Maligno sa Unit

6K 123 8
                                    

May 2013.

Second year college transferee ako dito sa Maynila noong mga panahong iyon. Sa kadahilanang natanggap sa bago niyang trabaho si Kuya Roy sa Cubao, agad kaming lumuwas galing sa probinsya patungo dito sa Maynila para makahabol ako ng enrollment sa second year sa isa sa mga unibersidad dito sa siyudad.

Si Kuya ang nagpapaaral sa akin. Siya rin ang nagbigay ng suhestiyon sa aming mga magulang na dito na ako sa Maynila mag-aral upang mabantayan din ako ng maayos nito. Talamak ang bisyo sa mga kapwa ko kabataan sa aming lugar kaya naman ganoon na lamang ang pagbabantay nila sa akin. Nauunawaan ko naman at pangarap ko rin talagang makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho ng marangal kaya sumusunod ako sa gusto nina Kuya.

Isang kuwarto na may dalawang silid sa loob ang napagdesisyunang rentahan ni Kuya Roy sa isang malaking apartment sa Mandaluyong. Nasa loob ng subdibisyon ang nasabing apartment. Sa unang tingin, may katandaan na ang subdibisyon. Para itong nirenovate nalang mula sa mga lumang bahay at kalsada na gawa ng mga kastila noong unang panahon.

Napapalibutan ang subdibisyon ng mataas at sementadong bakod. Mahigit sampung apartment buildings rin ang bumubuo rito. Malalaki ang mga apartments. Halos hanggang apat o limang palapag ang mga ito. Ang iba ay may elevator pa. Ligtas na ligtas din ang lugar dahil sa mga nagro-rondang guwardiya tuwing gabi sa loob nito.

Dahil nasa-ikalimang palapag ang kuwarto namin sa isang apartment na naroon, kakailanganin pa naming sumakay ng elevator para umakyat at bumaba rito. Maliban na lamang kung sisipagin kaming umakyat at bumaba sa hagdanan.

Naging sobrang abala ang unang linggo namin ni Kuya Roy dahil sa enrolment ko at sa pagbili namin ng mga dagdag na kagamitan para sa loob ng bahay na hindi kasama sa renta. Bumili kami ng heater, ng washing machine, at kung ano ano pa. Nagpakabit na rin kami ng telepono na may kasamang internet bilang kakailanganin ko rin ito sa aking pag-aaral at kapag may inuuwing trabaho si Kuya Roy sa bahay. Puwede rin naming gamitin ang telepono na pantawag sa aming mga magulang sa probinsiya.

Hindi naman kapansin pansin ang kalumaan ng elevator sa apartment na iyon. Ito ay marahil ilang beses ng na-renovate ang loob nito. Makikitang ilang patong na ang wallpaper na idinikit dito. Hindi ito tipikal na elevator na kagaya ng mga nasa corporate buildings. Puno ito ng papel na wallpaper at may mga ilang nakasulat na vandal ng kung sino sino. Luma na rin ang carpet sa sahig nito at puno pa ito ng alikabok.

Sa lahat ng vandal sa elevator, isang guhit ang umagaw ng aking pansin. Guhit ito ng isang pamilya. May tatay, may nanay, at dalawang anak. Mukhang likha ito ng isang bata dahil nasa ibabang bahagi ito ng dingding ng elevator.

May isang vandal ding nakasulat na "Mag-ingat sa kanya" katabi ng "Diego love April." Napailing na lamang ako. Inisip kong iba talaga ang mga kabataan dito sa Maynila, medyo walang disiplina.

Unang araw ng sabado namin sa Maynila, buong umaga kaming nag-ayos at naglinis ng kabuuan ng kuwarto. Dahil parehong pagod, natulog kami ng buong hapon sa unit pagkatapos ng tanghalian.

Alas-sais na ng hapon nang ako'y nagising. Agad akong lumabas ng aking kuwarto para magbukas ng mga ilaw sa sala. Sinilip ko ang bahagyang bukas na kuwarto ni Kuya. Sobrang himbing ang tulog nito kaya hindi ko muna siya ginising. Alam kong pagod na pagod ito.

Nakaramdam ako ng pagkahilab ng aking sikmura dahil sa gutom. Agad kong naisipang bumili ng pagkain sa labas ng subdibisyon. Sumilip muna ako sa bintana. Noon ko lang napagtanto na isang mataas na sementadong bakod pala ang katabi ng apartment namin na kinatatayuan pa ng isang malaki at mayabong na puno ng Akasya. Sa itsura nito, ito na siguro ang pinakamatandang puno na nakita ko sa buong buhay ko.

Naisip ko na kung sa probinsiya namin ito, malamang pinaputol na ito ni Inang. Pinamamahayan daw kasi ito ng mga maligno na lumalabas tuwing gabi. Nasa ganoong pag-iisp ako nang biglang bumagsak ang kaserolang nakasabit sa taas ng lababo. Literal na napalundag ako sa gulat. Halos tumalon ang puso ko mula sa aking dibdib. Pero dahil wala naman akong nararamdamang kakaiba, pinulot ko nalang at binalik ito sa dating kinalalagyan na parang walang nangyari. Marahil hindi maayos ang pagkakasabit namin dito kaninang umaga.

Maligno SpecialTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon