Kung anong mukhang lakas at giting ni Milo sa suot-suot na yelong baluti sa kanyang pagligtas sa mga kaibigan, ay s'ya namang kalunos-lunos na itsura niya pagkawala nito. Maputlang-maputla siya at ang sugat sa katawan, kahit hindi na nagdurugo, ay malalim at mapanganib kung hahayaan lamang. Muling nilapatan ni Sky ng paunang lunas ito at binalutan ng benda. Siya ngayon ay natutulog ng mahimbing at nakaunan ang ulo sa mga hita ni Bonnie, habang siya ay buong pagtanging pinagmamasdan nito at hinahaplos ang buhok.
Sigurado si Bonnie na maganda ang panaginip ni Milo dahil sa kagagawan ni Sky na taglay ang hiyas ng moonstone na may kakayahang magmanipula ng panaginip. Ito naman ay hindi pinalagpas ng kanyang kakambal na si Clyde at hiniling na bigyan din siya ni Sky ng magandang panaginip sa kanyang sandaling pag-idlip. Pinaunlakan naman ito ni Sky. Hindi rin nagpahuli si Ryle na ngayon ay nakangiti habang natutulog.
"Muli't-muli maraming salamat sa iyo," sambit ni itim at nilapitan si Sky na abala sa pagluluto ng kakainin ng mga bagong kasama. Buong galak siyang tinulungan ni Mayumi.
"Walang anuman po," magalang na sagot ni Sky.
Ilang saglit na nakatingin sila sa isa't-isa. "Ikaw ang anak ni Luna, ang diyosa ng buwan at mga bituwin, tama ba?"tanong at pagsira ni Itim ng katahimikan. "Malakas ang kutob ko na kilala mo rin ako."
Hindi sumagot si Sky at tumango lamang. Alam niya na hindi talagang pusa ang totoong katauhan ni Itim. Ito ay nagkataon lang sa kalagitnaan ng kaguluhan sa pag-atake ng mga Metal. Bago pa tuluyang manalo si Platinum, ang reyna ng mga Metal, laban sa mga diyos at diyosa ay nagawa nitong ilipat ang diwa sa isang pusa. Paano ito nalaman ni Sky? Ito ay dahil sa pinapakita sa kanya ng isang espesyal na hiyas.
Alam din ni Sky na si Mayumi ay anak naman ni Bulkano, ang diyos ng gubat at lupa. Ang totoo, kilala niya ng personal ang mga diyos at diyosa dahil bukod na siya ay anak ng isa sa mga ito, siya mismo ay isang diyos. Siya si Bwano, ang diyos ng gabi at panaginip. Paano niya ito nalaman? Salamat muli sa hiyas na hindi niyang sinasadyang matagpuan.
Noong una ay wala siyang maalala at nabuhay mag-isa sa kweba para lamang makatago sa mga Metal pero malakas ang tawag sa kanya ng hiyas ng moonstone na may taglay ng kanyang orihinal na kapangyarihan bilang isang diyos at swerteng natagpuan niya ito. Sadyang hindi siya pinabayaan ni Inang Kalikasan dahil natagpuan din niya ang kapiraso ng isang napakamakapangyarihang hiyas. Sa tulong ng hiyas na ito at ng moonstone, nakikita niya sa kanyang mga panaginip ang iilang mga tagpo sa nakaraan at hinaharap na kanyang pinagtagpi-tagpi upang malaman ang katotohanan sa mga nangyaring kaguluhan.
Nawala si Sky sa kanyang pagmuni-muni nang may marinig sila sa labas na ingay ng mga Metal na naghahanap sa kanila. Rinig na rinig ang malakas na hampas ng mahabang buntot ni Pisces.
"Kailangan ba nating umalis dito?" takot na tanong ni Bonnie. Tinakloban niya ng kanyang mga palad ang magkabilang teynga ni Milo upang hindi marinig ang ingay at hindi magambala ang pagpapahinga nito.
Nagising sina Clyde at Ryle at naging alisto.
"Huwag kayong mag-alala," kampanteng sagot ni Sky. "Hinarangan ni Mayumi ng mga naglalakihang bato ang pasukan ng kwebang ito. Sinigurado niyang nakakubli ito at hindi agad makikita. May isang batong-golem din na nakabantay sa pasukan ng kinaroroonan natin."
Nakangiting tumango si Mayumi.
"Ang galing naman! Bakit parang alam na alam mo agad ang mga mangyayari?" tanong ni Clyde na may paghanga. "Nabanggit sa akin ni Milo na nahulaan mo kung saan siya eksaktong matatagpuan sa tabi ng ilog. Ikaw din ang nagsabi sa kanya na nasa panganib kami."
Lahat ng mga mata ay tumingin kay Sky, puno ng katanungan. Napangiti at napabutong-hininga siya. Naisip niyang ilihim ang tungkol sa espesyal na hiyas pero mukhang wala na siyang kawala. Napanaginipan na rin naman niya ang tagpong ito.
BINABASA MO ANG
ANINO
FantasySa isang iglap nabago ang mundong kinagisnan ng lahat. Nasira ang natural na harang na naghihiwalay sa mundo ng mga tao at ang mundo ng mga elemental na nilalang. Nagsimula din ang paghahasik ng lagim ng mga manankop galing sa kalawakan. IIsa lamang...