Buwan ng Mayo noon. Bakasyon ko sa kolehiyo at eksaktong naipasa ko na rin ang aking thesis project sa professor ko. Napagpasyahan ng mga magulang namin na dumalaw kina Lolo at Lola sa probinsya sa Visayas kasama kami.
Ganoon na lamang ang labis na tuwa namin ni kuya Tom sa planong iyon nina mama at papa. Halos dalawang taon na rin kaming hindi nakaka-bisita kina Lolo kung kaya't kinasasabikan na naming makita ang mga ito at ang iba pa naming mga kamag-anak na sa probinsya naninirahan.
Kinagabihan, nagbook kaagad si papa ng apat na ticket sa eroplano papuntang Visayas. Buong gabi kaming nag-empake at halos hindi na kami nakatulog sa sobrang excitement.
Kinabukasan nga ay bumiyahe na kami sakay ng eroplano patungong Visayas. Dalawang oras lamang ang lumipas at lumapag na kami sa airport. Sumakay kami sa van ni tito Carlo na kapatid ni papa. Ito ang aming sundo mula sa airport papunta sa bahay nina Lolo.
Habang nagbi-biyahe, natutuwa akong pagmasdan ang luntiang kapaligiran ng bayan lalo na ang mga malalawak na palayan at maisan. Napakayabong din ng mga kagubatan lalo na sa tabi ng mga pampang ng ilog.
Ibang iba ang simoy ng hangin sa probinsya kumpara sa Maynila na puro alikabok at polusyon, napaka-presko nito.
Ilang minuto pa ang nakalipas at narating na namin ang sementado ngunit may kalumaang bahay nina lolo. Matibay pa ring nakatayo ang dalawang palapag na bahay na iyon na halatang bahay ng kastila ang pinaggayahan.
"Maricar!" Bungad na sigaw sa akin ng pinsan kong si Angela. Abot hanggang tainga ang ngiti nito sa akin. Halos magkasabay lang kaming nagdiwang ng debut nito noong nakaraang taon.
Mabilis naman akong bumaba ng van at patakbong sinalubong ito. Tuwang tuwa kaming nagyakapan at nag-beso sa isa't isa. At kagaya nga ng inaasahan ko, ang sobrang kaputian ko na naman ang unang pinag-aksayahan nito ng panahon.
"Grabe, Car, ang puti puti mo na talaga!" Tuwang tuwa nitong komento na tinawanan ko lamang.
"Naliligo kasi ako ng Gluta." Ganting biro ko rito. Sabay kaming humalakhak na dalawa. Sa lahat ng aking mga pinsan, ito ang pinakamalapit sa akin. Dahil siguro pareho kami ng personalidad at pananaw sa buhay. Parehong makulit at punong puno ng positive energy.
May lahing intsik kasi si papa kung kaya't angat ang pagkaputi ng balat ko. Si kuya Tom naman kahit tsinito ay kulay kayumanggi pa rin sa kadahilanang mahilig ito sa scuba diving at pag-akyat ng bundok. Nasunog na marahil ang balat nito sa pagbibilad sa araw.
Mahigpit ang naging yakap sa amin nina lolo, lola at lahat ng aming mga kamag-anak na nagtipon tipon sa bahay nina lolo. Masayang masaya ang mga ito sa aming pagdating. Waring naging isang reunion ang pagkikita ng aming buong angkan ng araw na iyon.
Isang napakasayang hapunan ang sumunod na nangyari. Bidang bida na naman si lolo sa kanyang mga kuwento tungkol sa World War II na talaga namang nakakamanghang pakinggan.
Naging kuta raw ng mga Hapon ang bayan iyon noon. Maraming Pilipino raw ang pinatay ng mga Hapon sa kanilang lugar. Ang iba'y rebelde o hindi kaya ay kumakampi sa mga Kastila samantalang ang iba naman ay napagkamalang rebelde lamang.
Muntikan na rin daw si lolo patayin noon. Subalit naging kaibigan nito ang kapatid ng heneral na Hapon kaya hindi siya nito pinatay.
Tahimik lamang kaming lahat na nakikinig. Waring nanonood kami ng pelikula sa kuwento ni lolo.
Galit daw ang mga Hapon sa mga Kastila kaya giniba ng mga ito ang lahat ng mga simbahan sa bayan na iyon. Abot langit naman daw ang galit ng mga Pilipino sa mga Hapon dahil kahit bahay ng Diyos ay giniba ng mga ito. Ang sabi ay napaka-walang respeto sa Diyos ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Maligno Special
HorrorRank #1 HORROR. Huwag magbasa kung mahina ang loob. Koleksyon ng mga orihinal na kuwentong maligno sa probinsya at siyudad. #Featured #Aswang # Tiktik #Probinsya #Manananggal #Tagalog #Pinoy #Horror