KABANATA 21

42.6K 973 76
                                    

Alexa's P.O.V.

Totoo pala.

Totoo nga palang kung minsan, akala nati'y napakalala na ng ating mga problema, hanggang sa matuklasan at lubos nating maunawaang mas malala pa pala ang problema ng iba.

Akala ko noon, pasan ko na ang mundo. Akala ko noon, pati ang Diyos isinumpa na ako. Akala ko noon, dahil sa saklap ng mga pinagdaanan ko'y mas mabuti pang mamatay na lang ako. Nagkamali pala ako.

Totoo palang habang buhay, may pag-asa. Na kahit halos buong buhay mo'y malungkot ka, maaari ka pa rin maging masaya sa huli.

"Mommy! Mommy!" Magkakasabay na pagtawag sa akin ng maliliit na tinig.

Napabalikwas ako sa kinahihigaan kong kama habang sumasamapa ang tatlong makukulit na chikiting na hinahabol ng kanilang ama.

"Ang aga n'yo namang gumising, anong oras na ba?" tumingin ako sa alarm clock. Ala-sais pa lang naman ng umaga.

"Sadyang inunahan ka naming gumising today." Nakangiting sabi sa akin ni Jake habang humahalik sa aking kanang pisngi. "O ano kids," pagbaling nito sa mga bata, "Ready na ba kayo?"

Tumango ang mga ito.

"Ok, one...two...three..." pagbilang ni Jake.

"Happy Mother's Day, Mommy!" At saka sabay-sabay na ibinigay ng tatlo ang kani-kanilang mga regalo para sa akin.

"Buksan mo na agad, Mommy!" Sabi ng panganay ko.

"Ok." Abot tengang ngiting tugon ko.

Una kong binuksan ang regalo ni Enzo, ang pitong taong gulang na panganay namin ni Jake.

"Wow!" Tuwang-tuwang sabi ko. "Ang ganda naman nito. Thank you, anak." Sabay yakap ko rito. "Ikaw ba ang gumawa nito?" Isa kasi itong clay na hugis puso. Halatang s'ya lang talaga ang gumawa noon.

"Opo Mommy, pinagpuyatan ko nga yan kagabi eh."

"Ang ganda anak. Nagustuhan ko."

Abo't-abot ang kanyang ngiti sa sinabi ko.

"'Yung akin naman ang buksan mo, Mommy!" Sabi naman ng limang taong gulang na pangalawa namin ni Jake. Si Gladys, ang nag-iisang babae.

"Ok." At saka ko binuksan ang regalo niyo para sa akin. "Wow naman!" Tuwang-tuwang sabi ko, "Ikaw din ba ang gumawa nito?" Isa itong paper doll na may makulay na damit na mukhang pininturahan lang n'ya ng watercolor.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

"Opo. Nagustuhan n'yo po ba?" Maliwanag na maliwanag ang kanyang mga mata--katulad ng sa kanyang Papa. "Ikaw po 'yan eh, kita mo o sexy oh. Tapos itong nasa ibabaw apron yan oh." itinututo nito ang kanyang mga tinutukoy.

Nagkatawanan ang lahat. Nakakatuwa s'ya. Napaka-inosente n'ya.

"Thank you, anak. I like it." S'ya na mismo ang lumapit at yumakap sa akin.

"My turn! My turn!"

Lumulundag-lundag na sambit ng aming medyo utal--pero ingliserong, 3-year old na si Kirby.

"Ok." Habang binubuksan ko ang huling regalo. "Wow!" Pagkabukas ko nito. "Ikaw ba ang nag-drawing nito?" Isa itong ordinaryong writing pad na tiniklop ng patayo na parang greeting card. Sa harap nito'y may naka-drawing malaking deformed na smiley; sa loob nama'y may isang malaking deformed na puso.

"Yes."

"Oh...thank you anak, I like it." Sabay yakap ko sa kanya. Tuwang-tuwa ako dahil hindi pa talaga ito marunong magsulat at alam kong pinaghirapan n'ya itong gawin para sa akin.

"O, buksan mo naman ang gift ko sa 'yo." Nakangiting sabi naman sa akin ni Jake.

Nagtaka ako, wala naman kasi itong ibinigay sa aking regalo.

"Nasa'n?" Nakangiti ako.

"Heto oh." Itinuturo nito ang kanyang dibdib, "Ang puso ko. Halika, buksan mo, bilis."

"Ay si Papa ang corny." Nakasimangot na sambit ni Enzo.

"Anong corny do'n?" Tatawa-tawang tanong ni Jake sa bata.

"Basta ang corny mo, Papa." Pagpupumilit nito.

"Oo nga." Nakakatawang pagsegunda ni Gladys.

Naghalakhakan kaming lahat.

Ang saya ko. Sobrang saya ko. Matapos ang malungkot at masalimuot kong nakaraan, sa wakas, nakamit ko rin ito. Buong akala ko noon, hindi na mangyayari ito. Akala ko noon, permanente na ako sa madilim na kalagayan ko.

Matapos naming masigurong nasa maayos na institusyon si Eliza, napagdesisyunan namin ni Jake na umalis na lang ng bansa papuntang Inglatera. Para makapagsimula ng bagong buhay. At para makalimot sa mga trahedyang nangyari sa buhay namin.

Matapos n'yang ibenta ang lahat ng mga properties ng kanilang pamilya sa Pilipinas, naglagak si Jake ng magkabukod na pondo para sa pagpapagamot kay Eliza at para sa aming pamilya.

Pitong taon na ang nakalilipas, simula nang nakaalis kami ng Pilipinas. Naging maayos naman ang lahat. Naging tahimik naman ang lahat. Linggo-linggo'y tumatawag si Jake sa Pilipinas, para kumustahin at maantabayanan ang kalagayan ni Eliza kahit sa malayo. May mga naatasan naman kasi itong mga taong nag-aasikaso at regular na tumitingin sa kanyang kapatid.

Ang huli naming balita, magaling-galing na raw si Eliza. Pero dahil sa pag-iisip ang kanyang naging problema, naman talaga madaling makasiguro kung magaling na nga ito. Magaling naman kasi itong magpanggap na ok s'ya tulad noon; 'yun bang mukhang normal, kahit na may sayad na pala.

Busy ako sa pagbibihis sa mga bata nang mamataan kong may kausap si Jake sa telepono. Nag-alala ako nang mapansin kong tila malungkot ito.

"Is everything ok?" tanong ko ibinaba na niya ang telepono.

Umiling siya. Tila naaaburido ang kanyang hitsura.

"Bakit? Anong nangyari? Sino ba ang kausap mo?" Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang likod nito

"Si Tita Betchay. Sa Pilipinas. Nagbalita lang."

"Bakit, anong balita?"

Hindi ito sumagot agad. Tiningnan muna ako nito. Bakas ang takot sa kanyang mga mata.

"Si Eliza..." Anya, "Nawawala raw si Eliza!"

[ITUTULOY]

WarakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon