22

163 18 8
                                    

Sa pinakailalim ng matarik na bundok may isang ilog. Nabasag ang manipis na yelong nakabalot sa ibabaw nito dahil sa pagkahulog  ni Milo. Agad na sumalubong ang tubig na nagkulay pula sa paghalo ng dugong nagmula sa tagusang sugat ng tama ng baril sa kanyang dibdib at balikat. Nagising si Milo sa biglaang pagpasok ng tubig sa kanyang ilong. Saglit siyang nagpumiglas sa kanyang paglubog pero binigo siya ng kanyang katawang nanghihina at nagmamanhid dahil sa napakalamig na temperatura. Ang tubig ay animo'y patuloy siyang hinihila patungo sa pinakailalim. Unti-unti ding dumidilim ang kapaligiran dahil sa paglayo ng liwanag mula sa ibabaw ng ilog. Napapikit na lamang si Milo at sumuko sa paggalaw. Ito na ba ang kanyang katapusan? 

Sa pagmulat ng mga mata ni Milo ay nasilaw siya sa biglaang liwanag na bumulaga sa kanya. At sa isang iglap ay wala na siya sa ilog. Siya ay napunta sa isang silid na nababalot ng makikinang na yelo na may iba't-ibang kulay na karamihan ay kulay asul. Pero nakaligtas man sa pagkalunod, ang silid naman ay sobrang lamig na para bang pinasok siya sa isang freezer. Kung hindi pagkalunod, ang ikamamatay niya ay ang manigas sa lamig.  

Tumigil na ang pagdugo ng kanyang sugat at naging manhid dahil sa lamig. Napalitan na ito ng matinding panginginig ng katawan. Halos hindi na rin niya maramdaman ang kanyang mga daliri sa kamay at paa. May pag-asa pa kaya na mabuhay sa ganitong sitwasyon? Nagtatalo ang kanyang isip. Susuko o lalaban ba siya?

Naalala niya ang kanyang mga kaibigan. Si Clyde at lalo na si Bonnie. Hindi niya maitatanggi na may espesyal siyang nararamdaman para kay Bonnie. Mahalaga siya para sa kanya. Siya lamang ang babaeng kanyang iibigin. "Bon- " Nais ni Milo na tawagin ang pangalan nito pero hindi na niya magalaw ang kanyang bibig.

Ganito na lang ba siya mamamatay? Nais niyang makita si Bonnie. Kung ito na ang panahon ng kanyang katapusan, nais niyang magpaalam dito ng maayos. Kahit sa huling pagkakataon ay makita niya ang mukha nito. 

Puno ng pagnanais na muling makita si Bonnie, nagkaroon ng lakas ng loob si Milo na labanan ang kamatayan. Hindi man niya matatakasan ito, kahit papano ay hindi siya agad nagpatalo dito. Inipon niya ang natitirang lakas upang magalaw ang katawang ngayon ay nababalutan na ng yelo.  Ilang minuto din ang kanyang ginugol sa unti-unting pagpapagalaw ng kanyang mga kamay at paa. Hindi na niya alam kung ilang oras na ang nakalipas pero wakas ay nakatayo siya. 

"Ugh!" Ang bawat hakbang niya ay isang kalbaryo. Muli ding nabubuhay at nagdurugo ang kanyang mga sugat sa kanyang mabagal na paggalaw. Ang kanyang paglakad ay nag-iiwan ng bakas ng dugo. 

Sa gilid ng silid na yelo ay may isang lagusan papunta sa isang mahabang pasilyo na balot din ng yelo. Sa dulo nito ay may isang bagay na nagbibigay ng malakas na kinang na kulay asul. Hindi maaninag ni Milo kung ano ang bagay na ito pero bigla na lang sumagi sa kanyang isipan na kung nais niyang makita si Bonnie ay kailangan niyang mahawakan ang bagay na ito. Nagkaroon lalo siya ng determinasyong maglakad patungo dito.

