MAAGANG nagising si Alice kinabukasan ng umaga. Tulog na tulog pa si Karla kaya hindi na niya ito muna ginising para kumain ng almusal. Nagpalit siya ng pambahay na damit mula sa pantulog. Naghilamos siya sa banyo at saka siya bumaba sa kusina. Naroon si Manang Caridad at nagluluto ng pagkain.
"Magandang umaga, Alice. Gutom ka na ba?" Magiliw na turan ng matandang kasambahay sa kaniya. Nakatalikod ito sa kaniya dahil abala ito sa pagluluto.
Humila siya ng isang upuan at umupo. Pinanood niya si Manang Caridad sa pagluluto nito. "Good morning din po. Hindi pa po ako gutom. Ano po ba 'yang niluluto ninyo? Ang bango, a..." aniya. Amoy na amoy niya ang mabangong aroma ng niluluto nito.
"Tapang baka. Binili ko doon sa isang trabahador ninyo sa manggahan. Si Mario. Paborito ito ng mama mo. Gusto niya ito kapag may sinangag na kanin at sawsawan na sukang paombong. Tuwing Biyernes ng umaga ay nagpupunta dito si Mario para dalhan ako ng ganito."
"Mabuti naman po pala at may iba pang pinagkikitaan ang mga trabahador namin sa manggahan..."
"Hindi naman siguro lingid sa iyo na mahina na ang manggahan ninyo. Napapabayaan na kasi. Kaya iyong ibang trabahador, ume-extra ng ibang trabaho. Katulad ni Mario. Nagbebenta siya ng tapa at iba pang pagkain katulad ng longganisa. Iyong asawa niya ang gumagawa."
Tumango-tango siya. Maya maya ay natapos na si Manang Caridad sa pagluluto nito.
"Iyong mga kaibigan mo? Hindi pa ba sila kakain?"
"Tulog pa po sila, e. Manang, pakihanda na lang ng almusal si mama. Ako na ang mag-aakyat sa kaniya at magpapakain."
Kumilos na si Manang Caridad. Kumuha ito ng tray at mga kubyertos. Habang ginagawa iyon ng matanda ay bigla itong nagsalita. "Mabuti na lang at nandito ka, Alice. Kahit papaano ay may katulong ako sa pag-aasikaso kay Celia. Talagang inilugmok na siya ng kalungkutan sa pagkawala ng kaniyang asawa..." Tumingin ito sa kaniya. "Alice, sana ay huwag mo nang iwanan ang nanay mo. Alam ko, bago pa lang ako sa pamilya niyo bilang kasambahay pero nararamdaman ko ang tampo mo sa kaniya. Kailangan ka niya bilang anak."
Parang sinuntok sa dibdib si Alice sa sinabing iyon ni Manang Caridad.
Hanggang sa maalala niya iyong mga multong nagpapakita sa kaniya. "A, Manang Caridad, may itatanong po sana ako sa inyo..." Paraan na rin niya iyon para ibahin ang kanilang pinag-uusapan. "Sana po ay huwag ninyo akong pagtawanan."
"Ano ba iyon?" Kumuha ito ng orange juice at sinalinan ang baso ng kaniyang nanay.
"May nararamdaman po ba kayo dito sa bahay?" Nilakasan ni Alice ang loob niya sa pagtanong niyon. Baka kasi isipin nito na nasisiraan na siya ng ulo.
Biglang natahimik si Manang Caridad. Sandali itong napahinto sa ginagawa. "Nararamdaman na ano?" Muli itong nagpatuloy sa paghahanda ng pagkain ng mama niya.
"Multo?"
"Multo? Wala naman. Hindi naman ako nakakaramdam at nakakakita ng mga multo-multo na 'yan. Bakit ikaw ba? May nararamdaman ka ba?"
"Parang meron po, e. M-may nagpapakita sa akin. Dalawang babae. Isang bata at isang dalagita. Hindi ko nga alam kung bakit sila nandito o bakit ko sila nakikita. Hindi naman ako nakakakita ng mga ganiyan. Ngayon lang nang bumalik ako dito."
"Alam mo, Alice, baka naman namamalik-mata ka lang. Matagal na rin naman ako dito sa bahay ninyo pero wala naman akong nararamdamang mga multo. Isa pa, hindi ako naniniwala sa mga multo-multo na iyan. Kathang-isip lang iyan para takutin ang mga tao. Walang multo, Alice. Hindi sila totoo." Natapos na nito ang ginagawa. Iniabot na ni Manang Caridad sa kaniya ang tray ng pagkain. "Ang mabuti pa, 'wag mo nang isipin iyon. Iakyat mo na ito sa mama mo. Magugustuhan niya iyan." Ngumiti ito sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Ominous
HorrorMay mga nawalang alaala si Alice. At sa pagbabalik niya sa kinalakhang bahay dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama ay dalawang kaluluwa ang gagambala sa kaniya. Sino ang dalawang kaluluwang ito at bakit nasa bahay nila ito? Parte ba ito ng alaala niya...