SINALUBONG si Jared ng mabangong amoy paglabas niya sa Painting Room. Pamilyar sa kanya iyon. Napangiti siya dahil kilala niya iyon. Carbonara. Ang paborito niyang pagkain at Rio's ang sa tingin niya ang may pinakamasarap na Carbonara na natikman niya. Bigla siyang nakaramdam ng gutom.
Agad siyang bumaba at dumiretso sa kusina. Naabutan niya si Adelle na naghahanda ng mesa. Nasa gitna niyon ang kanina pa niya naaamoy.
"Wow! Ang sarap n'yan ah!" sambit agad niya.
"Tara, kain ka na." yaya nito.
Parang nag-kulay rosas ang paligid nang ngumiti ang dalaga sa kanya. Naroroon na naman ang noon pa niya nararamdaman kapag nakikita niyang nakangiti ito. At hindi na niya maalala kung kailan iyon nagsimula.
Nalalaman kaya nito kung gaano ito kaganda? Kinundisyon niya ang sarili bago naupo sa harap ng mesa. Hindi puwedeng magkamali na naman siya. Ilang beses na ba niyang naipahamak ang sarili dito? Noong una, hindi niya alam kung anong masamang hangin ang pumasok sa utak niya at bigla niyang hinalikan sa pisngi ito. Mabuti na lang at nalusutan niya iyon. Pangalawa, sa hindi niya malamang dahilan. Nang makita niya itong naiiyak at tuliro dahil sabay-sabay na nasira ang washing machines nito sa Laundry Shop, idagdag pa ang reklamo ng mga customers nito. Tumawag siya sa kaibigan niyang nagma-may ari ng isa sa pinakamalaking mall dito sa Metro Manila at nag-order siya ng kapalit sa mga nasira.
Iyon nga lang, nabuking siya agad dahil hindi niya naitago agad ang resibo.
Ngunit wala siyang pinagsisihan sa lahat ng iyon dahil ang naging kapalit naman niyon ay ang unti-unti niyang paglapit sa puso nito. Ang madala ito sa kanyang mga bisig at naipadama dito na may isang tulad niya na naghihintay sa kanya.
"Hoy," untag nito sa kanya.
Napakurap siya. "Ha?"
"Natulala ka na diyan, huwag kang mag-alala. Hindi ako ang nagluto n'yan. Inorder ko 'yan sa Rio's."
Naupo na siya sa harap ng mesa. "Sana ikaw na lang ang nagluto." Sabi niya.
"No. I heard that all-time favorite mo daw ang Carbonara ng Rio's. Kaya ito ang sinerve ko." Paliwanag nito.
"How'd you know?"
"I just did some research."
"Why?"
"Because I want to. Gusto kong gawin 'to para man lang makabawi ako sa kabutihang ginawa mo para sa Laundry Shop." Sagot nito.
"You already thanked me last night."
"I know. But still, gusto ko pa rin gawin 'to. Please, hayaan mo na ako. Kung tutuusin, simple lang nga ito kumpara sa ginawa mo. Parang sinalba mo na rin ang habang buhay namin kabuhayan."
Napangiti siya. "Wala 'yun. Para saan pa't naging magkaibigan tayo."
May kung anong naaninag siyang lungkot sa mga mata nito.
"Right. Basta salamat ulit." Anito.
Muntikan na siyang mapaatras nang bigla itong dumukwang palapit sa kanya. Saka siya kinintalan ng isang halik sa pisngi.
"Thanks Jared," bulong nito.
Hindi na siya nakapagsalita hanggang sa makalabas ito ng bahay niya.
Napangiti siya ng todo. Daig pa niya ang tumama sa lotto. Kung nalalaman lang ni Adelle.
BINABASA MO ANG
The Tanangco Boys Series 7: Jared Bandonillo
RomanceTahimik ang buhay ni Adelle sa piling ng mga pinakamamahal niyang mga washing machines sa kanyang Laundry Shop. Nagulo lang ang lahat sa buhay niya nang bigla siyang magka-utang ng two point eight million pesos kay Jared Bandonillo. At bilang kabay...