Kuwarto ni Amanda

10.4K 242 342
                                    

Tuwing ika-alas tres ng madaling araw, palagi nalang nakakarinig ng mga kalabog sa kabilang kuwarto ng kanilang inuupahang apartment si Ella sa isang subdibisyon dito sa Maynila. Nagsimula ito noong bumalik ang kasama nila sa apartment na si Amanda mula sa probinsya nito sa Visayas.

Dalawang kuwarto lamang nila ni Amanda ang mayroon sa ikalawang palapag ng apartment na iyon kaya alam ni Ella na galing sa kuwarto ni Amanda ang mga kalabog tuwing madaling araw.

Tatlong taon nang umuupa sa nasabing apartment si Ella subalit ngayon lamang ito nakarinig ng mga kalabog na kagaya ng ganoon. Kalabog na para bang galing sa mabigat na paa ng taong palakad-lakad. Mabagal na hakbang subalit buong buo ng tunog ng bagsak.

Dalawang taon pa lamang nilang kasama si Amanda sa apartment na iyon. Unang taon ito sa kolehiyo ng magsimulang magrenta sa apartment. Suportado ito ng mga magulang mula sa Visayas kaya walang naging problema.

Bakasyon ng buwan na iyon subalit nanatiling nag-aaral si Ella sa kanilang unibersidad sapagkat may tinatapos itong tatlong unit sa summer class. Kailangan niyang makumpleto ito para makamartsa ang dalaga sa kanilang pagtatapos sa Marso sa susunod na taon.

Bumalik naman si Amanda sa Maynila kahit bakasyon sa kadahilanang nakakuha ito ng summer job sa isang department store na malapit sa kanilang inuupahang apartment. Marahil ay mag-iipon ito ng pera para makatulong sa mga magulang sa gastusin sa kolehiyo.

Mag-iisang linggo nang tuloy tuloy ang nasabing insidente tuwing madaling araw. Hindi man sila ganoon kalapit ni Amanda sa isa't isa dahil hindi sila magkapareho ng kinukuhang kurso sa paaralan, subalit batid ni Ella na tig-iisang babaeng tenant lamang ang kada kuwarto sa kanilang apartment kaya hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang mga kalabog sa kuwarto ni Amanda. Sa mismong dalaga ba o baka naman may alaga itong hayop na dinala mula pa sa Visayas na hindi lang ipinaalam sa kanilang lahat na nagri-renta sa apartment.

Noong isang araw lang ay naitanong din ni Ella ito sa iba pa nilang kasama sa apartment na umuupa naman sa tatlong kuwartong nasa unang palapag. Kung sila ba ay nakakarinig din ng mga kalabog tuwing alas tres ng madaling araw kagaya niya. Subalit wala sa mga ito ang sumang-ayon sa kanya. Tahimik daw ang bawat gabi ng mga ito at mahimbing ang kanilang mga pagtulog.

Hindi mapakali si Ella. Ayaw niyang tumigil sa pag-uusisa hanggang hindi niya mapatunayan sa mga kasamahan niya sa apartment na may kumakalabog talaga tuwing madaling araw sa kuwarto ni Amanda.

Kailangang makahanap siya ng patunay para dito. Napataas ang kilay ng dalaga ng may naisip siyang puwede niyang gawin.

Sinimulan niyang matyagan ang mga kilos ni Amanda. Mula paglabas nito ng kuwarto, pagkatapos maligo, habang kumakain at pati sa paghahanda nito para pumasok sa department store.

Minsan ay sinusundan pa niya ito sa pagpasok nito sa trabaho. Minamanmanan din ng dalaga si Amanda kapag uwian na nito. Palihim na inuusisa nito ang lugar o kainan na pinupuntahan ng babae. Animoy isa siyang detective ng mga araw na iyon. Laging nagtatago at parang nag-iimbestiga sa isang pinaghihinalaang suspect.

Pagkalipas ng tatlong araw na pagmamatyag, isa lang ang napansin ni Ella. Laging nagsusuka si Amanda. Naisip tuloy niya na baka buntis ang boardmate. Maliban dito ay wala ng kakaiba sa dalaga.

Subalit hindi pa rin sapat ang lahat ng iyon para kay Ella. Hindi pa rin nawawala ang mga kalabog sa kuwarto tuwing madaling araw kaya alam niyang may kakaiba talaga rito. Agad na napaisip ang dalaga sa puwede niyang gawing susunod na hakbang para tuklasin ang misteryo ng mga kalabog sa kuwarto ni Amanda.

Miyerkules gabi, napagdesisyunan ni Ella na gumawa ng paraan para makapasok at makita ang kuwarto ni Amanda.

"Amanda, may extrang damit ka bang pang-party diyan? Pwede ba akong manghiram? Wala na kasi akong maisuot sa party namin sa Biyernes e. Sana ayos lang sayo?" Tanong ni Ella sa dalaga para makapasok siya sa kuwarto nito.

Maligno SpecialTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon