Jacob's P.O.V.
"Hindi ako magpapakasal sa iyo." Sagot n'ya, "hindi ko rin gustong magkaanak sa 'yo o sa kahit kanino. Tamang ako na lang ang nabuhay sa putang inang mundong ito. Alam ko na ngang impiyerno ang mabuhay, mandadamay pa ba ako?"
"H'wag kang magsalita ng ganyan, Alexa." Sagot ko, "Alam kong hindi naging madali ang naging buhay mo pero hindi naman ibig sabihin no'n hindi ka na p'wedeng maging masaya sa hinaharap." Nilapitan ko ito at hinawakan ang magkabilang kamay, "Kalimutan mo na ang nakaraan, Alexa. Harapin na lang natin ang panahong darating nang magkasama. Pakiusap Alexa. H'wag mo akong tanggihan. Hayaan mo akong mahalin ka."
"Madali lang para sa 'yo ang sabihin 'yan dahil hindi mo pinagdaanan ang pinagdaanan ko, Jake!" Binawi nito ang kanyang mga kamay sa akin. Umatras din ito ng mga dalawang hakbang papalayo sa akin. "Hindi mo naranasan ang parusahan ka ng Diyos sa kasalanang hindi mo alam kung ano. Ang mawala ang lahat sa 'yo, at ang paulit-ulit na magdusa sa kamay ng masasamang tao." Nababasag na ang boses n'ya; naluluha na rin ang kanyang mga mata, "Hindi mo alam kung anong pakiramdam ng paulit-ulit kang babuyin at saktan. Hindi mo rin alam kung ga'nong katinding sakit at galit ang nandirito sa dibdib ko. Galit na hindi maiibsan hangga't hindi ko nakikitang nagdurusa rin ang lahat mga taong nanakit sa akin."
"Alexa...hindi ang Diyos ang may kasala--"
"H'wag mo akong sesermunan tungkol sa Diyos, Jacob. Nanininiwala man akong may Diyos, pero hindi ako naniniwalang may malasakit ang Diyos na ito sa akin. H'wag mong sabihing wala S'yang kasalanan sa nangyari sa 'kin, dahil hindi naman ako tanga para hindi malamang walang mangyayaring kahit anong mga bagay sa mundo, maging langit at impyerno, na hindi N'ya pinahihintulutan. Pinahintulutan N'yang magdusa ako ng sobra...sobra-sobra...sobra-sobra..." tuluyan na itong humagulhol na halos hindi na ito makapagsalita, "Sobra...sobra..."Pinukpok nito ang kanyang dibdib, "Sobra...sobra..." Unti-unti itong lumupagi nang paluhod sa sahig, "Sobra... sobra..." mas lalong tumindi pag-iyak n'ya. Niyakap ko man ito, hindi ko naman ito mapatahan.
"Alexa..."Bulong ko sa kanya, "Naiintindihan kita pero--"
"Hinding-hindi mo ako naiintindihan, Jacob!" Tumindi ulit ang pag-iyak at paghikbi n'ya, " Hinding-hindi hangga't hindi mo nararanasan ang lahat-lahat ng pinagdaanan ko! Hinding-hindi hangga't hindi mo naranasan ang mawala ang lahat sa iyo! Hinding-hindi hangga't wala nang laman kung hindi galit ang dibdib mo! Hinding-hindi hangga't hindi mo nararanasan ang humiling sa D'yos na sana, mamatay ka na lang pero patuloy ka pa ring nabubuhay sa mundo!"
"Mahal kita Alexa..." Bulong ko. Napapatangis na rin.
"Hindi ko kayang ibalik sa iyo 'yan, Jake. Walang puwang ang pagmamahal sa wasak kong pagkatao. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng pagmamahal. Matagal na akong wala no'n sa buhay ko. Sana, nauunawaan mong kailanma'y hindi ko maibibigay sa 'yo ang bagay na wala ako. Mabuti kang lalaki, Jake. Iba ka kumpara sa lahat ng mga lalaking bumaboy sa akin. Kaya naman hindi karapatdapat sa 'yo ang babaeng katulad ko. Ang kailangan mo'y isang babaeng tunay na magmamahal sa 'yo. Yung babaeng maibabalik sa 'yo ang lahat ng pagmamahal na ibinibigay mo. Isang malinis at desenteng babae na maipagmamalaki mo at ng magiging mga anak mo."
"Alexa..." Nanghihina ako. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko. Isa lang ang alam ko ngayon. Mahal na mahal ko s'ya at gagawin ko ang lahat para masigurong mas mapapabuti ito.
"Iluwas mo na ako, Jake. Kailangang naroroon na ako bago mag-sabado. Kung hindi mo ako ibabalik kung saan mo ako natagpuan, ako na lang ang mag-isang aalis."
BINABASA MO ANG
Warak
Mystery / ThrillerStandalone [Completed] Language: Filipino Don't mess with someone who has nothing to lose. [Official Website] www.warak.dyslexicparanoia.com [Editor's Note] Writer: A. Atienza Content Editor: DPEditors Classification: Novel Genre: Psychological...