SA kabila ng nanlalambot kong mga tuhod ay sinikap kong makababa ng hagdanan. Hindi ako pinakawalan ng tingin ni Sir Rod hanggang sa makalapit ako sa kanila. Ito tuloy at abot-abot tahip ang dagundong ng dibdib ko. At lalo pang lumakas ang dagundong niyon nang umalis iyong katulong at naiwan akong mag-isa sa sala kasama si Sir.
"S-sir..." panimula ko. Hindi pa rin niya nilulubayan ng tingin ang mukha ko, ang suot ko, ang kabuuan ko kaya ito ako't nagkakandautal sa ilang.
"What's with the dress, Krisel? Saan ang punta mo?" tanong niya.
Tumikhim ako bago sumagot para maalis ang bara sa aking lalamunan, kung meron man. "S-sa birthday party ho, Sir."
"Kaninong party?" pagtataas niya ng kilay.
"Kay Felix po." Umigting ang kanyang panga nang marinig ang sagot ko. Napasinghap ako nang walang ano-ano'y inilapit niya ang kanyang mukha sa aking tainga.
"You are not going anywhere..." bulong niyang nagpabagsak sa mukha ko. Sabi ko na nga ba't hindi siya papayag. Aapila pa sana ako nang dugtungan niya ang kanyang ibinulong. "Anywhere except to my room, Krisel," mariing aniya bago ako nilampasan. Ramdam ko ang pag-iinit ng mukha ko.
Umakyat siya ng hagdanan at doon ay nakasalubong niya ang pababang si Ma'am Miranthel. "Hey, kuya! What's up?" bati ng huli ngunit dire-diretso lamang ang akyat ni Sir Rod, ni hindi man lang nga binalingan ang kapatid.
"Ohh... not in a good mood, huh. Let's go Krisel," ani Ma'am Mira pagkalapit sa akin. Isinukbit niya ang kanyang braso sa akin kaya napatiunod na rin ako sa paglalakad nito palabas ng mansiyon.
"She's not going with you, Mira." Nasa harap na kami ng pinto nang marinig namin ang boses na iyon ni Sir Rod. Natigil si Ma'am Mira sa akmang pagpihit ng seradura para harapin si Sir Rod na nakahalukipkip sa pinakamataas na baitang ng hagdan.
"Why not, kuya?" taas-noong untag ni Ma'am Mira rito.
"Dahil may gagawin kami."
"At may gagawin din kami, kuya. Kaya kung ano man iyang gagawin niyo ngayon ay ipagpabukas niyo na lang. Besides, naipagpaalam ko na si Krisel kay Yaya Lourdes. Bye!"
Magsasalita pa sana si Sir Rod nang mabilis na binuksan ni Ma'am Mira ang pinto at hinila ako palabas.
"No one's gonna stop us now, Krisel. We'll enjoy tonight," humahagikgik na ani Ma'am Mira habang lulan kami ng kotse patungo sa bahay nina Felix.
Sabik na sabik ako buong biyahe hanggang sa huminto ang sasakyan sa harap ng malaking bahay na halatang may kasiyahang nagaganap sa loob. Pagka-park ng kotse ay nagmamadali akong lumabas na siyang ikinatawa ni Ma'am Mira.
"Hindi halatang excited ka, Krisel. Swear."
"E ma'am baka maubusan ho tayo ng lobo," wika kong ikinatawa niya lalo.
Sabay kaming pumasok ng malaking gate. Pagkapasok namin ni Ma'am Mira ay kaagad na bumungad sa amin ang mga taong umiindak sa malakas na saliw ng musika. Iginala ko ang tingin sa paligid at kaagad na nangunot ang aking noo sa hitsura ng birthday party na iyon ni Felix. Bakit walang makukulay na lobo?
Ibang-iba ang nadatnan namin sa inaasahan ko. Walang palaro, pasayaw lang yata ang meron kasi panay lang naman ang sayaw ng mga tao roon.
Gumawi kami ni Ma'am Mira sa malaking kulay puting bahay at maski roon ay wala ring mga lobo o kung ano pa man sa inaasahan ko. Anong klaseng birthday party ba naman ito?
"Krisel, you came." Nagulat ako nang bigla akong yakapin ni Felix. "I'm glad you came."
"Kanta yun, ah?" Natawa siya sa sinabi ko. Binati ko siya ng maligayang kaarawan at ganoon din ang ginawa ni Ma'am Mira. Nag-usap sila saglit bago nagpaalam si Ma'am Mira para puntahan sina Faye at ilang kaibigang nasa kabilang banda. Naiwan tuloy akong mag-isa sa harap ni Felix na wagas din kung makapasada ng tingin sa ayos ko ngayon.
BINABASA MO ANG
How to Make Love with the Boss
RomanceShe was innocent; Naive; Pure. Until he came... And changed every thing. "It's time for you to learn some stuff." - Roderick Tuangco