Sa unang hakbang niya sa sahig ng pasilyo ay biglang may malakas na hanging dumaloy mula sa silid na kanyang pinagmulan. Nakaramdam siya ng nakapangingilabot na lamig. Sa kanyang paglingon ay kanyang nakita na mas lumakas at bumilis ang pagyeyelo ng silid. Animo'y gumagapang ang mabilis na pagkalat ng yelo! Dito na natakot si Milo dahil may bulong siyang narinig na kung maabutan siya nito, agad maninigas at magiging purong yelo ang kanyang buong katawan! Pero kahit gustuhin man niyang bilisan ang paglalakad sa pasilyo, kalaban niya ang mahinang katawan at mga sugat na patuloy na nagdurugo. Nanlalabo na rin ang kanyang paningin na sinabayan pa ng sakit ng ulo. Bumibigat na din ang kanyang bawat hakbang dahil sa namumuong yelo sa wala na niyang pakiramdam na mga paa. 

Impossible man, hindi pa rin nawala ang kagustuhan ni Milo na tahakin ang dulo ng pasilyo. Kung ano man bagay ang nasa dulo ay ang kanyang tanging pag-asa upang makitang muli si Bonnie.  

Sa wakas ay isang hakbang na lamang at abot kamay na ni Milo ang makinang na bagay. Nasa harapan na niya ito at humahalina. Pinilit niyang iangat ang naninigas nang kamay upang abutin ito pero sakto sa kanyang paghawak ay naabutan na siya ng gumagapang na lamig at walang sabi-sabi ay binalutan na ng yelo ang kanyang buong katawan. Siya ay nanigas at nalagutan na ng hininga. 

***

"Milo, pakopya naman ng assignment," hiling ni Clyde sabay akbay kay Milo. "Sige na, 'tol!"

"Ayaw ko nga," natawa si Milo. "Bakit ba ngayon mo lang gagawin?"

"Eh kasi kagabi mas inatupag n'yan ang paglalaro sa computer!" nakapamewang na sagot ni Bonnie. 

"Grabe ka naman sa akin, Bonnie. Bakit ang damot mo magpakopya?" nagpaawa si Clyde at sa kakambal naman lumapit.  

"Ew! Layo! Baka mahawaan ako ng katamaran!" reklamo ni Bonnie. Tumakbo siya papunta sa likod ni Milo para magtago. Napangiti si Milo sa ginawa ni Bonnie. 

"Ang sasama ninyo sa akin. Ang best friend ko at kapatid ko, pinagkakaisahan ako!" sumimangot si Clyde. 

"Kasalanan mo yan." giit ni Bonnie.

"Kasalanan pala, ha! He'to para sau!" pinasok ni Clyde ang kanyang hintuturo sa kanyang ilong at umaktong may dinudukot dito.

"KADIRI KA TALAGA, CLYDE!" saway ni Bonnie at tumakbo. 

"Wala ka ding takas, Milo!" banta ni Clyde. 

Ang tatlo ay naghabulan. Sila ay masayang-masaya at nagkakatuwaan. 

***

Pinagmasdan ng isang lalaki ang batang kanyang niligtas mula sa ilog. "Sige, managinip ka ng iyong masasayang alaala," kanyang sambit habang binabalutan niya ng benda ang mga sugat nito. Hindi kailan man nagkakamali ang kanyang mga panaginip. Napanaginipan niya na may isang batang lalaking nangangailangan ng tulong. Agad siyang nagtungo sa lugar ayon sa kanyang panaginip at doon niya nakita ang lalaking ito sa may pangpang ng ilog. Balot na balot ng yelo ang buong katawan nito pero sa pambihirang pagkakataon, ang yelo ang nagpapanatili dito na mabuhay. Binuhat niya at dinala ito sa isang kwebang nagsisilbi niyang tahanan at doon nilinis at ginamot ang mga sugat nito.

"Swerte ka, Milo." Nalaman ng lalaki ang pangalan nito dahil sa kakayahan niyang makita ang pananginip ng sino mang natutulog. Taglay niya ang hiyas ng moonstone na nagbibigay kakayahan na makita at magmanipula ng panaginip. 

"Hindi ka rin pinapabayaan ng kalikasan," dagdag niya sabay tingin sa mahigpit na hawak-hawak ni Milo sa kanyang kanang kamay. May hawak itong makinang na asul na kristal.

"Taglay mo na ang Zircon, ang Hiyas ng Yelo."

***

Original Version posted 2018-2020


ANINOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon