CHAPTER 05: What's Up?

4.2K 143 6
                                    

MAKALIPAS ang ilang araw ay nailibing na si Francis. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakausap nina Alice si Celia. Palagi itong nakakulong sa kwarto. Kapag sinusubukan naman nila itong kausapin ay hindi ito umiimik. Nakatulala lang ito. Hinayaan na lang nina Alice na ganoon si Celia. Baka kasi hindi pa rin nito matanggap ang pagkawala ng kabiyak. Naiintindihan naman nila iyon.

Isang tanghali ay nakita ni Alice na naglilinis sa kusina si Manang Caridad. Nilapitan niya ito upang itanong ang isang bagay.

“Manang, may itatanong po sana ako sa inyo…” Napahinto si Manang Caridad sa ginagawa.

“Ano iyon?”

“May kilala po ba kayong batang babae at dalagita? Iyong bata siguro hanggang beywang ko tapos iyong dalagita medyo kasing taas ko lang. Parehas po silang maputi. Siguro kakulay ko sila ng balat. Mahaba iyong buhok nila.” Hindi kasi maalis-alis sa isip niya kung sino ang dalawang iyon.

Sa ilang araw kasi ng burol ng tatay niya ay palagi niyang nakikita ang dalawa. Kapag lalapitan naman niya ang mga ito ay tumatakbo palayo na para bang natatakot sa kaniya.

“Wala akong kilala. Bakit?”

“Palagi ko kasi silang nakikita dito sa bahay lalo na no’ng burol ni papa. Minsan naman sa may manggahan. Hindi kaya anak iyon ng isa sa mga trabahador namin?”

“Imposible. Mahigpit na ipinagbabawal ang ibang tao sa manggahan. Tanging mga trabahador lang ang pwedeng pumunta doon.”

“Ganoon po ba? Sige po. Maraming salamat…” Dahil sa wala naman siyang nakuhang kasagutan ay iniwan na niya si Manang Caridad.

Curious pa rin siya kung sino ba ang dalawang iyon. Sa susunod na magpakita ulit sa kaniya ang dalawa ay kakausapin na talaga niya ang mga ito.

Lumabas si Alice ng bahay nila upang maglakad-lakad sa labas. Wala naman kasi siyang ginagawa. Gusto na sana niyang bumalik sa siyudad pero parang hindi naman niya kayang iwanan ang kaniyang ina na ganoon ang kalagayan. Hihintayin muna niya itong maka-recover. Isa pa, may ilang linggo pa siya bago matapos ang kaniyang isang buwang bakasyon.

Inikot ni Alice ang paligid ng bahay hanggang sa may makita siya sa gilid na isang pinto. Sa pagkakatanda niya ay storage room iyon. Doon nila itinatambak ang mga gamit na hindi na nila kailangan o iyong mga gamit na nagpapasikip lang.

Hindi niya alam pero parang may nagtulak sa kaniya para pumasok doon. Matagumpay naman siyang nakapasok dahil hindi iyong naka-lock. Napaubo siya dahil sa maalikabok sa loob. May nakita siyang ilaw at hinigit niya ang switch niyon. Maraming agiw sa kisame. Iba’t ibang gamit ang nakikita niya. May mga kabinet, upuan, lamesa at mga kahon. Naroon din ang piano na inaaral niya noong bata pa siya.

Nilapitan niya ang piano at pumindot ng isang tono.

Sunod na pinuntahan niya ang mga kahon. Binuksan niya ang isa at tumambad sa kaniya ang isang maliit na treasure box. Sinubukan niya iyong buksan pero naka-lock. Nagandahan siya sa desinyo niyon kaya itinabi niya. Itatanong niya mamaya kay Manang Caridad kung nasaan ang susi niyon. Parang maganda kasing lalagyan iyon ng kaniyang mga alahas. Siguro naman ay wala nang may-ari ng treasure box dahil nasa storage room na nila iyon.

Isang kahon pa ang binuksan niya at ang laman niyon ay isang radyo. Natuwa siya dahil meron pa pala silang lumang radyo. Hinipan niya iyon at pinagpagan dahil puno na ng alikabok.

Pinindot niya ang power button at muntik na niya iyong mabitawan sa labis na gulat nang biglang tumunog.

And so I wake in the morning and I step outside
And I take a deep breath ang I get real high
And I scream from the top of my lungs
What’s going on?

OminousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon