Gabi sa Gubat

9.3K 196 35
                                    

Third year high school ako noon. Mahilig sa barkada at napasubo na rin sa bisyo ng alak at sigarilyo. Isang tipikal na kabataan na maituturing - tamad akong mag-aral at nagri-rebelde sa aking mga magulang dahil sobrang higpit ng mga ito sa akin.

Hindi ganoon kasikat ang eskuwelahan namin. Lalo pa't nasa liblib na lugar ang aming baryo. Subalit maraming mag-aaral naman ang pumapasok dito.

Araw ng biyernes, napagkasunduan naming anim na magkakabarkada na umakyat ng bundok kinabukasan. Mataas na bundok na may kalayuan din sa aming baryo.

Kilala ang bundok na iyon na tirahan ng mga hayop-ilang katulad ng usa at baboy-damo. Kilala rin itong pinaninirahan ng ilang tribo ng mga katutubo. At higit sa lahat, kilala itong pinamumugaran ng iba't ibang elemento ng kadiliman at engkanto na hindi pang-karaniwan.

Sa kadahilanang wala namang nababalitaang masama tungkol sa bundok na iyon, hindi na kami nag-atubiling magdesisyon na akyatin ito ng sabadong iyon. Lalo pa't kakilala rin ng kaibigan naming si Pat ang punong lider ng ibang tribo ng mga katutubo. Ka-trabaho ito ng tatay niya bilang isa sa mga barangay officials sa aming baryo.

Tinatayang kalahating araw o labindalawang oras ang kakailanganin namin upang makarating kami sa tuktok ng bundok. Kaya ala-singko palang ng madaling araw ay abala na kami sa paghahanda at sabay sabay na kumain ng agahan sa bahay nina Pat.

Dala ang tig-iisang bag naming malalaki na may lamang mga damit, tubig, pagkain, alak, sigarilyo at marijuanang nakuha pa namin sa kaibigan naming galing sa bayan, sumugod na kami sa pag-akyat.

"Let's go guys! Gawin natin itong pinakamasayang araw sa buhay nating magka-kabarkada." Sigaw ni Gino. Ito ang lider-lideran sa aming barkadahan. Abot tenga ang ngiti nito na halatang excited sa gagawin naming pag-akyat.

"Amen bro!" Sang-ayon ni Pat habang itinataas nito ang kanang kamay na akala mo'y tinawag ng guro para mag-recite.

"Correct! Sa susunod na taon, pagka-graduate natin ng high school, baka hindi na tayo magkakasamang muli." May halong drama naman ang naging tugon ni Joy.

"Kalimutan na muna natin ang mga iyan!" Sigaw ko naman. "Mag-enjoy muna tayo ngayong araw hanggang bukas."

Napakalamig na hangin ang sumalubong sa amin pagtawid sa unang ilog palabas ng baryo. Kaya naman, kani-kaniya kaming labas ng sarili naming jacket at dinoble namin ang mga suot naming damit.

Alas-nuwebe na ng umaga ng narating namin ang komunidad ng unang tribo ng mga katutubo. Halos walang tao sa mga kubo ng mga ito, marahil ay abala ang lahat sa pagkakaingin at sa paghahanapbuhay. Saglit kaming nagpahinga sa isang bakanteng kubo na sira na subalit nakatayo pa rin. Kaharap nito ay isang patag na lupang may poste ng basketball sa isang dulo.

"Ang lamig ng hangin dito ano?" Tuwang tuwa si Erica sa temperatura ng lugar.

"Naku, hintayin mo kapag nasa tuktok na tayo. Mas malamig doon. Baka mag-aya kang umuwi kaagad." Pang-aasar ni Pat sa crush nitong si Erica.

"Gusto niyo magtabi nalang kayo para hindi kayo malamigan." Panunukso ko naman sa dalawa na agad lamang nilang pinagtawanan.

"Gusto mo ng suntok, Mak?" Ganti naman sa akin ni Erica.

Paubos na ang unang sigarilyo namin ni Gino ng may gumulong na bola sa paa ng aking kaibigan. Isang katutubong batang walang saplot ang may ari nito na nakatingin sa amin mula sa basketbolan. Dahil tila nahihiya itong lumapit para kunin ang bola, ako na ang naghagis nito pabalik sa kanya na sobra namang ikinagalak ng bata.

Wiling wili akong pagmasdang ang mga batang naglalaro ng basketbol. Naalala kong ganito rin ako noong bata pa ako bagamat hindi lang ako pinapayagan ng mama at papa na makipaglaro sa kung kani-kaninong mga bata. Sa mga piling bata lamang.

Maligno SpecialTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon