Sa tuktok ng isang mataas na bundok na balot sa yelo, isang munting palasyo ang mabilisang tinayo na gawa sa putik. Ilang oras at walang tigil na pinaghirapan ito ni Jade, ang diwatang may kakayahan magmanipula ng putik. Pagod man at nahirapan, wala siyang reklamo dahil para ito sa kanyang pinuno na si Dios Apoi. Dali-dali niyang tinungo, kasama ang iba pang naiwang prinsesa sa Templo ni Sibol, ang Kabundukan ng Yelo nang pinatawag sila ni Dios Apoi. Handa nilang pagsilbihan ang kanilang kinikilalang tagapagtanggol at tagapagligtas.
Si Garnet ang nagpainit ng loob ng buong palasyo sa tamang temperatura habang si Amethyst ang naghanda ng makakain mula sa mga prutas at gulay na pinatubo niya gamit ang kanyang kapangyarihan. Gumawa si Aquamarine ng isang malaking bula na hugis higaan para doon magpahinga si Dios Apoi. Ang mahinang ihip ng hangin naman ni Aventurine ang nagpapresko ng buong silid. Si Heneral Azur ay nasa labas ng malapad na pintuan ng palasyo, nagbabatay.
***
"Halika dito, Jade," malambing na anyaya ni Dios Apoi. "Alam ko na pagod ka. Dito ka magpahinga sa tabi ko." Marahan niyang tinapik ang napakalambot na kama na gawa sa bula upang mas maengganyo ito.
Napangiti si Jade at hindi maitago ang kilig na naramdaman. He'to ngayon sa kanyang harapan si Dios Apoi, niyaya siyang tumabi sa kama. Siya ay parang isang bubuyog na nahahalina sa kakisigan nito at sensual na pagtitig nito sa kanya.
"Pero -" Bago pa makapagsalita si Jade ay hinala siya ni Dios Apoi at tinulak pahiga sa kama. Namula ang mukha niya at bumilis ang tibok ng kanyang puso. "Um... Baka makita po tayo nina - " Natigilan si Jade at nanlaki ang mga mata. Sa kanyang paglingon sa gilid ng kama, nakita niya ang walang buhay na katawan nina Aquamarine at Aventurine.
Bago pa makasigaw at makahingi ng tulong si Jade, marahas siyang sinakal ni Dois Apoi hanggang sa malagutan ng hininga.
***
Nagtaka si Amethyst dahil kanina pa niyang pinatawag ang lahat para kumain. Si Heneral Azur ay tumangging sumabay sa kanila at nagpatuloy sa pagbabantay. Binigyan na lamang ito ni Amethyst ng ilang prutas.
Ang silid kainan na ginawa ni Jade ay nagmistulang kagubatan dahil binalutan ito ni Amethyst ng mga baging at mga halamang gumagapang. Isang malapad na punong pahigang tumubo ang nagsilbing lamesa at ang mga sanga nito ay nakahulmang upuan.
"Bakit ang tagal nila?" tanong niya sa sarili habang inaayos ang mga prutas sa ibabaw ng lamesa.
Si Garnet ang nagprisinta na tawagin si Dios Apoi sa silid nito. Sigurado naman sila na kasama din nito sina Jade, Aquamarine at Aventurine. Pero kanina pa iyon, ilang minuto na ang nakalipas.
"Aughhh!"
Nakarinig bigla si Amethyst ang mahinang ungol. Kinabahan siya at nakaramdam ng masamang kutob. Mabilis niyang tinungo ang silid ni Dios Apoi. Nang makapunta na, siya ay napanganga at hindi nagawang pumasok sa silid dahil sa may pintuan pa lamang ay kitang-kita nita ang pagsakal ni Dios Apoi kay Garnet.
Sa tagpong ito, hindi masabi ni Amethyst ang kanyang nararamdaman dahil ito ay pinaghalong gulat, takot at kaba. Nanginig ang kanyang buong katawan at ang isip ay napuno ng pagsisisi. Ito pala ang pinaglalaban nina Sapphire, Kapitan Turq at Rose Quartz. Ito ang katotohanang kanyang pinagbubulag-bulagan.
Sa huling hininga ni Garnet, nabuo ang hiyas na taglay nito sa ere. Walang sinayang na segundo si Dios Apoi, kinuha ito upang angkinin at tumawa na para bang nababaliw.
Napaatras si Amethyst. Dahan-dahan siyang lumayo sa may pintuan ng silid.
"Tama na ang hiyas ang pumipili kung sino ang magtataglay sa kanila pero lingid sa kaalaman ng lahat, maari itong nakawain kapag pinatay mo ang napili ng hiyas." Humarap si Dios Apoi sa direksyon ni Amethyst.
Biglang nanghina sa takot si Amethyst at napaupo sa malamig na sahig. Pakiramdam niya isa siyang daga nakapasok sa lungga ng isang leon na gutom na gutom. Wala siyang kawala.
"Wag mo na akong pahirapan, Amethyst, halika dito," utos ni Dios Apoi, wala na ang lambing sa kanyang boses. Hindi na kailangan pang magpanggap nito at nilabas na ang kanyang pagnanasa sa kapangyarihan.
"H-Hindeeee!" nanginginig na sagot ni Amethyst at pinilit ang sarili na tumayo upang tumakbo.
"Hindi ba, prinsesa kita? Kaya akin ka!" Gamit ang hiyas ng jade, gumawa si Dios Apoi ng pader na gawa sa putik at hinarangan ang dadaanan ni Amethyst. "Kayo ay mga sisidlan lamang ng aking mga hiyas at ngayong wala na kayong silbi, kukunin ko na ang nararapat na sa akin!" Bumuga ng hangin si Dios Apoi gamit ang hiyas ng aventurine upang matulak si Amethyst sa pader na putik. Ang pader ay tinubuan ng mga kamay na putik at hinawakan ang magkabilang braso at hita ni Amethyst upang hindi makagalaw.
"TULONG! TULONG!" malakas na sigaw ni Amethyst.
"TUMAHIMIK KA!" Gamit ang hiyas ng aquamarine, gumawa ng bula si Dios Apoi at pinasok dito ang ulo ni Amethyst. Tinanggal niya ng hangin sa loob para hindi na ito makahinga.
Nagpumiglas si Amethyst at pilit na gumalaw upang makawala sa putik na pader. Tumawag siya ng isang taong-puno upang tulungan siyang tanggalin ang mga kamay na putik. Natawa lamang si Dios Apoi at tumawag naman ng isang taong-putik para kalabanin ang alagad ni Amethyst.
Dahil nais na niyang mapadali ang kamatayan ni Amethyst, lumapit na si Dios Apoi at sinakal ito. Sinubukan ni Amethyst na magpatubo ng mga baging gumapang sa katawan ni Dios Apoi para sakalin din ito pero halos tumirik na ang kanyang mga mata dahil sa kakulangan ng hangin. Unti-Unti nang nagiging blangko ang kanyang pag-iisip.
"DIOS APOI ANONG GINAGAWA MO?!" gulat na gulat na sigaw ni Heneral Azur. Hindi siya makapaniwala sa tagpong nakita. Naguguluhan man, alam niyang mali ang ginagawa ng kanyang pinuno kaya mabilis siyang bumuga ng malakas na nyebe at pinatumba ito.
Gamit ang kanyang espadang yelo, hinati niya sa dalawa ang pader na putik at pinakawalan si Amethyst. Binugahan niya ng malamig na hangin ang bula na nasa ulo nito upang manigas at madaling mabasag.
Pakiramdam ni Amethyst ay inangat siya mula sa pagkakalublob sa tubig. Maraming malalalim na hinga ang kanyang ginawa para punuin ng hangin ang kanyang mga baga.
"Anong nangyayari, Amethyst?" tanong ni Heneral Azur.
Hindi pa kayang makapagsalita ni Amethyst pero nagawa niyang ituro ang silid ni Dios Apoi. Nanlumo ang heneral nang makita ang kumpol ng mga bangkay nina Garnet, Jade, Aventurine at Aquamarine.
Saglit na nagulat si Dios Apoi sa biglaang atake ni Heneral Azur. Siya ay tumilapon at nahilo. Ito na ang pagkakataon nina Amethyst upang makatakas.
"MGA PANGAHAS! AKIN LAMANG ANG MGA HIYAS NINYO!" sigaw ni Dios Apoi nang mahimasmsan. Nagpakawala siya ng malakas na pagsabog. Gumuho at nasira ang palasyong putik.
Nakaligtas man sina Heneral Azur at Amethyst, sila ay napuruhan ng pagsabog at tumalsik. Ang kanilang katawan ay nabugbog at napuno ng sugat. Hindi na nila magawang makatakas kay Dios Apoi.
***
Original Version posted 2018-2020
BINABASA MO ANG
ANINO
FantasySa isang iglap nabago ang mundong kinagisnan ng lahat. Nasira ang natural na harang na naghihiwalay sa mundo ng mga tao at ang mundo ng mga elemental na nilalang. Nagsimula din ang paghahasik ng lagim ng mga manankop galing sa kalawakan. IIsa lamang...