Prom Queen

6K 115 5
                                    

Hindi ko pa rin makalimutan ang kuwentong ito tungkol sa nakakatakot na high school compound sa baryo namin. Grade 4 pa lamang ako noon ng marinig ko ang kuwentong ito mula mismo sa SK chairman namin.

Ito ay kuwentong nagpabago sa pananaw ng mga tao sa aming baryo. Kuwentong nagpatunay na nakakatakot talaga ang high school compound sa amin.

Magkahiwalay ang building namin sa high school. Nasa sentro ng baryo ang sa elementarya samantalang nakadikit naman sa bungad ng makapal na gubat ang high school.

Masukal na kagubatan ang nasa likod ng high school compound sa baryo namin. Literal na nasa bungad ito ng malawak na gubat. Gubat na pumupuno sa kabuuan ng bundok Mariit.

Bantog ang bundok na ito bilang misteryoso. Mayroong mga pumapasok sa nasabing bundok subalit hindi na nakakalabas. Sa hindi malamang dahilan, hindi rin natatagpuan ang mga nawawalang katawan ng mga ito.

Simula ng magkasunod na insidente ng dalawang nakaraang taon sa kagubataan at kabundukan ng Mariit, wala ng nagtangka pang pumasok ulit rito. Lahat ay takot sa puwedeng mangyari sa kanila.

Hinala ng mga matatanda, pugad daw ito ng mga engkanto. Engkantong nangunguha ng mga taong nagugustuhan ng mga ito, lalaki man o babae. Kaya raw may pattern ang mga nawawala sa bundok ng Mariit. Magagandang dalaga at mga makikisig na kabinataan.

Binubuo ng apat na sementadong gusali ang high school sa amin na mayroong tigda-dalawang classrooms bawat isa, ibig sabihin, tigda-dalawang sections lamang ang mayroon sa bawat taon mula first year hanggang fourth year. Halos sampung dipa lamang ang agwat ng mga gusali sa bawat isa.

Sa bahaging likod na bungad ng gubat at bundok ng Marikit ay nakatayo ang covered gym. Ito ang gusali na laging pinagtatanghalan ng mga school activities sa buong taon ng klase. Mula sa foundation day, teacher's day, JS prom, araw ng pagtatapos at kung ano ano pa.

Sa parehong tabi ng mataas na stage ay mayroong dalawang malalaking puno ng akasya na kinadidikitan naman ng iba pang mayayabong na punong nagdudugtong sa high school at sa bundok ng Mariit.

Sa laki ng bawat puno, halos puwede ng gumawa ng maliit na kubo sa loob ng mga ito. Napakatanda na rin ng dalawang puno. Makikitang marupok na ang balat nito at may mangilan-ngilang na ring mga malalaking ugat na nakausli na sa lupa.

Napakayabong din ng mga sanga at mga dahon ng dalawang akasya. Kung isasama pa ang mga katabing puno nito, puwede ng tanggalin ang cover sa gym at ito nalang ang magsilbing lilim sa gusali.

Naging katatakutan ang high school compound noong nagsimulang may sunod sunod na namatay rito. Ang pinakauna ay isang dalagang sinapian diumano habang nasa loob ng klase. Nagsalita raw ito ng mga banyagang wika sa kaniyang mga kamag-aral. Ilang sandali pa ay tumirik ang mga mata nito, nagisay at namatay. Nanghinayang ang lahat dahil napakabait at napakaganda ng babae. Ilalaban pa sana ito bilang muse ng paaralan sa district meet. Kaya nalungkot ang lahat sa nangyari.

Sinundan ito ng binatang lider ng cadet officers ng paaralan. Kilalang matipuno at guwapo ang nasabing lalaki. Halos lahat ng mga dalaga sa school ay may lihim na gusto rito. Subalit labis na ikinalungkot din ng lahat ng malamang namatay ito sa bangungot habang nagka-camp sa kanilang paaralan.

Dalawa pa ang magkasunod na namatay sa sumunod na dalawang taon. Dahil maliit lamang naman ang baryo namin, mabilis na kumakalat ang balita. Kaya naman nagsimulang makaramdam ng takot ang mga tao sa luhar namin lalo na ang mga magulang. Nangangamba ang mga ito para sa kanilang mga anak na nag-aaral sa high school na iyon.

Dahil ako ang panganay sa aming pamilya, hindi rin maiwasang matakot ang Nanay ko ng mga panahon na iyon. Ipinasya kaagad nito na kapag nakapagtapos na ako ng grade 6, doon na ako kina Tita sa bayan mag-aaral ng high school.

Maligno SpecialTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon