Nagsisigaw sa galit si Tristan sa loob ng Grab taxi ng malamang mali ang pinindot na drop location ni Venus sa bi-nook nilang sasakyan. Todo pakiusap naman ang dalaga sa mamang driver na ihatid na lamang sila sa terminal 4 sa halip na sa terminal 3.
Patungong Cebu ang magkaibigan kasama si Cha na kikitain nila sa terminal 4 ng NAIA para mag-weekend vacation. Halos hindi na natulog ang tatlong magkakabarkada dahil sa excitement para sa canyoneering na gagawin nila. Isa ito sa pinakasikat na activity sa probinsya ng Cebu kaya naman marami ang may tangkang puntahan ito at gawin.
Masuwerte naman at napakiusapan ng mga ito ang mabait na mamang driver. Upang maging patas sila sa mama, nagdagdag na lamang ng kaunting halaga sa pamasahe si Venus.
"O ayan na ha, nakarating na tayo ng maayos, huwag ka ng magalit diyan." Panunuyo ni Venus sa kaibigang si Tristan na kanina pa mainit ang ulo.
"Biro lang naman kasi, hahaha." Napag-tripan na naman ni Tristan si Venus.
Sinalubong na sila ni Cha sa loob ng departure area ng nasabing domestic airport. Ayon sa dalaga, ilang minuto nalang daw at boarding na sila.
Lulan ng eroplano, abala si Venus sa pag-aayos ng GoPro camera na gagamitin nila. Tsinek nito ang lahat kasama na ang mga baterya kung gumagana at full charge ba ang mga ito. Pati na ang water case ng camera ay inihanda na rin nito. Samantala, wala namang tigil sa pagpapatawa si Tristan. Pinagtitinginan ito ng ibang mga pasahero sa lakas ng kanyang halakhak. Si Cha naman ay may katawagan sa cellphone nito. Ito ang nag-aasikaso ng mga lokal na kontak nila para sa Cebu trip na iyon at sa canyoneering.
Bentang-benta sa tatlong magkakaibigan ang mga kwentong nakakatawa ng driver nilang si Luis mula sa nakontak nilang may-ari ng isang tour group sa Cebu na maghahatid sa kanila sa destinasyon mula sa paliparan. 35 years old na si Luis kaya naman Kuya Luis ang tawag ng tatlo rito.
Nasiyahan din ang driver sa mga bagong nakilalang mga bisitang galing Maynila kung kaya't inilibot muna niya ang mga ito sa sentro ng siyudad bago inihatid sa canyoneering site. Ito ang unang activity nila.
Manghang-mangha ang tatlo sa kagandahan ng Cebu. Tama lang rito ang bansag na Queen City of the south sa kagandahang taglay nito. Marami ring gusali at departamentong nakatayo rito na para bang siyudad ng Maynila. Ang mas nakakatuwa sa lahat ay ang kawalan ng mabagal na trapiko dito - walang sakit sa ulo.
Sa gitna ng pagtatawanan ng driver at ng tatlo habang nagbi-byahe, buong pagmamalaking binibida ni Luis kung gaano kaganda ang canyoneering activity para sa mga turistang katulad nila lalo na sa mga dayuhang mula sa ibang bansa. Mayroon daw na mga dayo rito na bumabalik balik pa at may kasamang mga bagong kaibigan o kamag-anak. Tuwang tuwa ang mga itong maranasan ang kagandahan ng kalikasan ng probinsya. Ang iba sa mga ito ay nagdaraos pa ng kaarawan sa talon habang nagka-canyoneering.
Naisingit rin ni Luis ang isang trahedya na nangyari rito na sa kasawiang palad, kumitil ng buhay ng isang dalaga.
Agad na tumigil ang pagkakangiti ng tatlo at pumako ang atensyon sa mamang driver at sa susunod na sasabihin nito.
"Ano po ang nangyari, Kuya?" Tanong ni Tristan na naging seryoso.
Ayon sa kuwento ni Luis, malakas daw ang panunukso ng mga barkada ng dalaga na lundagin nito ang huling parte ng talon na halos mahigit tatlumpung talampakan ang taas habang nagka-canyoneering ang grupo. Dahil nakilalang may malakas na loob ang babae at napagkakamalang siga, hindi ito nagpakita ng takot bagkus matapang pa itong nagsabi na kaya nitong lundagin ang nasabing talon ng walang pangamba. Dala ng group pressure, sumunod itong lumundag sa napakataas na talon kahit alam nitong sa loob niya ay takot na takot siya sa taas at hindi pa marunong lumangoy.
BINABASA MO ANG
Maligno Special
HorrorRank #1 HORROR. Huwag magbasa kung mahina ang loob. Koleksyon ng mga orihinal na kuwentong maligno sa probinsya at siyudad. #Featured #Aswang # Tiktik #Probinsya #Manananggal #Tagalog #Pinoy #Horror