Pareho kaming walong taong gulang ng pinsan kong si Leo noon. Sa sityo Ilaya kami nakatira kasama ng aming mga kapamilya. Maliit lang ang sityo namin. Halos dalawang angkan lamang ng magkakamag-anak ang nakatira rito.
Dahil bakasyon noong mga panahong iyon, sinusulit naming dalawa kasama ng iba pa naming mga pinsan ang maglaro at sa iba't-ibang lugar sa sityo. Napakalawak ng mga palayan at maisan sa sityo namin kaya nakakatuwang magtakbuhan dito. May bundok rin sa ibang bahagi ng sityo. Bundok na nababalutan ng masukal na kagubatan at mga punong kahoy. Minsan ay sumusuong kami sa gubat para lang makaakyat ng santol at kaimito.
Minsan rin ay nagnanakaw kami ng mais sa mga nadadaanan naming maisan. Minsan naman ay naninimot kami ng mga palay sa palayang naanihan na. May mga natitira pa kasing mga palay rito. Nakakatuwa dahil minsan ay marami kaming nakukuha kaya masaya kaming pinapayagan ng aming mga magulang na maglaro sa mga naanihan ng mga palayan.
Kapag tulog naman ang dalawa kong kapatid sa tanghali, pumupunta ako kina Leo kahit medyo may kalayuan ang bahay nila sa amin para lang maglaro ng holen at ng teks. Halos isang kampo din ng maisan ang layo ng bahay nila sa amin. Ganoon kami ka-lapit sa isa't-isa.
Nag-iisang anak lang si Leo kaya laging nalulungkot ito at humihingi kina tito at tita ng kapatid para may makasama at makalaro ito. Pero sa kasamaang palad, hindi pa rin nabubuntis si tita Sandy.
Isang hapon, nasa bahay ako nina Leo at dalawa lang kami ang naroroon. Naglaro kami ng teks. Dumalo sa isang okasyon ang mga magulang ni Leo. Kaarawan diumano ng inaanak nila sa kasal sa town proper. Malayo ito sa sityo namin, tinatayang isang oras ang lalakarin bago makauwi sa bahay sina tito at tita mula sa town proper.
Sumapit ang alas sais ng gabi nang hindi pa rin umuuwi sina tito. Unang beses itong nangyari na iniwanan nila si Leo na walang kasama. Dahil wala namang telepono o cellphone noon, wala kaming alam kung ano ang dahilan ng hindi pag-uwi ng mga ito sa tamang oras. Alam kong alam din ng mga ito na si Leo lang ang mag-isang naiwan sa bahay nila kaya nakakapagtaka na hindi pa rin sila umuuwi. Mabuti na lamang at pinuntahan ko ito. Kahit papaano ay may kasama ito sa bahay.
Nagsindi kami ni Leo ng mga ilawang de-gaas sa loob ng kanilang bahay. Wala pang kuryente noon kaya de-gaas ang lahat ng mga ilawang ginagamit ng mga tagaroon sa sityo.
Hindi rin naging problema kung may makakain ba o wala sa bahay nila dahil may mga pagkain namang natira noong tanghalian. Ang ikinakatakot namin ay wala kaming kasama sa bahay. Baka bigla kaming pasukin ng mga aswang o maligno sa loob at patayin kami ng mga ito.
Natakot ako para sa aming dalawa, kaya niyaya ko si Leo na sa bahay nalang muna magpalipas ng gabi. Agad naman itong pumayag. Waring naramdaman din nito ang pagkatakot ko para sa kalagayan naming dalawa.
Agad na kinuha ni Leo ang bag nitong ginagamit sa school. Inilabas ang mga gamit sa loob nito at pinalitan ng damit at kumot na gagamitin niya sa pagtulog sa bahay. Pinatay namin ang mga ilaw, ini-lock namin ang pinto at binuksan ang mga bitbit na flashlights at nagsimulang maglakad sa madilim at makipot na kalsada palabas sa bakuran nila.
Sobrang nakakatakot ang dilim ng gabing iyon kahit may bitbit kaming flashlights. Kung bakit walang buwan ay hindi rin namin alam.
Kauulan lamang ng umagang iyon kaya maputik ang daanan. Malagkit na dumidikit ito sa aming mga tsinelas na lalo pang nagpadulas sa bawat paghakbang naming dalawa. Halos mapigtas ang aming mga tsinelas sa dulas nito.
Magkadikit kaming dalawa ni Leo habang naglalakad. Ang flashlight ko ay nakatuon lamang sa kalsadang aming tinatahak samantalang si Leo naman na nasa aking likuran ay kung saan saan itinututok ang liwanag ng flashlight nito na bahagya kong ikinatakot. Sa isip ko, paano kung may matiyempuhan ang liwanag ng flashlight nitong nilalang ng dilim? Bumilis ang pintig ng puso ko sa isiping iyon.
BINABASA MO ANG
Maligno Special
HorrorRank #1 HORROR. Huwag magbasa kung mahina ang loob. Koleksyon ng mga orihinal na kuwentong maligno sa probinsya at siyudad. #Featured #Aswang # Tiktik #Probinsya #Manananggal #Tagalog #Pinoy #Horror