1. Troubled Times

8.7K 185 5
                                    


“Bakit ba nanghahaba na naman ang nguso mo riyan?” napapangiting puna ni Lirio sa pinsan niyang si Charisse.

Nadatnan niya ito sa terrace nila. Kamuntik na niyang makalimutan na may lakad nga pala sila nang araw na iyon. Nagyaya ito na mag-malling sila.

“May unggoy kasing nang-asar sa akin bago ako pumunta rito. Ang kapal ng mukha. 'Kakainis!”

Tuluyan nang natawa si Lirio. Alam na niya kung sino ang unggoy na tinutukoy ni Charisse. Si Nathan, ang alaskador nilang kababata at kapitbahay na mula noong nasa preschool pa sila ay hindi na nagsawang asar-asarin si Charisse. “Bakit, ano na naman ba’ng ginawa sa 'yo ng isang 'yon?”

“Sabi ba naman sa akin, pinag-iisipan pa niya kung ibibigay niya 'yong request kong first kiss sa kanya.”

Lalo siyang natawa. “Ano?”

“'Kita mo naman kung gaano kakapal ang apog ng lalaking 'yon. Ako pa ang magre-request sa kanya ng first kiss? Imagine that! Ilusyunado talaga. Samantalang kulang na lang na pati anino niya isumpa ko. 'Yon nga lang makasalubong ko siya sa daan, allergic na allergic na ako sa kanya. At ang nakakainis pa, sinabi niya 'yon sa akin habang kasabay niya 'yong cute guy na pamangkin ni Mrs. Suarez.”

Hindi na siya magtataka kung bakit umuusok ang ilong at bumbunan nito. Unang kita pa lang nito sa pamangkin ng kapitbahay rin nilang si Mrs. Suarez ay nagka-crush na ito roon. Ngunit mukhang nabulilyaso na ang chance ni Charisse dahil sa kagagawan ng number one at nag-iisang kontrapelo sa buhay nito.

“Ang mabuti pa umalis na tayo para mabawasan ang pagkaasar mo.”

“Mabuti pa, nga.” Tumayo na ito mula sa pagkakaupo sa silya. “Huwag ka nang pumasok sa loob. Naipagpaalam na kita kay Tita Maya,” tukoy nito sa mama niya.

Pero hindi pa sila nakakababa ng terrace ay hangos na lumabas buhat sa kabahayan si Yaya Nena. “Lirio, ang papa mo, inatake yata! Nandoon sa study, nakabulagta!”

PARANG papanawan ng ulirat si Lirio nang makita ang berdeng guhit sa monitor ng life support na nakakabit sa katawan ng papa niya. Nakailang ulit na ni-revive ng mga doktor at nurses ang kanyang ama ngunit talagang bumitiw na ito sa huling hibla ng buhay nito.

Napatingin na lang sa kanya ang isa sa mga doktor sa tahimik na pagsasabing wala na ang papa niya.

Pumapalahaw ang mama niya. Nilapitan tuloy ito ng mga nurses at sinikap na payapain. Tahimik na nakamata lang siya sa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Ni hindi siya makakilos sa kanyang kinatatayuan.

“I’m sorry, Miss Baylon,” anang isa sa dalawang doktor na sumubok i-revive ang papa niya. "We did our best to save him but..."

Doon siya tila nagising. Napansin marahil nito na natulala siya.

Saka pa lang siya nakakilos upang lapitan ang mama niya. Tumulong siya sa mga nurses na payapain ito. Sa huli ay pinabigyan na lang niya ito ng pampakalma.

Daig pa niya ang isang robot sa mga sumunod na oras at araw. Kumikilos siya nang ayon sa dikta ng pangangailangan ng nasa paligid niya. Mabuti na lang at nagkataon na semestral break nila nang mamatay ang papa niya. Inasikaso niya ang mga papeles tulad ng release paper ng bangkay sa ospital, ang pagkuha ng serbisyo ng punerarya, ang death certificate, ang burol, at ilan pang mga bagay na dapat sana ay ang mama niya ang mag-asikaso.

Wala siyang alam sa mga iyon. Ang lahat ng mga ginagawa niya ay bago sa kanya. She had lived a pampered life. Ultimo ang pagbabayad ng tuition fee sa school na kanyang pinapasukan ay iba ang gumagawa para sa kanya.

Braveheart 13 Matthew Ocampo (Coldhearted Hero) COMPLETED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon