Ang ihip ng malamig na hanging amihan,
Humahaplos sa bigat na nararamdaman;
Pagpatak ng luha ay pilit tinitikis,
Kasabay ang ngiting pilit ring tinitiis.
Iwinawaksi ang sakit na nadarama,
Inaaliw na ang sarili sa musika;
Itinutuon ang paningin sa paligid,
Para nang isang litrato sa isang gilid.
Puso ko ay tila nga ba naparalisa,
Nang masilayan ang ngiting laan sa iba;
Tila milyong karayom nadama sa dibdib,
Ninais ko na mawala kahit na saglit.
Alipin ako ng pagmamahal ko sa'yo,
Iyan ang natitiyak ng puso kong ito;
Subalit ang lahat kailangan ng tapusin,
Bago pa tuluyang malunod ang damdamin.
Kung sa piling ng iba'y, kaligayahan mo,
Ito naman ay tiyak na kamatayan ko.
Ngunit sa' king sarili'y dapat na tanggapin,
Laan ka sa iba at 'di para sa akin.
-February 22, 2014
BINABASA MO ANG
Compilation of Poems
PoetryPoems written from the bottom of my heart and from the hidden emotions within.