Freelance

4.6K 100 3
                                    

Araw ng Sabado noon, day off ko sa trabaho bilang isang graphic designer sa isang creative agency sa Makati. Halos ika-dalawang taon ko na ito sa kompanyang iyon. At dahil marami na rin akong mga nagawang personal design artworks na naka-upload online, nakakakuha ako ng mga local clients.

Sari-saring kliyente ang mga nakukuha ko. Mayroong nagpapagawa ng birthday cards, wedding invitations, website, logo branding, at kung ano ano pa.

Isang linggo pa lamang ako sa unit na bago kong nilipatan at niri-rentahan sa Cubao. Medyo naninibago pa ako dahil ako lang ang nakatira sa buong unit na iyon. Pang-apat na tao ang nasabing unit pero ako pa lamang ang nagri-renta. Studio type lang ito at mayroon lamang dalawang double deck sa magkabilang gilid. Malaki naman ang loob nito kaya hindi masikip sa apat na magiging tenants.

Kumpleto na rin ang mga kagamitan rito. May refrigerator, may lutuang de-gasul, may lamesa, may aircon, may washing machine, may shower, may heater at iba pa.

Higit sa lahat, kasama na sa renta ang telepono at internet connection. Tama lang ang rentang may kamahalan para dito dahil maluwag at kumpleto na sa mga gamit.

Mayroon ding malaking kabinet sa loob na may apat na bukasan. Dito puwedeng maglagay ng mga importanteng personal na gamit ang mga tenants at puwedeng kandaduhan upang hindi manakaw ng sino man.

Dahil bakante pa naman ang ibang lagayan sa kabinet, dito ko muna inilagay ang iba kong mga damit at sapatos. Plano kong tanggalin nalang ang mga ito kapag may dumating na tenant.

Sa likuran ng unit na iyon ay may maliit na musuleo. Luma at abandonado na ito at halos wala ng pumapansin. Ayon sa kuwento ng landlady, sementeryo daw dati iyon na ginawang musuleo lamang. Sa tagal ng panahon, napabayaan na ito.

Wala raw pumupunta o dumadaan sa nasabing abandonadong musuleo. Marami raw kasing multo at maligno ang nagpapakita rito.

Naikuwento rin nito na minsan daw ay may isang palaboy na tumira sa musuleo. Ginawang tirahan at tulugan nito ang maliit ng bahay bahayang kinalalagyan ng sementadong rebulto at ng mga puntod.

Isang linggo lang raw ang nakalipas at natagpuang patay ito sa mismong maliit na bahay bahayan. Ang haka-haka, hindi raw nito napatay ang kandilang ginamit ng gabing natutulog siya at kumalat ang apoy nito sa kanyang mga damit, kumot at unan.

Nasunog daw diumano ang palaboy habang natutulog at walang kamalay malay. Nakita lang daw ang bangkay nito ng may dumaang mga batang pulubi sa nasabing bakanteng musuleo.

Kung sino man ang makakarinig ng ganoong kuwento mula sa landlady, siguradong matatakot. Siyempre iisipin ng mga nagri-renta na puwedeng pumasok sa unit ang mga multo o maligno mula sa lumang sementeryo.

Pero dahil hindi naman ako matatakutin, balewala lang sa akin ang mga kuwentong multo o maligno na iyon. Naalala ko pa 'yong pamahiin na kapag nabakante raw ang isang lugar o tahanan, tinitirahan ito ng mga maligno. E wala pa naman akong nakitang maligno sa buong buhay ko.

Pagkatapos kong maghapunan sa isang kainan sa harap ng apartment building na tinitirahan ko, inihanda ko na ang mga gagamitin ko sa pagbuo ng website design, ito ang pangatlong freelance project ko ng linggong iyon na kailangan kong maipasa pagdating ng Lunes.

Inilabas ko ang aking papel at lapis para sa layouting, printed na creative brief galing sa kliyente, mainit na kape, bottled water, at kung ano-ano pa para tuloy-tuloy ang aking trabaho.

Naging ruta ko na ang ganitong pagtatrabaho. Gusto ko ng tuloy tuloy na paggawa para hindi mawala ang creativity sa utak ko. Lagi namang matagumpay ang bunga ng aking mga paghihirap dahil wala pa akong pumalpak na project. Lahat ay aprubado at binayaran ng kliyente.

Maligno SpecialTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon