mga panahon kung kailan ang iyong halik ang bubungad sa aking umaga.

MAHAL. Nagungulila ako sa mga panahong sabay tayong sisikatan ng araw, sabay tayong didilat at sabay tayong babangon mula sa mahihigpit na yakap para harapin ang umaga ng magkasama.

Tumunog ang telepono -- ito na ang katotohanang nagsasabi na dapat na akong bumangon at pansamantalang bitawan ang mga matatamis na alaala nating dalawa. Ito ang mapait na buhay ng isang marinong malayo sa mahal niya.

Nasasaktan ako na araw-araw, wala akong pagpipilian kundi ang makipaglaban sa mga alon habang ikaw naman ay naiwan para ipagpatuloy ay buhay na dapat sana'y sabay nating binubuo.

Ngunit nandito ako, katawa'y nakahandusay sa pagitan ng malamig na kama at manipis na kumot, utak na nakatiwangwang sa pagitan ng mga matamis na alaala at mapait na katotohanan.

MAHAL. Bakit ba tayo nauwi sa ganito? Mundo natin ay milya-milya ang pagitan, ilang oras ang pinagkaiba. Maituturing ko bang sa akin ay nariyan ka, kung sa aking pag gising ay mga panaginip mo ang iyong kasama?

Muling tumunog ang telepono -- Eto ba ay hudyat na? Tadhana ba itong tumatawag sa akin at nais akong gisingin. Nais iparating sa akin na ang pag-ibig natin ay kailangang kong bitawan na. Pagkat ikaw na rin ang nagsabing noong huli tayong nagkausap, wala naman ako riyan sa iyong tabi pag ang yakap ko't halik ang kailangan mo, diba?

Natangpuan ko ang sarili ko sa gitna ng pagtanggap at pakikipaglaban. Ayaw kang bitawan ng puso ko dahil alam kong isang araw darating din ako para bumawi sayo ngunit natatakot akong sa pagitan ng pag aantay at pagdating, susuko ka na lamang at ako'y nanlalaban pa rin.

MAHAL. Tanghali na naman dito kung saan ako. Ikaw na naman ang una kong naalala sa aking pakikipagbakbakan dito sa barko sa ilalim ng init ng araw.

Sa pagtakbo ng aking oras ay lumalalim na rin ang yong gabi. Mabigat ang puso ko habang ginagawa ang aking trabaho dahil wala akong paraan upang malaman kung ako pa ba ang laman ng yong mga panaginip dahil mahal, ikaw lang nakikita ko pag ako na ang nakapikit.

Sa aking isip ay di mawala, mga katanungan paulit ulit bumabalik. Ika'y nasa isip ko ngunit ako ba'y nasa iyo pa rin? Baka sa agwat nating dalawa ang pagmamahal sakin, sa puso mo ay naglaho na rin.

At sa muli ko ngang pagbangon ay pilit ko namang haharapin ang isang araw na wala ka, na wala ako sa iyong tabi. Isang araw, na mauuwi sa linggo hanggang sa maraming buwan na nawalay ako sa piling mo.

Ang kinakatakot ko ay baka isang araw, sa kalagitnaan ng mga buwang naipon, sa pagitan ng mga linggong nagdaan, makalimutan mo na ang pakiramdam na nasa tabi mo ako.

Baka isang araw, gigising ka nalang at sasabihin mo sa sarili mo na kaya mo na. Na kaya mo na ang mag isa. Na dapat sana, matagal na. Na dapat sana'y di na natin pinilit pa.

MAHAL. Gabi na naman dito kung saan ako. Ikaw na naman ang huli kong naalala sa aking pagbitaw sa araw na tila hudyat ng paglipas na naman ng isang araw na di na maibalik sa buhay natin.

Isang araw na naman ang natapos kung nasan ako. Diyan sa inyo? Marahil nagsisimula pa lang ang umaga. Magakasalungat ang ating mundo. Sumisimbolo sa puso mo at puso ko na marahil sa layo ng ating pagitan ay naging malayo na rin sa isa't isa.

Kaya ako'y narito patuloy na kumakapit at umaasa at nariyan ka, nariyan ka na matagal na palang bumitaw at hinanap ang init at saya ng pag-ibig sa iba.

Magkasalungat. Tulad ng sumpaan natin sa isa't isa noon na walang iwanan. May mga balitang sa aki'y nakarating at di ko alam kung sayo, ako ba'y meron pang halaga dahil alam ko nagmahal ka na ng iba. Pero eto ako, nagbubulag-bulagan, nagpapakatanga. Pilit pa ring nakakapit sa ako at ikaw na sabi mo'y walang magbabago kahit ako'y narito at nariyan ka.

Pagpikit. Sa pagpikit ko lang kita makikita ngunit pilit ko mang limutan ang sakit ng pagkalayo natin sa isa't isa, bawat patak ng luhang namumuo sa nakapikit kong mga mata ay paalala na kailanman hindi ko malilimutan ang sakit dahil ikaw ang bumubuo sa buhay ko at ang pagkawala mo sa tabi ko ay pagkawala na rin ng isang kalahati ng aking pagkatao.

MAHAL. Ako na naman ngayon ang pipikit at ikaw naman ang didilat. Papasukin ko na naman ang malungkot kong kabina at sasalubungin na naman ako nga espayong mapanakit ng damdamin. Natapos na ang isang araw kong pakikibaka sa mga alon.

Bukas, isasabay ko na naman ang trabaho at buhay. Magandang umaga, mahal. Matutulog na ako.

Magkita tayo sa aking panaginip.

Doon, walang dagat na pagitan.

Walang umalis.

Walang lumimot.

Walang nang-iwan.

Malungkot man akong pumikit, masaya naman akong hihimbing. Eto ang malungkot na buhay ng marino.

Kaya mahal, magsabi ka. Kapit pa ba, o bitaw na?

Kapit pa ba o bitaw na -- Di ko na pala nanaisin pang marinig ang iyong sagot. Mata ko'y akin na lang ipinikit para kahit sa tulog man lang ay makalimot saglit.

Bukas na lang ulit. Bukas na lang ulit sa isang bagong araw. sa pagdilat ng aking mga mata sa isa na namang araw na wala ka.

WAKAS

ThirteenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon