GUSTONG-GUSTO ni Adelle na magwala nang gabing iyon. Kung puwede nga lang ay mag-aamok siya, mabawasan lang ang galit niya para sa isang taong 'yon. Pero alam niyang wala siya sa lugar kapag ginawa niya 'yun. Magmu-mukha lang siyang tanga, panigurado na 'yan.
Pumikit siya ng mariin, saka huminga ng malalim. Kailangan muna niyang pag-isipang mabuti ang gagawing desisyon. Kung hindi, siya rin ang malilintikan. Hindi biro ang hinihinging kapalit nG timawang Jared Bandonillo na ito. At matatanggap sana niya kung sandali lang niya gagawin ang kundisyong sinasabi nito. Ang kaso, tumatagingting na isang buwan siya makukulong sa isang kasunduan na labag sa kalooban niya.
Relax, Adelle. Breathe in... Breathe out... pagpapakalma niya sa sarili sa isip niya.
Biglang sumiksik sa utak niya ang impyernong titiisin niya sa piling nito. Napasigaw siya ng wala sa oras sabay hampas ng malakas sa tiled bathroom sink.
"No!!! Hindi puwede!!!" sigaw niya.
Kunot-noong napalingon ang ibang mga babaeng kasama niya sa loob ng CR ng art gallery na iyon. Napatigil siya ng wala sa oras, tsaka alanganing napangiti.
"Ah... he he he! Hi fans!" sabi na lang niya para matakpan ang pagkapahiya niya.
"Miss, okay ka lang?" tanong ng isang may edad na babae. Base sa damit nitong suot, mukhang mayaman ang isang ito. Bakas sa mukha nito ang awa para sa kanya.
Naku Manang, nakakaawa po talaga ako...
"Do you need help?" tanong ulit nito.
Magsasalita pa lamang siya nang biglang umentra sa usapan sina Panyang at Madi.
"Excuse us, excuse us!" parang pulitikong malakas ang boses na wika ni Madi.
"Makikiraan lang po, ano? Pasensiya na po sa napakalaking abala, mga kababayan. Pero kinakailangan naming kunin ang magandang dalag... este, dilag pala na ito. Mangyari po lamang kasi na nakalimutan po namin siyang painumin ng kanyang gamut," anang maliit na babae. "Kaya medyo sinusumpong na naman siya."
"We hope for your kind consideration," dugtong pa ni Madi.
"Yours truly, the principal," pagtatapos ni Panyang sabay hila sa kanya palabas ng CR ng babae. Iniwan nila ang mga babaeng iyon sa loob na halos salubong ang mga kilay. Parang gusto ng mga ito na i-flush sila sa inidoro.
"Ano bang pinagsasabi n'yo sa loob? Baka isipin ng mga tao doon na nababaliw na ako." naiinis na wika niya.
"Bakit hindi pa ba?" nagbibirong tanong ni Madi.
"Ay ewan! 'wag na nga kayong magulo, lalo lang ako namomroblema sa inyo eh." Naiiyak nang sabi niya.
"Puwera biro," ani Panyang.
"Weh?"
"Totoong puwera biro, Ano ba talagang nangyari doon?" tanong ni Panyang sa kanya.
Napasandal siya sa pader saka padausdos na napaupo sa madulas na sahig ng art gallery. Hindi alam ni Adelle kung paano siya napasok sa ganoong klase ng problema. Sinasabi na nga ba't hindi na lang dapat siya nagpunta sa art exhibit ng pengkum na si Maestro Jared Bandonillo.
"Hindi ko naman sinasadya eh." Naiiyak na wika niya.
Nakiupo sina Panyang at Madi sa tabi niya. Pinagitnaan siya ng dalawa. Wala na siyang pakialam kung naka-dress man siya. Nanghihina na kasi siya.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 7: Jared Bandonillo
RomanceTahimik ang buhay ni Adelle sa piling ng mga pinakamamahal niyang mga washing machines sa kanyang Laundry Shop. Nagulo lang ang lahat sa buhay niya nang bigla siyang magka-utang ng two point eight million pesos kay Jared Bandonillo. At bilang kabay...