Prologue

14.8K 199 17
                                    


http://www.phr.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

http://www.booklat.com.ph/



“Bakit kailangan mo pang dalhin sa Amerika si Valerie, Matthew? Kung gusto ni Althea na makita ang bata, hayaan mong siya ang umuwi rito sa Pilipinas.”

Disimuladong napabuga ng hangin si Matthew dahil sa galit na nakikita niya sa mukha ng kanyang amang si Enrico. Kahit kailan talaga ay hindi nito magawang pagsamahin ang tamang lohika at katwiran kung tungkol din lang sa kanyang ex-wife ang pag-uusapan. Samantalang alam naman lahat nito ang nangyari.

Sumandig siya sa minibar ngunit hindi niya magawang maupo. Tensiyonado kaagad siya.

“Matagal na panahon na niyang inabandona ang bata. Bakit ngayon, biglang-bigla, gusto niyang makita at makasama ang apo ko?”

“Dad, anak pa rin niya si Valerie. At ipapaalala ko uli sa inyo, sa amin ni Althea, mas ako ang may kasalanan kaya kami nagkahiwalay. Pero sa kabila n’on, nagmagandang-loob siya na ipaubaya sa atin si Valerie. Ngayon lang uli sila magkikita ng anak namin after so many years. At ngayong may sakit si Althea, makokonsiyensiya naman ako kung hindi ko ipapakita man lang sa kanya ang bata.”

“Lagi mo na lang sinasabi na ikaw ang may kasalanan sa paghihiwalay ninyo ng babaeng 'yon.”

“Bakit, Dad, maaamin n’yo na ba ngayon na kayo ng mga magulang ni Althea ang talagang may kasalanan kung bakit kami nagkahiwalay? O kung bakit kami naging mag-asawa in the first place?”

Lalong bumakas ang galit sa mukha ng daddy niya. “Ipipilit mo na naman ba sa akin 'yan?”

Napailing siya. “Hindi pa ba sapat na patunay sa inyo ang nangyari sa mga buhay namin ni Honeylette, Dad? Nakalimutan n’yo na bang muntik na siyang mamatay dahil sa pagtakas sa isang kasunduan na pilit ninyong ipinalulunok noon sa kanya? Kulang pa ba ang buhay ng panganay niyang anak, Dad? Pasalamat kayo na maagang natuklasan ni Lilac ang kataksilan ng ipinagkasundo n’yo sa kanya. Pasalamat din kayo na nagkagustuhan sila ni Chino. At si Binny, nagkataon lang na mas matigas siya kaysa sa aming tatlo kaya nagawa niyang suwayin ang gusto n’yo. Kung tutuusin, wala naman talagang naging successful sa mga ipinagkasundo ninyo sa aming magkakapatid.”

Nagmura ito. “Nilalapastangan mo na ako!”

“Hindi, Dad. Sinasabi ko lang sa inyo ang totoo. Nangangatwiran lang ako. Na sana noon ko pa ginawa. Hindi sana nasira ang buhay ko.”

“Bakit ako ang sisisihin mo? Pinag-isipan at pinagplanuhan kong mabuti ang lahat ng makabubuti sa inyong magkakapatid. Nagrebelde ka lang sa ginawa naming pagkakasundo sa inyo ni Althea kaya nasira ang buhay mo!”

Siguro nga, kahit paano, may katotohanan ang sinabi ng ama. Bumuntong-hininga siya. Kailan kaya mawawala ang pait sa dibdib niya sa mga ginawa nito noon? “At least, nasira man ang marriage namin ni Althea, hindi ako naging taksil sa kanya,” patutsada niya rito bago siya lumayo sa pagkakasandig sa minibar.

Maaaring natanggap nilang magkakapatid pati na ng mommy niya ang anak nito sa labas na si Divina, ngunit malinaw pa ring patunay iyon na pinagtaksilan ng daddy niya ang kanyang ina.

Nakita niya na nagtagis ang mga bagang nito.

“Walang patutunguhan ang usapang ito, Dad. Tapusin na lang natin. Uuwi ako sa Lokuake ngayon. Martes ng gabi na ako babalik dito. Wednesday ng madaling-araw ang alis namin ni Valerie.”

Alam niyang lalo lang nagalit ito sa kanya. But he didn’t mind a bit. Kung maaari nga lang niyang ipamukha sa kanyang ama araw-araw ang mga pagkakamali nito, ginawa na niya.  

Tumuloy siya sa garahe. Hindi na siya manananghalian pa. Wala na siyang gana. Wala siyang gusto nang mga sandaling iyon kundi ang makalayo sa kanila.

Napanatag lang ang loob niya nang tinatahak na ng kotse niya ang highway na patungo sa Lokuake. Wala pang dalawang oras ay tanaw na niya ang magandang view ng lugar. Ang lugar na kahit kailan ay hindi niya pagsasawaang balik-balikan.

Mabuti pa roon. Sa kabila ng pagiging urbanized ay hindi nasira ang ganda ng kalikasan.

Hindi niya masisisi si Binny kung bakit mas pinili nito na tumira sa lugar na iyon. Anywhere far from his father was peace.

May isang kilometro pa marahil bago siya lumiko sa daan papasok sa Poblacion nang bigla na lang may tumawid sa highway na tinutumbok ng kanyang Toyota Fortuner. Mabilis na tinapakan niya ang preno at nakabig pakabila ang sasakyan ngunit sa huling sandali ay inabot pa rin ng sasakyan niya ang taong tumatawid.

.......................

Braveheart 13 Matthew Ocampo (Coldhearted Hero) COMPLETED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon