CHAPTER 01: Stolen Memories

11.1K 251 11
                                    

OMINOUS
giving the impression that something bad or unpleasant is going to happen; threatening; inauspicious

-----ooo-----

ISANG batang babae ang nakita ni Alice na palabas sa isang bahay na pamilyar sa kaniya. Bahay na para bang malaking parte na ng kaniyang buhay. Nasa harapan siya ng naturang bahay habang sinusundan ng tingin ang batang babae kung saan ba ito papunta.

Tumakbo ito papunta sa kaniya at napasinghap siya nang hawakan nito ang dalawang kamay niya.

“Tulungan niyo po ako! Parang awa niyo na!” Umiiyak na pakiusap nito. Sa hitsura nito ay para bang may kinakatakutan ito na humahabol dito.

“B-bakit? A-ano bang--”

“'Andiyan na siya! Tumakbo ka na!!!” sigaw nito sa kaniya sa matinis nitong boses.

Bigla itong tumakbo palayo sa kaniya.

“Sandali!” hahabulin niya sana ito pero may isang malamig na kamay na humawak sa braso niya.

Agad na gumapang ang matinding kilabot sa buong katawan niya. Ramdam niya ang pagtataasan ng balahibo sa kaniyang braso at batok.

Napalunok siya at marahang lumingon sa likod para makita niya ang may-ari ng kamay na iyon. Isang dalagitang basang-basa ang nakita niyang nakahawak sa kaniya. Nakayuko ito at nanginginig sa ginawa.

“S-sino ka?” Kinakabahang tanong niya.

“T-tulungan mo ako…” Hindi niya masyadong naiintindihan ang pagsasalita nito.

“A-ano?!”

Biglang umangat ang mukha ng babae at ganoon na lang ang hilakbot niya nang makita niya ang nakakatakot nitong hitsura. Malaki ang bibig nito at mapula ang nanlilisik na mata. Maputla rin ang buong mukha nito.

“Tulungan mo ako!!!” Malakas na sigaw nito sa kaniya.

-----ooo-----

NAKABITAW si Alice mula sa pagkakahawak niya sa hawakan ng jeep. Sa sobrang pagod niya sa kaniyang trabaho ay nakatulog na pala siya. At isang nakakatakot na panaginip pa ang dumalaw sa kaniya. Panaginip na ilang gabi na niyang napapanaginipan. Paulit-ulit. Hindi naman niya kilala kung sino ang batang babae at dalagita iyon.

Papungas-pungas at inaantok siyang luminga-linga. Siya na lang pala ang sakay ng jeep. Nawala ang antok niya nang pagtingin niya sa labas ay lampas na siya sa lugar na bababaan niya.

Malakas niyang hinampas ang bubong jeep. “Para po! Para po!” sigaw ni Alice.

Huminto ang jeep at bumaba siya. Hindi niya masisi ang driver dahil kasalanan naman niya dahil nakatulog siya. Wala siyang choice kundi ang maglakad pabalik. Pagod na pagod na siya sa kaniyang trabaho bilang sales lady sa isang tindahan ng mga damit sa mall tapos ganito pa ang mangyayari sa kaniya.

Ang swerte ko naman! Sarkastikong sabi ni Alice sa sarili habang naglalakad.

Gabi na. Tahimik na ang kapaligiran. Hindi naman siya kinakabahan na maglakad mag-isa sa ganoong oras dahil may mangilan-ngilan namang tao pa siyang nakikita. Isa pa, maliwanag naman kahit paano dahil sa mga ilaw ng poste.

Mag-isa na lang sa buhay si Alice sa edad na bente-singko. Nagtatrabaho siya para sa kaniyang sarili. Kailangan niyang kumita para may pangkain, pambayad ng upa sa bahay, para sa tubig at kuryente at sa iba pa niyang pangangailangan. Buhay pa naman ang mga magulang niya pero mas pinili niyang umalis sa poder ng mga ito. Hindi pa siya tapos noon sa kolehiyo nang maglayas siya sa kanilang bahay. Halos wala na rin siyang matandaan sa dahilan ng paglalayas niya. Naaksidente kasi ang bus na sinasakyan niya noong naglayas siya at naapektuhan ng husto ang ulo niya. Nahulog sa hindi gaanong kalalim na bangin ang bus na sinasakyan niya. Ayon sa doktor na tumingin sa kaniya, selective amnesia ang tawag doon. May mga memorya siya na tila nabura sa kaniyang utak. Basta kapag naiisip niya ang kaniyang mga magulang ay galit ang kaniyang nararamdaman.

OminousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon