Umaga na pero hindi makita ang liwanag ng araw dahil sa makapal na itim na usok galing sa pabrika ng Metal. Ang malakas at nakabibinging tunog ng makinarya ay tinatabunan ang sigaw at hikbi ng mga bihag na naggagaling sa loob nito.
Nanlumo si Anino. "Panahon na para matapos ang kanilang pagdurusa." sabi niya, "Humanda kayo mga Metal, ito na ng umpisa ng inyong pagbagsak!" Nag-anyo siyang usok at humalo sa anino ng isang walang malay na Steel Knight.
"MGA MAHIHINA! WALA KAYONG LABAN SA AKIN!" sigaw ni Clyde, lumingon siya kay Anino at ngumiti. Sinadya niyang makuha ang atensyon ng mga Steel Knight na nagbabantay sa pasukan ng Pabrika ng Metal. Buo at malakas ang kanyang loob. Tiwala siyang makakamit niya ang tagumpay dahil ngayon, hindi na siya nag-iisa.
Ang mga naunang Steel Knight na humarap kay Clyde ay agad niyang binugahan ng napakainit na apoy hanggang sa matunaw. Gamit ang isang espadang kinuha niya mula sa kalaban, sinaksak niya ang kani-kanilang Metal Core. Agaran niyang pinaghihigop ang pwersa mula sa mga ito at dali-daling tumakbo papasok ng pekeng kastilyong nagkukubli sa totoong pabrika ng Metal. Hindi siya nagtaka kung bakit hindi makagalaw ang ibang mga Steel Knight dahil batid niya na kagagawan ito ni Anino. Minamanipula ng dating diyos ang anino ng mga Metal. Binuga ni Clyde ang pwersang galing sa mga Metal Core sa main entrance. Dahil sa pagsabog ay nasira ang bakal na pintuan at nagiba din ang mga pader ng kastilyo. Bumungad sa kanyang harapan ang totoong lagusan ng pabrika ng Metal sa ilalim ng lupa.
"Handa ka?" tanong ni Anino na biglang lumabas sa likod ni Clyde.
"Game!" sabik na sagot ni Clyde sabay pulot sa isang kalasag na naiwan ng isang Steel Knight. Hawak niya sa kanyang kanang kamay ang espada at sa kaliwa naman ay ang kalasag. Pakiramdam niya isa siyang ganap na swordsman.
Nilahad ni Anino ang kanyang dalawang palad. "Aking mga alagad, magsibangon kayo." sambit niya at umaktong may hinihila siya pataas sa ere.
Nanlaki ang mga mata ni Clyde habang sa harap niya ay may lumabas na apat na aninong hugis Steel Knight. Ngayon pa lang niyang nalaman ang kakayahang ito ni Anino. Buong akala niya na paghawak sa anino upang hindi makagalaw lamang ang kaya nito.
"Libreng humanga." mayabang na bulong ni Anino kay Clyde.
"Hmp! Bakit ngayon ka lang nagtawag ng aninong alagad?" naiinis niyang tanong.
"Kailangan ko ng kadiliman. Saktong madilim sa loob ng lagusan papasok ng pabrika ng Metal." sagot ni Anino.
Nais pa sanang makipagtalo ni Clyde pero hindi na niya tinuloy dahil nagsilabasan na ang mga Steel Knight galing sa loob ng pabrika.
"Handa ka na?" muling tanong ni Anino.
Nanumbalik ang nananabik na ngiti ni Clyde. "Game na Game!" sigaw niya sabay salubong ng buga ng apoy sa mga kalaban. Gaya ng kanina ay inipon niya ang mga pagsabog ng mga Metal Core.
Nagtawag pa ng maraming alagad si Anino hango sa mga anino ng mga Steel Knight. Sinadya niyang mawala ang atensyon ng mga ito kay Clyde para malaya itong makatakbo papasok ng lagusan papunta sa unang palapag ng pabrika ng Metal.
Halos lahat ng Steel Knight sa unang palapag ay nasa lagusan at kinakalaban ang mga alagad ni Anino kaya naman nakapuslit agad papasok si Clyde sa loob.
***
Napakalawak ng unang palapag na puno ng mga tambuhalang makinarya. Marami ding mga tangke na may kumukulong likidong Metal. Dahil sa kaguluhan sa labas ay pinabalik sa ikalimang palapag ang mga bihag at tinigil ang operasyon ng pabrika. Ito ay pabor sa plano nina Clyde at walang madadamay na inosenteng tao o nilalang ng kalikasan.
BINABASA MO ANG
ANINO
FantasySa isang iglap nabago ang mundong kinagisnan ng lahat. Nasira ang natural na harang na naghihiwalay sa mundo ng mga tao at ang mundo ng mga elemental na nilalang. Nagsimula din ang paghahasik ng lagim ng mga manankop galing sa kalawakan. IIsa lamang...